sa loob lamang ng
isang taon, tila isang kabanata ng game of thrones ang nasaksihang pagdanak ng
dugo ng sangkapilipinuhan. kaliwa't kanan ang pagpatay sa mga pinaghihinalaan
pa lamang na sangkot sa droga at mayroon ding mga 'ika nga ay medyo malalaking
isda, tulad ng mayor ng lungsod ng ozamiz, na diumano'y nanlaban kaya't
pinatay, sampu ng kanyang asawa at kamag-anakan. marami ang walang habas at
parang hayop na kinitlan ng kinabukasan dahil lamang sa sumbong ng sinuman. mas
masaklap, pati ang mga menor de edad na katulad ni kian loyd delos santos ay
walang awang sinaktan, tinakot, pinagkaisahan, pinreym ap sa pamamagitan ng
pag-abot ng baril at sapilitang pagpapatakbo rito, pinagmukhang nanlaban at
saka pinutukan ng baril sa ulo ng tatlong beses. pinatay ang bata, ni hindi
pinakinggan ang mga hiling nitong "tama na po, may test pa ako
bukas."
pare-pareho ang
iskrip dito. may nagsumbong… ni walang anumang matamang pagsasaliksik, at ang
tip na ito ay sapat na upang isagawa ang operasyon. magkaminsan ay may mga
pahaging tulad ng ginawa sa pinsan ng isang dating kaopisina. binigyang-babala
ito sa pamamagitan ng pambubugbog dito sa loob ng sariling tahanan at
sinabihang babalikan ito. nang bumalik na nga ang mga kawatang alagad ni
duterte, walang awang pinatay ng mga ito ang lalaking nag-adik minsan ngunit di
raw nadawit sa pagtutulak ng droga kailanman. nanlaban umano ito at sinubukang
agawan ng baril ang mga pulis na nakasibilyan. ngunit ang totoo, pawang mga
daing ng taong wala nang lakas dahil sa bugbog at pananakit at ang paninikluhod
sa mga alagad ng demonyong "tama na, sir. tama na po." kinaladkad sa
labas ng bahay patungong kalsada, tsaka muling pinutukan ang wala nang buhay na
katawan nito.
sa samu't saring mga
kasong ito, iisa lamang ang higit na malinaw, walang tunay na malaking isda ang
nasabat ni duterte at ng kanyang mga minamahalagang kapulisan. pawang mga
mananakbo o pinaghihinalaang mga tulak lamang ang napatumba – lahat mahihirap.
ni walang operasyon sa mga mararangyang mga lugar sa kamaynilaan… maniniwala ka
bang walang droga sa mga eksklusibong mga subdibisyon? wala ring mga tsino o
mga dayuhang nadadawit sa oplan tokhang ni duterte. walang mga dayuhang sa mamahaling
mga paupahan mismo nagpapabrika ng droga o ng mga miyembro ng malakihan at
pandaigdigang mga sindikato ang nabalitang napatay. ni 'yung mga naghahanap ng
mga mulo sa mahihirap na lugar, wala ni isa man lang ang nadakip.
bakit? dahil puro
yabang at harabas na pamamaraan ang ginawa ni duterte. ngayon, siya na mismo
ang umaaming minaliit niya ang problema at nagkamali sa mga hakbang at ituloy
ito sa pag-iisip na "kung ano ang nangyari sa davao ay maaaring magawa sa
pambansang lebel". wala kasi siyang ginawang anumang pagsasaliksik at
tamang pagtataya. marami na ang nagsabi, hindi ito magagawa ura-urada, lalo
na't naglipana ang marurumi at buktot na mga pulis. isama mo pa ang mga
pulitikong nagkakanlong sa mga malalaking sindikato. kaya nga, lumusot ang
ismagling ng tone-toneladang shabu sa kawanihan ng adwana. sala-salabid ang ugnayan
dito, mula sa mga pulis, sa mga nasa posisyon, sa mga distribudor at maging sa
mga taong nakapaligid mismo kay duterte. kung pinag-aralan sana muna nilang maigi,
inisa-isa ang mga buhong bago nagpadanak ng dugo, mas maigi sana ang resulta. pero
hindi, inisip ni duterte at mga pulis na sapat na ang pananakot, pambibintang
at pagpatay sa mga mahihirap upang masawata ang problema sa droga. ni hindi
pinag-aral nang mabuti ang mga pulpol na pulis! sa pilipinas mo lang maririnig
na ang mga pulis ay dumedepende sa impormasyon sa social media upang masino ang
mga sangkot at hindi.
