Friday, April 8, 2011

putbol

putbol... hango sa soccer ng england, ngunit sa 'pinas, pinaghalong soccer at baseball ang larong ito. may diamond base din pero sisipain ang bola at di hahampasin ng bat. may pitsel (pitcher) na galing sa baseball, ngunit walang goalkeeper tulad ng sa soccer. kailangang tapakan ng bawat kalahok ng opensang pangkat ang tatlo pang mga base bago makabalik sa kanilang home base, tulad ng sa baseball. mas maliit sa bola ng soccer ang bolang plastik sa putbol, ngunit mas malaki naman ito sa bola sa baseball.

ayon ulit kay father leo, ito ang mga alituntunin ng laro namin sa sitio de amor:

1. sa pamamagitan ng bato-bato piks malalaman kung sinong grupo ang unang sisipa sa bola

2. mayroong 3 strikes para sa isang tao at 3 outs ang grupo

3. hindi maaring mambuhay ang sinuman

4. 3 strikes ay katumbas 1 Out

5. 'pag nasalo ang sinipang bola ay katumbas ng 1 out

6. isang buong ikot sa (3 base) ay isang puntos


premyo: bragging rights bilang tatanghalin na "kayo na! malakas sumipa at magaling sa putbol"

para sa amin ng mga kalaro at kababata ko, isang malaking extravaganza ang paglalaro ng putbol noon. kadalasan ay bato-bato pik ng mga lider ang pilian ng bawat kasapi ng magkabilang grupo. ang nanalo sa bato-bato pik ang unang pipili sa magkakopong-kopong. tubig pa nga mula sa kanal ang gamit upang tantusan ang apat na base, hehehe! ang kagandahan sa putbol, puwedeng sumali maski yung mga salingkit, basta may katapat siyang salingkit din sa kabilang grupo.

kapag nag-umpisa na ang pitselan at sipaan, ariba na rin ang enerji ng mga bata. kadalasang naeentad ang mga bola sa bubong ng mga kabahayan lalo na sa bubong ng bahay namin sa jazmin street. minsan naman ay pumapasok ang bola sa loob ng bakod ng kapitbahay at may asong nakatanikala kaya di agad-agad makuha ito ng depensang grupo. kahit na yupi-yupi na ang bolang plastik, hangga't gumugulong pa ito ay pagtitiyagaan namin, makalaro lang ng putbol. kahit tirik na tirik pa ang araw o di pa nakapagbibihis mula sa eskwelahan, tuloy-tuloy ang laro nito! kontrabida siyempre ang mga matatanda, kasama na ang lola ko, sa kalye namin dahil madalas kaysa hindi, pinatitigil nila ang anumang larong tulad nito dahil sa ingay na dulot ng dami ng bata sa aming zombieland.

ibayong saya ang dulot ng putbol! bukod sa na-ehersisyo na ang buo mong katawan, may pinaglagyan pa ang tila walang patumanggang enerji ng mga batang tulad ko... dati. isang masayang laro na sumusubok sa pisikal na kakayahan at humuhubog ng team spirit, ang putbol at sangkatutak pang mga larong-kalye ay nagbigay-daan din sa pagiging malikhain ng aming henerasyon... biruin mo namang humabi ng bagong laro mula sa dalawang magkaibang sports! sa panahon ng internet, nawala na halos ang mga ganitong larong-kalye. paunti nang paunti ang mga batang naglalaro sa kalye at umiimbento ng mga bagong laro o paglilibangan, dahil na rin marahil sa iba't ibang mga kapahamakang maaaring magdulot ng anumang pinsala sa katawan o higit pang panganib. karamihan ng mga bata ngayon ay sa internet shop mo makikita o di kaya'y sa harap ng kompyuter kapag may koneksyon ng internet ang kanilang bahay. sedentaryong gawi at walang likas na pakikipagkapwa ang maaaring idulot nito, sana'y maranasan din nila ang mga larong-kalye at 'pag nagkaedad na sila, may masayang babalik-tanawan na tampulan ng masasayang huntahan. sarap maging bata!

No comments:

Post a Comment