Thursday, July 31, 2014

NAIA 3

sa wakas, magiging fully operational na raw ang NAIA terminal 3. pagkatapos ng halos dalawang dekada ay ibabahay na nito ang gaya ng delta airlines, KLM, singapore air, emirates at cathay pacific, bukod sa mga lipad ng cebu pacific at PAL. totoo sa maraming bagay sa pilipinas, inabot na ng siyam-siyam ang pagpapatupad nito at naantala ng sobra-sobra dahil sa kawalan ng maiging pagpaplano, pulitika at katiwalian.

sa tatlong pandaigdigang terminal ng NAIA, ang terminal 3 na ang pinaka-ok. marami itong pasukan kaya kahit sabay-sabay ang mga pasahero ay mabilis na makapapasok. higit din itong malaki kaya kayang-kaya talaga nitong magbahay ng ilan sa malalaking airlines. may sapat itong espasyo para sa mga kainan sa taas at maluwag din ang immigration area. may sapat ding espasyo  maging sa arrival area. buti nga't mawawala na raw ang singilan ng terminal fee, mababawasan din ang mga istasyong kailangan mong tigilan bago ka makasakay ng eroplano.

pero siyempre marami ring kailangang pagbutihin sa imprastraktura at serbisyo rito. una na riyan ang pag-anggi sa departure area. may bubong naman pero may awang sa pagitan ng mga ito kaya 'pag malakas ang ulan, siguradong mababasa ang mga pasahero. sa waiting area rin bago ka pumasok ng terminal, walang bubong kaya palpak din. maiibsan din sana ang trapik sa harap ng terminal na ito kung may rampang diretso sa terminal 'pag galing sa nichols interchange. sa ngayon ay iikot pa ang mga motorista sa kanilang elliptical area bago makapasok sa main gate.

bukod sa pagkalayu-layo ng bayaran ng travel tax sa terminal na ito, kailangan na nilang palitan ang manu-manong sulatan ng resibo at bayaran. ilang taon na ang pagbabayad ng travel tax dito pero di pa rin nila naisip na i-automate ang prosesong ito. kapag may sistemang IT ito, di na nila kailangan ang mga tauhang laging nakaismid na tila binagsakan ng langit at lupa sa pagsimangot.

ok naman ang kainan at shoppingan sa pangalawang palapag. pero dapat siguro'y dagdagan nila ng mga kapihan at mga upuan. lagi kasing jampacked ang mga kainan dito at wala nang maupuan man lang.

wala pa namang problema sa immigration counters sa naia 3. ewan na lang natin 'pag dumami na ang mga pasahero. sa ngayon ang isa pang palpak dito ay ang mga gates. parang mga makeshift areas lang ito at di talaga pinlano. nitong huling lipad ko patungong osaka, ang pakiramdam daw ng ibang pasahero ay nasa bus station ka lang sa cubao. ni hindi raw pinag-isipan at madidilim ang mga pasilyo't hintayan.
  
sa arrival naman, walang problema ang mga gates at immigration counter. mukhang mananatiling ok naman ito kahit na nga dumagsa ang mga pasahero sa international flights. ang palpak sa pagdating mo sa naia 3 ay doon na sa labas ng terminal, sa sakayan ng taxi. gaya ng problema ng ibang terminal sa naia, sasalubungin ka rito ng mga nagsisisigaw ng "sir/ma'am, taxi?!". madalas kaysa hindi, nagugulantang ang mga pasahero sa ganitong istilo, lalo na ang mga dayuhang turista. di sila sanay sa "in your face" na pangungulit ng mga taxi driver at kanilang mga dispatcher. pagdating pa lang ng mga turista, masamang impresyon na agad ang sasalubong sa kanila. siyempre naman, didilim na agad ang kanilang pagtingin sa pilipinas kung may mga ganitong indibidwal na ang dating ay "kailangan kong makarami". maano ba 'yung hayaan nilang lumapit ang mga pasahero sa kani-kanilang mga counter para magtanong at kumuha ng taxi. tutal naman ay malinaw ang mga signahe sa labas ng terminal kaya matatagpuan pa rin ng mga pasahero kung saan dapat sumakay.

kailangan ding ayusin ng naia ang pag-uugnay ng mga terminal sa naia. laging problema ng mga turista kung paanong makararating sa terminal 4 mula sa terminal 1-3. madalas kaysa hindi, kailangan pa nilang mag-taxi, lumabas ng airport at muling pumasok para makarating sa terminal 4 para sa kanilang domestic flight.