hangal din si duterte
upang bigyan ng kota ang mga pulis… mas maraming nailigpit na mahihirap na
tulak (kuno), binibigyang-insentibo ni duterte ang mga ito. di man lamang
inisip na sa hanay mismo ng kapulisan, marami ang sangkot kaya't malamang na
protektahan nito ang kanilang mga sarili. sa hakbang na ito, ginawa ni duterte
na singkaraniwan na lamang tulad ng pagsakay sa dyip ang ekstra-hudisyal na
pagpatay. binigyan nito ng delikadong kapangyarihan ang mga pulis na basta na
lamang pumatay ng sinuman nang walang kapararakan, o anumang batayan o
paglilitis. at ang lahat ng ito ay sa unawaang wala rin silang pananagutan sa
batas maski pa murder ang kanilang ginawa.
sa paniniwalang
paglikida at walang habas na pagpatay lamang ang tanging paraan, kinakayod ni
duterte ang hiblang moral ng sambayanan. sadyang itinitimo sa mga murang isipan
na ok lamang pumatay kahit walang anumang sirkumstansya at kapag ginawa mo ito,
wala kang kailangang panagutan sa batas.
ano pa bang alam ni
duterte? bukod sa di naman mapagtatagumpayang kampanya laban sa totalmenteng
pagsawata sa droga, ano pa kaya ang balak gawin ni duterte? bukod sa pagpupumilit
na iupo si bongbong bilang bise presidente, ano pa kayang aatupagin ni duterte?
ngayon, lalong mas nagiging klaro ang mga bagay-bagay. walang anumang
pambansang pananaw ang iniupo ng 16 milyong pilipino nitong nakaraang panahon.
wala itong anumang balintataw bukod sa droga. may mayopya si digong at tanging
ang mga bagay na may kinalaman sa droga lamang ang pumapasok sa kukote nito. wala
itong anumang balaking pag-igihin ang kabuuan ng bansa sa lahat ng aspeto dahil
itinulak lamang siya ng mga taong may maitim ding balak. batid niyang
nabibilang na rin ang kanyang araw. sinisingil na siya ng mga nagpabaha ng
salapi upang siya ay manalo. naiinip na ang mga buktot na maupo sa tabi at nais
na nilang pumaimbulog. sampu ng mga bayarang hukbo ng mga troll, pang-action
star at buong pahimakas pa rin nitong pinangangalandakan ang bara-bara at wala
sa hulog na mga gawi nito.
malayo sa paglimi ng
mga bumoto sa kanya, hindi naiba si duterte sa mga trapo. isinasabuhay nito ang
matandang uri ng pulitika sa pilipinas, ang patronisasyon at pangangalaga sa
sariling interes, hindi ng lipunan. oo nga't mukhang wala pang naipipintas sa
kanya sa anumang porma ng kurapsyon, di ito nalalayo dahil na rin sa di pa
nakakalkal na tagong yaman nito. sa oplan tokhang, marami ang nagbubunyi. pero
sapat na ba ito upang ideklarang hulog si duterte ng langit? hindi. at
hinding-hindi. wala itong pinagkaiba sa mga isinusukang mga pulitiko ng mga
nagdaang panahon. sa tinatakbo ng panahon, hindi tumatagal ang mga malilinis na
mga personalidad na gaya ni judy taguiwalo at gina lopez sa poder ni duterte. pinatatalsik
ang mga ito ng mga pinagkakautangan ng loob ni duterte. naiiwan ang mga di
mapagkakatiwalaang tulad nina salvador panelo, jose calida at vitaliano aguirre;
balimbing at oportunistang gaya ni alan peter cayetano; mga tagapagpakalat ng
mga mali at gawa-gawang impormasyong gaya ni mocha uson (dapat sunugin ito sa
plaza); at ang nakalulungkot, kinakain na ng sistema ang mga dati nama'y may
sustansyang mga indibidwal tulad ni koko pimentel (na tila sindunong na lang ni
manny pacquiao kung mag-isip at magsalita) at martin andanar (na isang
tau-tauhan na lamang ng mga gaya ni mocha, gayong ok na journo dati).
naka-isang taon na.
wala pa ako nadaramang tunay na mahusay na ginawa ni duterte. nawa'y magising ito
mula sa kanyang kamalian at mula sa bangungot na ito ay maunawaan niyang wala
na siya sa malagihay na pamamalakad ng isang lungsod.
No comments:
Post a Comment