Friday, December 17, 2010

aguinaldo

di ko mawari kung anong meron sa 2010, ngunit sadyang huli na ako sa anumang pamimili ng mga regalo para sa pasko. nang mga nagdaang taon, sa mga panahong ito, tanging ang pagbabalot na lamang ng mga regalo ang pinagkakaabalahan ko o ang papatsi-patsing pagbili ng mga naiwan pa. ngayon, wala pa akong anumang nabibiling regalo para sa kahit kanino. maging ang special request mula kay julia, may larawan na ito't pupuntahan ko na lamang sa mall, di ko pa rin nabibili.

sa tinatakbo ng mga bagay-bagay at sa dami ng mga kailangan pang gawin bago mag-disyembre 22, mukhang mauuwi ako sa pagbibigay ng pera bilang aguinaldo. di ko nakasanayang magbigay nito sa kapaskuhan, sapagkat para sa akin, kaakibat ng pagbibigay ng regalo sa pasko ay ang pagbibigay ng kaukulang punyagi upang maghanap ng nababagay na regalo sa bawat mahal mo sa buhay, mga kaibigan at inaanak. isa pa, naeengganyo rin naman akong makipagsiksikan sa mga pamilihan at mamili ng mga bagay-bagay tuwing pasko... tila isa itong senyal na pasko na nga at panahon na naman ng pagbibigay ng regalo.

sa isang banda, may mga indibidwal na sadyang dinaraan sa gara ng balutan ang bawat regalo ngunit ang laman ay inimpis lamang sa sanga-sangang pinagkunan? maaari pang mag-recycle ng mga regalo (mula sa ibang taon), ngunit ang balutin muli ang mga bagay-bagay na bahagi ng corporate giveaways at muli itong iregalo ay di masyadong kaaya-aya. sa ganang akin, sadya itong pang-uuri ng tao at wala itong bagay kundi tanda ito ng ibayong kakuriputan at kahangalan. ang mga bagay na ito'y maaaring muling ibigay sa ibang tao, ngunit di dapat sa panahon ng pasko. sabi nga nila, magbibigay ka na lamang, bakit di mo pa itodo at pag-ukulan ng panahon? ang pag-ukulan ng panahon ay di nangangahulugang mag-ipon ng mga maaari pang i-recycle kundi maghanap ng mga bagay na di naman gaanong mahal ngunit binuhusan ng oras at pagkakataong makahanap ng mga kaaya-ayang regalo.


bagamat di ako masyadong apektado sa sasabihin ng iba, di ko pa rin maaatim na mag-impok ng mga corporate giveaways at ibigay ito bilang aguinaldo sa pasko. maaaring sa mga inaanak ay pera na lang, ngunit sa mga kapamilya, tutungo kami sa mall at papipiliin ko na lamang sila. maligayang pasko!

No comments:

Post a Comment