Thursday, March 10, 2011

dalaw

tagumpay ang unang dalawang "intelehenteng" pelikulang katatakutan ni kris aquino - feng shui at sukob, tumabo sa takilya, pasable ang buod at maganda ang kinauwian… kaya siguro sumubok siya ng pangatlo. ngunit sa dalaw, pinalabas nitong nagdaang MMFF, wala ang patnubay ni chito roño, kaya marahil sumemplang ang tunguhin ng bagong pelikula ni tetay.

istorya ni stella (kris aquino), isang biyuda, may anak (paolo), muling na-inlab at pakakasal kay anton (
diether ocampo), ang kanyang kasintahan noong sila'y nasa kolehiyo pa. namatay sa aksidente ang asawa ni stella, habang lingid sa kanyang kaalaman ay nabuntis ni anton si lorna (karylle) bago pa sila ikasal. natuloy ang kasal ngunit na-strok si milagros (susan africa), ang ina ni anton, kung kaya't pumisan ang bagong pamilya sa bahay ng nanay ni anton. dito nila nakatagpo si manang olga (gina pareño), ang tagapag-alaga ni milagros. bulag ang kabilang mata ni manang olga at sa pamamagitan nito ay kanyang nasisipat ang mga kaluluwang naglipana upang dumalaw sa mga buhay.

sa umpisa, tila may magandang kahihinatnan ang pelikula. mabilis ang mga pangyayari at may sapat na mga eksenang panggulat, lalo na ang unang labas ni manang olga. tagumpay din ang karakter ni manang olga sa pagsisingit ng mga tanyag na linya sa ibang mga pelikulang pinoy tulad ng mga pinasikat ni
vilma santos. maganda ang pahiwatig ng dalaw sa mga unang araw ni stella at paolo sa bahay nila anton. bagamat may mga senyales na agad na si lorna ang masamang multo, natakpan ito sa unang bahagi ng multo ng unang asawa ni stella. bagamat nakita na sa ibang pelikula kung paanong namatay sa sauna si kylie (ina feleo), isa sa mga pinsan ni stella na naging tulay kung paanong muling nagtagpo si stella at anton, ngunit ito'y pasable na rin. sa huli, si lorna nga ang "dalaw" na nais maghiganti kay stella at anton. namatay din si manang olga, ngunit ang kanyang pagkamatay na yata ang pinakamahusay na paglalapat ng eksena sa kabuuan ng pelikula. niresaykel ng pelikula ang mga nagliliparang kasangkapan sa sala ng bahay (mula sa higit na makapanindig-balahibong patayin sa sindak si barbara ni lorna tolentino) upang ilarawan ang haylayt ng paghabol ng dalaw kay stella. tila nawalan ng kapangyarihan ang dalaw ng ang karakter na ni kris ang papatayin kaya't di ito kapani-paniwala at sadyang nakababagot ang kinahinatnan ng dapat sana ay rurok ng pelikula. idagdag mo pa rito ang tunggak na ideyang nasa magka-ibang lugar ang dalaw sa magkasabay na panahon - sa bahay nila anton at sa kasukalan kung saan iniwan ni anton ang bangkay ni lorna.

bagamat malaon nang alam na si kris ang gaganap sa sentral na karakter (dahil siya rin ang prodyuser ng pelikula), ang kawalan ng mahusay na direktor ay senyal na mabibigo ang proyektong ito. sa gabay lamang ng mahuhusay na direktor maaaring makontrol ang kakatwang pagnganga ni kris aquino upang ilarawan ang takot at hilakbot. sa kabuuan ng pelikula, di mo mawawari kung binabalisawsaw lamang si kris o tinitibi dahil sa nakapanlulumong banong pag-arte nito. isama mo pa si diether ocampo na tila lalaking bersyon ni kris sa pagganap. buti na lamang at naging bahagi ng pelikula sina gina pareño, susan africa, ina feleo at
alessandra de rossi, nagkaroon ng tunay na talento ang pelikula. walang anumang kemistri sa pagitan ni kris at diether kaya't mahirap paniwalaan na magsing-irog silang dalawa sa kolehiyo, kahit na sabihin pang kaunti lang ang pagitan ng kanilang mga edad sa tunay na buhay. sa kabuuan, may angkop na panggulat ang dalaw. ngunit, bigo itong mag-iwan ng anumang hilakbot tulad ng feng shui dahil sa tunggak na pagtatapos ng tunguhin nito. paglabas namin ng sinehan, nanghinayang ako sa 170 pesos na ginasta namin sa pelikula ng kapatid ni p-noy.

No comments:

Post a Comment