Thursday, July 27, 2017

sikaw

may isang nagpapakilala, may isang nais pumaimbulog, may isang nais maghasik ng dagundong. sa dakong ito ng karagatan, may isang nais humilera sa kalagimang dulot ng ik-ik at ng iba pang malebolenteng mga karakter. tunay ngang di nauubos ang bilyano sa epikong ito.

ok naman ang dugong. madaldal, pakyut, aakalain mong singtingting ito kung gumiri kahit na nga isa itong sikaw sa kahit anupamang anggulo mo sipatin. may kaaya-aya itong disposisyon at palakapwa kumbaga. sabi nga ng iba sa karagatan, iba ito kaysa sa kabatak na atche. hindi pala. mukhang mas matindi ito sa may gusto sa london at jalapeño.  

may itinatago nga itong maitim na tinta. may nag-aalimpuyo palang lagim sa kaloob-looban ng 8 tseymber ng sikmura nito na naghihintay lamang na kumawala kapag may pagbubuhusan na ng lagim. kung anong bigat ng biyas nito kapag nasa eter, siya ring dagan nito sa mga piyong nakapaligid sa kanya. una itong nagpakilala sa pamamagitan ng pakikiayon sa ik-ik. siyempre naman, kailangan niyang umayon sa ik-ik dahil ito ay tila malakas sa matandang hukluban at sa pagsipsip nito sa lakas, umaariba rin ang lagim patungo sa sarat na ilong ng sikaw. kaakibat nito ang di matatawarang pagpapalakol at pagtraydor sa mga tao sa paligid. 

higit pang naramdaman ang dala nitong pait at burak nang ibuhos niya ang kanyang hilakbot na tinta sa ilang kaawa-awang mga purita. ginamit nito ang kapangyarihang mamahiya at manghilakbot sa pamamagitan ng pahatiran upang madama ng lahat na siya ang kanang kamay ng nag-iisang ik-ik. gaya ng isang trak ng simento, buong bigat nitong ibinagsak ang kanyang gawgaw sa walang mga labang paslit.

tila wala namang ganitong mga eksena dati. ngayon lamang, nang magsimulang may piyon na maaari nang utusan. umangat din ng isang baitang ang kanyang limliman kaya piho nitong kailangan na niyang pumaimbulog at makipagbakbakan, tinta sa tinta at pagalawin ang maiikling galamay at nang maramdamang siya ay may lagim ding kayang idulot sa iba.

nakalulungkot na di rin pala ito iba sa ik-ik. sa itinatakbo ng mga pangyayari, tila isa sa mga kapangyarihan ng ik-ik ay humulma ng kanyang kapara. nang sa gayon, mas marami ang maaaring maghasik ng lagim sa ngalan ng kanilang masamang diyos-diyosan.

ating abangan ang sandaling may kumalaban sa mga kampon ng kadiliman at sana'y agad itong masawata. 

No comments: