epiko. singlawak ng
sanlibutan. biblikal sa laki at iskopo. ito ang laro ng limliman sa dakong ito.
wala pang apat na
buwan nang maitala ang yugtong ito ngunit nasawata na nga rin ang patpating
pana. di pa man dumating ang taon ng aso, totalmenteng naubos na ang lakas nito
at humulagpos ang akala niya'y mahigpit na kapit sa laylayan ng kulot na buhok
ng hukot na matanda. tila inakala nitong mabisa ang posyong galing sa kanyang
pinaliit na kabesa at matindi ang kanyang kapit sa matanda. magkasama nga naman
sila sa pag-ulaol sa mandaragat, sampu ng burak na eps, mandragora at maitim na
dambumbay. nakikinig ang matanda sa boladas ng patpating pana at dahil dito,
napasakanya ang limlimang ilang beses na ring pinag-agawan.
ngunit tulad ng
pagpapalit nito ng istilo ng buhok, umiba rin ang dahak ng matandang
hukotluban. kasabay ng pag-ubo nito ng nakalalasong sangkap ng dayami, ang
pagtalbog ng kinauupuan ng patpating pana na nagpaitsa rito sa kawalan. ang
pinagsama-samang kapangyarihan ng demona, maitim na dambumbay at ng hukot na
matandang umaalingawngaw ang tuluyan nang tumapos sa matayog na pangarap ng
patpating pana. siyempre bunga ito ng malalim na gitgitan sa pagitan ng
patpatin at mandragora, dahil na rin sa panghihimasok ng una sa nasasakupan ng
huli.
matagal-tagal din ang
naging labanan bago yumukod ang kapwa itinatangi ng ik-ik at mula sa pilapil. nangunyapit
ito sa matandang hukotluban sa pamamagitan ng mapapait na birada laban sa
demona ngunit tinapatan naman ito ng higit pang mapait na lason mula sa
mandragora. tumulong dito ang maitim na dambumbay. bakit nga naman hindi?
marami-rami na rin ang kanilang napatumba sa kanilang pinagsamang mala-tokhang
na puwersa at kapanigan. ano ba naman ang isa pang maaaring maging biktima? di
na rin mahalaga kung dati nila itong kapanalig upang mapabagsak ang dating
nakaupo… ang higit na may halaga ay mapanatili ang kani-kanilang limliman at
mapasuko ang sinumang kakalaban sa kanila.
tulad ng malaon nang
lumitaw, di rin naman tunay na panig sa katotohanan at malinis ang panang tila
dinapuan ng sika. ngunit hindi rin ganito kabilis ang paglaon nito sa lupaing
gaya ng westeros. di lang din siguro naging maingat sa kanyang mga hakbang. di
nito piniling maigi ang mga kakampi. di nito pinausukan ng gayuma ang mga dapat
na nasa kanyang tabi.
sa huli, nanalo na
naman ang demona. ngumiting muli ang hukotluban at mga huwad na tagapagpala sa
kanyang hakbang. saad nito sa pana, "huwag ako, huwag ako… kundi makikita
mo ang siphayong mula sa maitim na anino ng kailaliman!" at nakita nga ito
ng pana, tulad ng pagsawata kay renly baratheon.
sa pinakabagong takbo
ng istorya… pumailanlang ang ngayo'y pinakamabangong kasapakapat. ang
itinuturing ngayong pinakamahusay na soldado, ang pinagkalooban ng nakukubling
burak at di nakikitang (sa ngayon ay hindi pa!) may maitim na balak. walang iba
kundi ang burak na eps! ipinagkaloob dito ang naiwan ng biktima ng sika at muli
itong itinanghal na tagapagtanggol ng tanggulang guho. kaya raw ito ng burak
dahil na rin sa kanyang putik at kapangyarihang alisin ang anumang bahid ng
kasamaan sa ibabaw ng kanyang tendero. ang tunay nitong galing ay ikubli ang
kasamaan sa likod ng makinis na galong. makintab din ito at natatakluban ng
saklob na maingat na pinasakan ng maitim na mantel sa pag-oobhetib na di sumingaw
ang baho sa kaninuman at mapanatili ang malinis na dayag sa lahat, lalo na sa
hukotluban.
kapana-panabik ang
bagong tunggalian sa dako pa roon. ang pinatibay ng maraming tunggaliang
mandragora laban sa tila malinis na burak; ang tuwirang lason laban sa kubling
kasamaan; ang balu-baluktot na wasiwas ng dila laban sa preparadong dahak; ang
sarado kuwadrado laban sa kinumpulan ng tagyawat. matinding labanan sa pagitan
ng kapwa asintado, kapwa may maitim na hilatsa at kapwa binabalungan ng
nag-uumapaw na asido at lason. manster laban sa manster.
sa ngayon, wala pa
namang bakbakan. maaga pa kasi. di pa hinog ang alitan sa pagitan ng parehong
palabang kombatante. ngunit sa sandaling maganap ito, matindi ang pasabog, may
potensyal itong paibabawan ang naganap dati sa mandaragat at may pirenasya sa
himpapawid. malawakang binggo ito 'pag nagkataon! burmona!