Wednesday, July 20, 2011

transformers

libre ang tiket namin ni arms sa primyir ng transformers: dark of the moon. salamat kay ate pops at libre ang tiket. kung hindi, di ko pag-aaksayahan ng pera't panahong panoorin ito.

bagamat hitik ang pelikula sa aksyon, butata ng maiigting na mga eksena at pasable ang mga special effects, ubod ito ng kahangalan. napakanipis ng banghay ng istorya nito at umuulan ng mga tunggak na mga linyang gaya ng palitang ito:

sam witwicky: i love you. you're the only thing i need in this world and i'll do anything to make it up to you. i promise.
carly spencer: i'm going to hold you to that. just never let me go.

parang batang pinagkaitan lang ng laruan o di isinali sa larong-kalye ang karakter ni shia labeouf. di ko mawari kung may sakit ba siya sa pag-iisip (attention deficit disorder) o sadyang ito na ang pinakamahusay niyang karakterisasyon sa isang lalaking di makasumpong ng mahusay na trabaho. inalis na rin siya dapat tulad ni megan fox at pinalitan ng ibang aktor na higit na may lalim sa pag-arte. sa kabilang banda, mas maigi pa yatang pinanatili na lang si megan fox sa pangatlong pagkakataon, kaysa sa ipinalit sa kanyang si rosie huntington-whiteley. ang carly ni huntington ay parang nasa patalastas lang ng sapatos sa telebisyon - walang anumang damdamin ang kanyang mukha kahit na nagkandawasak na ang buong chicago sa paligid niya. gusto ko sa babae ang bahagyang makapal na labi. pero sa pelikulang ito, nayamot ako sa nguso ni rosie dahil parang ito lang ang may buhay sa buong katawan niya. sa klaymax, may mga eksenang naka-high heels siya, tapos sa magkasunod na frame, naka-flat shoes naman... di yata nila tiningnan ang tamang pagkakasunud-sunod ng mga eksena. walang kalatuy-latoy ang mga karakter sa pelikulang ito, maging si patrick dempsey na bigo sa pagiging kontrabida at frances mcdormand na naging katatawanan lamang. halatang nanood ng lord of the rings at harry potter si michael bay dahil tila naging sina gollum at mga death eaters lang ni voldemort ang mga kasapakat ni megatron. habang si megatron naman ay parang naging si sauron at voldemort sa pagkilos at boses nito.

kulang sa tamang dosis ng konflik at drama ang transformers. puro ingay at walang patumanggang destruksyon lamang ang inihain nito. 'wag na sana silang umulit pa at ilagay nang muli sa kahon ang mga robot.

No comments:

Post a Comment