makatutulong din ang paglalagay ng mga tourism counters sa lahat ng terminal ng naia. kahit na walang tao rito buong maghapon, malaking bagay ang paglalagay ng mga pulyeto, maikling babasahin o mapa ng pilipinas na naglalaman ng mga impormasyon ukol sa turismo at kung paano maglakbay sa maynila at pilipinas.

siyempre alam na nating hirap ang maynila sa problema ng trapik. kaya maski man lang sa naia 3 ay maging maayos sana ang proseso at imprastraktura. magiging malaki ang kontribusyon nito sa paglago ng turismo sa bansa. may mga magagandang tanawin, nakapupukaw na mga aktibidades, masasarap na pagkain at magigiliw na mga tao na ang bansa. kailangan na lang nating ilatag ang mainam na proseso paano makararating ang mga turista sa mga lugar na ito. at ang lahat ng ito ay nagsisimula sa maayos at episyenteng paliparan at mga terminal nito.

suwelas

sirang mga sapin sa paa!
bikaka ang suwelas.
biyak ang balat.
bumuwak na nga ng tuluyan.

tagal kasi ng sahod.
daming bayarin.
daming intindihin.
daming kailangang kumpletuhin.

tsaka na ang pagbili ng sapatos.
di naman prayoridad.
di pa naman tuluyang wasak.
dako muna sa ibang mas mahalaga.

mapapalitan na kaya sa susunod na sahod?
sana naman.
sana sa lalong madaling panahon.
sana nga. 


magic number




numericals as of this week:

41
80
19

what about your combination?!


Wednesday, July 30, 2014

tears in heaven

aminado akong di fan ng mga pelikulang intsik. madalas kasi kaysa hindi, nakababagot na paglipad-lipad sa ere ang tema ng mga ito o di kaya ay mundo ng krimen. kaya 'pag kaintsikan ang pelikula, di ko masyadong tinitigilan. pero iba ang tears in heaven… 'yung batang si xiao bin kasi eh kaya pinanood ko na ng buo. at nag-enjoy naman ako.



isang taon na nang mamatay si xiao lin, ang ina ni bin (limang taong gulang) at asawa ni yi fan. di pa tuluyang naka-move on ang mag-ama sa pagkamatay ni lin. nagkakaproblema si yi fan sa kanyang trabaho't kalusugan habang walang interes sa pag-aaral si bin. araw-araw kung hilingin ni bin na sana'y dumating na ang tag-ulan at kasama nito ang panalanging magmilagro sa pagbabalik ng kanyang yumaong ina. pagkatapos mapagalitan ni yi fan si bin, tumakbo ito palayo ng bahay at sa di maipaliwanag na pag-ihip ng hangin, natagpuan nito si lin sa gitna ng ulan. pagdating ni yi fan, walang anumang memorya si lin at ni hindi nito nakikilala ang sarili. umuwi ang pamilya at nagsimulang muli. sinariwa ni yi fan at bin ang kanilang masasayang sandali kasama si lin, pati na kung paanong nagsimula ang pag-iibigan nina yi fan at lin. matatapos din ang tag-ulan at ayon sa lotus fairy, dapat nang lisanin ni lin ang kanyang mag-ama. at sa pagkakataong ito, pinal na ito.

siyempre di naman ako naghanap ng lalim kaya nalugod ako sa pelikula. ok ito para palipasin ang isang gabing wala namang ibang magandang palabas o kailangang gawin. pero di naman ito totalmenteng tunggak. maayos nitong napaghalo ang hiwaga at reyalismo, ang tuwa ng muling pagtatagpo at lungkot ng muli na namang paghihiwalay. may sapat din itong palabok na pampakilig ala asianovela. epektibo ang pelikula sa paglalarawan ng pag-ibig ng ama at ina sa kanilang anak, lalo na sa pagtanggap ng mga dagok sa buhay at muling pagsisimula paglisan ng minamahal. at siyempre, cute kasi si xiao bin! sa kalahati ng pelikula, kumonti ang kanyang exposure dahil pumokus ang pelikula sa paglalahad ng pag-iibigan ng kanyang mga magulang. pero di naman nito nabawasan ang kaluguran dahil may kemistri naman ang mga gumanap kina yi fan at bin.

terrified

song of the day. 

You by the light is the greatest find
In a world full of wrong you're the thing that's right
Finally made it through the lonely to the other side

You set it again, my heart's in motion
Every word feels like a shooting star
I'm at the edge of my emotions
Watching the shadows burning in the dark,
And I'm in love and I'm terrified.
For the first time and the last time
In my only life.

