Sunday, July 24, 2011

coling

kahit na may banta pa sa buhay mo o may pinangangalagaan kang pamilya, natural na gawi ng isang babaing biktima ng karahasang sekswal na humingi ng tulong sa kinauukulan. maaaring maantala ang pagpunta sa husgado dahil sa ibang mga sirkumstansya ngunit di kasama rito ang paglantad at pagpapa-interbyu sa isang palabas na balitaktakang showbiz. at malungkot mang isipin, ito ang ginawa ni amanda coling.

bulung-bulungan daw sa showbiz na may ginang-rape umano ang ilang mga miyembro ng
azkals. sangkot dito sina simon greatwich, anton del rosario, neil etheridge at jason sabio. di pa agad pinangalan ang babaing biktima umano at nadamay pa nga si michelle madrigal. hanggang sa nagpa-interbyu na nga itong si amanda coling. bagamat wala siyang tuwirang inamin kay pia guanio, inilahad naman ng kanyang abugado kay tito boy na may "nangyari" nga noong a-dos ng hunyo. kung ano ang nangyaring ito, di raw maaaring sabihin ni amanda at ng kanyang abugado.

dahil sa inaasal ni amanda, di maaalis sa isipan ng mga tao ang mga kuro-kuro tungkol sa kung nga ba talaga ang nangyari? may panggagahasa nga bang nangyari? o ito'y isang kaso lamang ng maikling relasyong sekswal na ang dalawang partido ay wala sa magkaparehong dimensyon? ayon kay coling, lumantad lamang siya dahil pinangalanan na siya at nawalan siya ng trabaho dahil sa eskandalong ito. sinusuportahan pa rin daw niya ang mga azkals at wala siyang anumang balak laban sa mga ito. ni magsampa ng kaso ay wala pa raw sa kanyang isipan kahit na kumuha na siya ng abugado. bagamat wala pang pag-amin kung may panggagahasa nga bang naganap, may patikim ng mga bagay na kabunyag-bunyag sa parte ni amanda. ginagawa nga kaya niya ito upang magkapangalan lamang? lalo na nga't sa panahong ito, ang pagiging kontrobersyal ang pinakamabilis na paraan upang sumikat kahit sumandali at magkaroon ng instant na trabaho habang mainit pa ang pangalan at ang isyung kinasasangkutan. sa kanyang pagpapa-interbyu, di kaya nito malagay sa peligro ang anumang kasong maaari niyang isampa sa mga susunod na araw?

kung may di makatarungang bagay na ginawa sa iyo, dapat mong ipagtanggol ang sarili mo sa tamang lunan sa lalong madaling panahon. kung wala namang krimeng naganap, sabihin agad sa publiko ang katotohanan... hindi 'yung magdadrama pa upang mapag-usapan lamang.

No comments:

Post a Comment