sa
wakas, magiging fully operational na
raw ang NAIA terminal 3. pagkatapos ng halos dalawang dekada ay ibabahay na
nito ang gaya ng delta airlines, KLM, singapore air, emirates at cathay pacific,
bukod sa mga lipad ng cebu pacific at PAL. totoo sa maraming bagay sa
pilipinas, inabot na ng siyam-siyam ang pagpapatupad nito at naantala ng
sobra-sobra dahil sa kawalan ng maiging pagpaplano, pulitika at katiwalian.
sa
tatlong pandaigdigang terminal ng NAIA, ang terminal 3 na ang pinaka-ok. marami
itong pasukan kaya kahit sabay-sabay ang mga pasahero ay mabilis na
makapapasok. higit din itong malaki kaya kayang-kaya talaga nitong magbahay ng
ilan sa malalaking airlines. may
sapat itong espasyo para sa mga kainan sa taas at maluwag din ang immigration
area. may sapat ding espasyo maging sa
arrival area. buti nga't mawawala na raw ang singilan ng terminal fee, mababawasan din ang mga istasyong kailangan mong
tigilan bago ka makasakay ng eroplano.
pero
siyempre marami ring kailangang pagbutihin sa imprastraktura at serbisyo rito.
una na riyan ang pag-anggi sa departure area. may bubong naman pero may awang
sa pagitan ng mga ito kaya 'pag malakas ang ulan, siguradong mababasa ang mga
pasahero. sa waiting area rin bago ka pumasok ng terminal, walang bubong kaya
palpak din. maiibsan din sana ang trapik sa harap ng terminal na ito kung may rampang diretso sa terminal 'pag galing sa
nichols interchange. sa ngayon ay iikot
pa ang mga motorista sa kanilang elliptical area bago makapasok sa main gate.
bukod
sa pagkalayu-layo ng bayaran ng travel
tax sa terminal na ito, kailangan na nilang palitan ang manu-manong sulatan
ng resibo at bayaran. ilang taon na ang pagbabayad ng travel tax dito pero di pa rin nila naisip na i-automate ang
prosesong ito. kapag may sistemang IT ito, di na nila kailangan ang mga tauhang
laging nakaismid na tila binagsakan ng langit at lupa sa pagsimangot.
ok
naman ang kainan at shoppingan sa pangalawang palapag. pero dapat siguro'y
dagdagan nila ng mga kapihan at mga upuan. lagi kasing jampacked ang mga kainan dito at wala nang maupuan man lang.
wala
pa namang problema sa immigration
counters sa naia 3. ewan na lang natin 'pag dumami na ang mga pasahero. sa
ngayon ang isa pang palpak dito ay ang mga gates. parang mga makeshift areas lang
ito at di talaga pinlano. nitong huling lipad ko patungong osaka, ang pakiramdam
daw ng ibang pasahero ay nasa bus station ka lang sa cubao. ni hindi raw
pinag-isipan at madidilim ang mga pasilyo't hintayan.
sa
arrival naman, walang problema ang mga gates at immigration counter. mukhang mananatiling
ok naman ito kahit na nga dumagsa ang mga pasahero sa international flights. ang
palpak sa pagdating mo sa naia 3 ay doon na sa labas ng terminal, sa sakayan ng
taxi. gaya ng problema ng ibang terminal sa naia, sasalubungin ka rito ng mga
nagsisisigaw ng "sir/ma'am, taxi?!". madalas kaysa hindi, nagugulantang
ang mga pasahero sa ganitong istilo, lalo na ang mga dayuhang turista. di sila
sanay sa "in your face" na pangungulit ng mga taxi driver at kanilang
mga dispatcher. pagdating pa lang ng mga turista, masamang impresyon na agad
ang sasalubong sa kanila. siyempre naman, didilim na agad ang kanilang
pagtingin sa pilipinas kung may mga ganitong indibidwal na ang dating ay "kailangan
kong makarami". maano ba 'yung hayaan nilang lumapit ang mga pasahero sa
kani-kanilang mga counter para magtanong at kumuha ng taxi. tutal naman ay
malinaw ang mga signahe sa labas ng terminal kaya matatagpuan pa rin ng mga
pasahero kung saan dapat sumakay.
kailangan
ding ayusin ng naia ang pag-uugnay ng mga terminal sa naia. laging problema ng
mga turista kung paanong makararating sa terminal 4 mula sa terminal 1-3. madalas
kaysa hindi, kailangan pa nilang mag-taxi, lumabas ng airport at muling pumasok
para makarating sa terminal 4 para sa kanilang domestic flight.
makatutulong
din ang paglalagay ng mga tourism counters sa lahat ng terminal ng naia. kahit
na walang tao rito buong maghapon, malaking bagay ang paglalagay ng mga pulyeto,
maikling babasahin o mapa ng pilipinas na naglalaman ng mga impormasyon ukol sa
turismo at kung paano maglakbay sa maynila at pilipinas.
siyempre
alam na nating hirap ang maynila sa problema ng trapik. kaya maski man lang sa
naia 3 ay maging maayos sana ang proseso at imprastraktura. magiging malaki ang
kontribusyon nito sa paglago ng turismo sa bansa. may mga magagandang tanawin,
nakapupukaw na mga aktibidades, masasarap na pagkain at magigiliw na mga tao na
ang bansa. kailangan na lang nating ilatag ang mainam na proseso paano
makararating ang mga turista sa mga lugar na ito. at ang lahat ng ito ay
nagsisimula sa maayos at episyenteng paliparan at mga terminal nito.