And this could be good, it's already better than that
And nothing's worse than knowing you're holding back
I could be all that you're needing if you let me try

You set it again, my heart's in motion
Every word feels like a shooting star
I'm at the edge of my emotions
Watching the shadows burning in the dark
And I'm in love and I'm terrified
For the first time and the last time
In my only

I only said it 'cause I mean it
I only mean it 'cause it's true
So don't you doubt what I've been dreaming
'Cause it fills me up and holds me close
Whenever I'm without you

You set it again, my heart's in motion
Every word feels like a shooting star
Watching the shadows burning in the dark
And I'm in love and I'm terrified
For the first time and the last time
In my only life, life, life
In my only life

carrot cake

carrot (cup)cake. reward for hardwork. 


Monday, July 28, 2014

monad

Monad. n. - An ultimate atom, or simple, unextended point; something ultimate and indivisible.

absolutely worth it! 

#happy

Monday, July 21, 2014

isports

nabawasan nga ba ang pagka-adik ko sa tennis? di kasi gaya ng dati na website ng tennis ang una kong binubuksan bago pa man mag-login sa notes. ngayon di na masyado. o di kaya ay magpuyat para makapanood ng anumang laban. pero di singlebel ng dating pokus ang nangyari (o nangyayari). dedma ako sa mga iskor ngayon. di masyadong nagbabasa ng mga artikulo. umaasa lang sa twitter para sa maikiliang balita.


nitong hulyo lang naman ito. una, talo kasi si rafa sa wimbledon. napayuko ni kyrgios sa fourth round si nadal at unang araw pa lang ito ng hulyo. di ko naman inasahang mananalo siya pero mas maganda sana kung sa semis siya natalo. sinundan pa ito ng pagkatalo ng ibang mga paborito ko tulad nina serena, sharapova at murray. pangalawa, naagaw ng world cup 2014 ang aking atensyon. dahil spain ang hula kong magiging runner up pero laglag ito sa group stage, mas naging interesado ako kung ano ang magiging iskor ko sa world cup game ng aydisi. umabante naman ang mga pinili kong iba tulad ng belgium, costa rica, netherlands, france, switzerland at iba pa. pinili ko ring magharap para sa bronze medal ang germany at argentina pero sila ang naglaban para sa titulo na inuwi nga ng germany. natapos lang nakaraang lunes ang world cup kaya agaw na agaw nito ang aking atensyon. pangatlo, nagsimula na rin ang knockout matches sa philippine super liga. natalo ng airasia (cha cruz at ang maingay na si marano) ang cignal (aiza maizo at angeli tabaquero) sa quarterfinals. at kahapon nga, pinataob ng generika army (rachel anne daquis at mary jean balse) ang airasia at nanalo ang rc cola (ia yongco at wendy semana) laban sa pldt (lou ann latigay at sue roces). umpisa na rin ang uaap kaya marami-rami ring susundang laro. di ako masyadong nanonood ng basketball maliban sa uaap at labang pambansa tulad ng fiba. at kahapon din, nanalo ang manila west sa fiba 3x3 world tour manila sa sm megamall.
     
sa dami ng ibang isports na katuwa ring panoorin at sundan at dahil na rin sa lagpas-leeg na mga gawain sa office, naging matabang ang tennis nitong hulyo. pero sa unang dalawang linggo lang ito ng hulyo. wala pa rin kasi ang mga naglalakihang torneo sa tennis. umpisa ulit ng pukpukan sa susunod na linggo at sa kabuuan ng agosto bago magkulmine sa US open. at dahil dito at sa puspusang laban para sa ranggo, tiyak ang aking muling masuyong pakikipagtipan sa tennis!

may iba mang isports, numero uno pa rin ang tennis. tennis pa rin ang aking beautiful game!

Friday, July 18, 2014

caramel pie

"It is a pie of the boast that mellow delicious of the caramel is glad. 
It presents you tasting happiness." 

Magulo man daw at di maintindihan ang linya sa taas... nagkakasundo rin ang mga gutom na tiyan at masarap na pagkain! Tumpak na pamatid-gutom pagkatapos ng mahabang lakaran sa Imperial Palace, Shibuya at Meiji Shrine. Haaayyy Japan... magkikita tayong muli! Maligayang Biyernes!


Monday, July 14, 2014

dice

rolled the dice. 
datum.


favor. my side. please.

