Friday, December 17, 2010

bomod-ok

ang pangalawang araw namin sa sagada ay nagsimula ng maaga. bandang alas-6, gising na ako. ngunit halos alas-7 na ng kami'y lumabas ni dad upang mag-almusal. grabe ang ginaw kaya dalawang patong ang panglamig ko, lalo na nga't wala akong dalang pantalon. pagdating sa plaza ng munisipyo, kabubukas pa lamang ng mga tindahan ng almusal. nagkape kami at kumain ng suman ng mga taga-sagada. mayroon din silang tindang arroz caldo, siopao at dalandan.

bumalik kami sa inn upang maghanda na sa aming abentura patungong talon ng bomod-ok. lingid sa aming kaalaman, ibang daan pala ang aming tatahakin pababa ng talon, di gaya ng una kong punta rito noong 2007. mas malayo ang minaneho ng aming sasakyan, ngunit di matarik ang mga baitang pababa. halos patag din ang mga konkretong pilapil na aming tinuntungan patungo sa bomod-ok.

nang makarating kami sa talon, higit na malakas ang buhos ng tubig dito, dahil na rin sa panahon. noong una kaming nandito, tag-init sa mayo, kaya't mas nakalapit kami sa lawa sa paanan ng talon. ngunit ngayon, matindi ang wasiwas ng anggi ng tubig nito, malayo pa lamang ay madarama mo na ang maliliit na hampas ng anggi. higit ding madulas ang mga naglalakihang bato kaya't ibayong ingat ang kailangan kung nais mong mas lumapit sa talon.naglunoy pa rin si dad, pero di na ako lumublob. masyadong malamig ang tubig at malalim ang lawa, baka kung ano lang ang mangyari sa akin. isang sorpresa rin ang pagkakaroon ng bahaghari sa sa paanan ng talon. buti na lang at maaaring mabasa ang kamera ni dad, kung kaya't nakakuha pa rin kami ng piktyur nito.

paakyat, di singhirap ng naranasan ko noong una ang ginawa namin. di gaanong marami ang mga baitang, kung meron man ay di ito gaanong matarik at di lalampas sa 10 ang bawat baitang. tulad din ng una kong punta sa bomod-ok, wala akong dalang sunblock, kaya naman namulang muli ang aking mukha, braso, batok at binti. nagtanghalian kami at bumalik sa george's, naligo at sumakay muli ng dyipni pabalik ng banaue. pagdating sa banaue, nakabili pa ako ng ilang regalo para sa aking mga kaibigan. (salamat ulit kay dad sa mga piktyur!)

2 comments:

  1. ang ganda naman ng blog mo kapatid! akalain mo, nagpapahirap akong humingi ng tulong kung kani kaninong bloggers, e ikaw pala dapat ang aking kinukulit...

    ReplyDelete