Saturday, July 5, 2014

mo twister

pakontrobersyal at papansin. 'yan si mo twister. mahilig itong magsimula ng mga usapin upang maging importante maski paano. kasi nga naman, dito lang siya kumikita. walang talento kundi ang matabil niyang bunganga. di ko kailanman nagustuhan ang intelektwal kuno nitong atake at pakikisawsaw sa lahat ng isyung meron sa lipunan. lalo na nga't di bagay sa kanyang hitsura ang pa-ingles ingles nito. 

pero sa bago nitong sinumulang isyu laban sa mga anak ni jinggoy estrada, tumpak ang kanyang mga birada. makakapal kasi talaga ang mukha ng mga anak ng mga estrada sa pagbalandra ng kanilang magarbong pamumuhay gayong alam naman ng lahat kung magkano lang dapat ang sahod ng isang senador. walang delicadeza ang mga ito sa pangangalandakan ng labis-labis na paggastos habang ang malinaw na tinukoy ang kanilang ama bilang isa sa mga promotor ng malawakang pagnanakaw sa kaban ng bayan. di ako naniniwalang di alam ng mga anak ni jinggoy ang kabulastugang pinaggagawa ng kanilang ama dahil mula't sapul ay bukas ang kanilang isipan sa ganitong klaseng pamumuhay. 

maaaring bastos nga si mo twister pero tumpak ang mga hirit nito sa mga dunung-dunungang estrada, lalo na ang konsehal pa namang panganay na si jel. oo nga't wala pang napatutunayan. pero sangkatutak ang nanlilimahid sa lipunan. kung tunay na may malasakit sa mahihirap ang mga estrada, imbis na mag-post ng mga picture sa private jet ay mano man lang tumulong sa mga nangangailangan.

sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaroon ng pakinabang si mo twister. sana sa susunod ay mga kaanak naman ng ibang kurakot na mga pulitiko.

Friday, July 4, 2014

payong

eksena sa tren galing nara pabalik ng osaka. nakatulog ako at si cecile habang si mylene ay buong hinahong naghintay na makalampas ng dalawang istasyon bago manggising! 

my: jub, namba na. 
jub: hala, lagpas na tayo!

... talilis palabas ng tren ang tatlo. lagpas na nga kasi at may hinahabol kaming flight. ang siste, naiwan ni cecile ang kanyang payong. sabi kasi ni mylene ay ipaaalala niyang kunin ito 'pag bababa na kami. ay sus! naiuwi ko ang payong ko sa manila pero ang payong ni cecile ay napunta ng kobe!


ang payong. bow.

transformers

di yata pinag-isipan masyado ang bagong transformers. sobrang nakakabagot ito. ito na yata ang pelikulang ninais ko agad na matapos. kada 10 minuto, tinitingnan ko ang relo ko kung anong oras na dahil sa sobrang inip. ang tanong ko sa sarili ko, kailan kaya matatapos ito?

tila di kasi natatapos ang di kabit-kabit na mga eksena. sabog dito, siklab doon. laban ng mga bakal dito, hagisan ng metal ang susunod. kaunting drama at kaunting patawa, tapos susundan ng close up ng maikling shorts ng babae. uulit lang ang ganitong proseso hanggang maramdaman mong nakatatlong oras ka na pero wala itong kinahinatnan. si magneto na lang dapat ang ginawa nilang kontrabida, baka may pinatunguhan pa ang istorya.

mas magandang panoorin ito nang libre sa mga bus habang natatrapik. sayang lang kasi ang pera kapag gumastos ka para rito 'pag pinanood sa sine. kung fan ka ng walang wawang pagsabog at puro aksyong dala ng special effects, baka ma-enjoy ang pelikulang ito. pero kung naghahanap ka ng materyal na may lalim, pinagbuhusan ng panahong tahi-tahiin ang mga eksena at istorya, mas maiging palagpasin na ang pelikulang ito.

Thursday, July 3, 2014

pabili po

pabili nga po ng candy! 
pabileeeeeeeeee! 
meron po ba kayong chocolate? 
eh cheez it? 
tsaka nga po nips!
magkano po jelly ace?
eh itong chocolate po?
dalawang flat tops nga po!

sari-sari store! oo, karaniwang mga huntahan sa sari-sari store ang mga nasa taas. at ito ang naalala ko nang makita ko ang mga giveaways para sa aming we day. ang saya! parang bumibili lang ako sa tindahan o kaya naman ay parang ako lang ang tao sa tindahan namin! happy we day!