nandoon
na tayo. matindi ang problema ng bansa sa iligal na droga. napakaraming buhay
ang nasisira dahil sa droga. kaya nga kailangang pigilin ang lalo pa nitong
paglaganap. kailangang paigtingin ang kampanya laban dito. ngunit ang paglaban
sa droga ay higit sa kaliwa't kanang pagpatay sa mga pinaghihinalaang tulak at
gumagamit nito. hindi ito ang tunay na kasagutan sa problemang ito.
may
epekto nga siguro ang pananakot bunga ng pagpatay sa mga tulak ng droga at
kanilang mga kasabwat. bumubuo ito ng takot sa sambayanan at maaaring pumigil
sa operasyon ng mga nagtutulak. ngunit ito ay panandalian lamang. nakita na ito
sa maraming ehemplo sa maraming bansa. hindi nareresolba ng pagpatay sa kung
sinu-sino ang suliranin sa droga. una, hindi naman sigurado ang death squad ni
duterte sa bawat isang kaso ng droga at pagtutulak nito. wala namang matibay na
batayan ang intelensya kundi ang mga sabi-sabi. kaya nga't magpahanggang ngayon
ay wala namang nalalambat o napapatay na malalaking tao sa likod ng malakihang
operasyon ng droga sa bansa. ang biktima ng death squad ni duterte ay pawang
mga mahihirap, 'yung mga tinatawag na runner o dakilang mga tagatakbo. maliliit
na mamamayang maaari ring iniligpit ng mga punong kawatan upang di sila nito
maikanta. kung puro ganito ang "mapapatay" ni duterte at kanyang
kanang kamay na si bato, paano mong masosolusyunang tunay ang problema?
pangalawa,
hindi naman malinis ang hanay ng kapulisan. naglagay ka nga ng bato bilang
pinuno ng mga pulis, ngunit hindi naman nito hawak sa leeg ang kapulisan. puro
papogi rin ang isang ito dahil batid niyang malalim ang sabwatan ng maraming
pulis at malalaking isda na sa tuwi-tuwina'y nagbibigay ng protection money sa
mga pulis. maaaring sa davao ay kontrolado ni bato, ngunit ibang usapan ang
maynila at buong bansa. muli, ito ang dahilan kung bakit lahat na lang ng
napatay ng death squad ni duterte ay pawang mga nanlaban, pinabulagta sa
kalsada at pawang mahihirap. paano nga namang kakantiin ng mga pulis ang
malalaking isda kung pasuwelduhan sila ng mga ito? siyempre dahil nga narito na
raw ang pagbabago, kailangan nilang magligpit ng kung sinu-sino lamang upang
may maipapogi sa kanilang nagpapapoging pinuno.
pangatlo,
maging sa mga alkalde, kongresista at iba't ibang mga pulitiko, marami ang
sangkot sa droga. kung hindi man sila mismo ang tulak ng droga, sila ang mga
dakilang protektor ng mga ito. dahil mahusay si duterte sa pamamahiya sa mga
tao sa publiko, ang unang hakbang nito ay pangalanan ang mga sangkot sa droga.
mula sa mga alkalde hanggang sa mga huwes, buong giting nitong
pinangangalandakan ang mga pangalan ng diumano'y sangkot sa droga sa kanyang
madaling-araw na mga presscon. ngunit ang tanong, ano na nga bang nangyari sa
mga pulitikong ito? may imbestigasyon bang nagaganap? o pasabog lang ito ni
duterte upang masabing may ginagawa siyang hakbang bukod sa pamamahiya? ang
malungkot, nakalimutan na ang mga napahiyang mga alkalde, nabaon na sa limot.
bakit? dahil gumana na ang kaperahan. iba ang himig ng pera at dagling
palalabnawin nito ang galaw ng death squad ni duterte at ni duterte mismo. ito
rin ang dahilan kung bakit walang mga tsino, nigerian o mga dayuhang
bumubulagta sa kalsada. ito 'yung mga nagtitimpla mismo at gumagawa ng droga sa
loob ng ilang mga inuupahang bahay sa loob at labas ng metro manila.
lahat
nga ng napatay ng death squad ni duterte ay nanlaban kuno. ngunit, ang
katotohanan sa maraming kaso ay nakalugmok na ang mga ito at tinuluyang
patayin. kahit na nga nakataas na ang mga kamay at sumusuko na, pinatay pa rin
ito ng kanyang mga galamay. ang higit na masaklap dito, hindi lahat ng napatay
sa giyera ni duterte sa droga ay tunay na mga sangkot sa droga o maski man
lamang gumagamit. napakarami na ng mga ulat ng nadamay lamang pero wala pa ring
awang iniligpit. ito nga ba ang pagbabagong tinatawag ni duterte?
sang-ayon
ako sa pagsawata sa droga. ngunit dapat maintindihan ni duterte ang mga aral sa
mga bansang nag-all out sa pagpatay sa mga pinaghihinalaang tulak ng droga. hindi
ang walang habas na pagpatay ang solusyon. binibigyang lisensya lamang nito ang
extra judicial killings at pagpatay nang walang walang pananagutan sa batas. sa
kalakaran ngayon, kapag nabaril ang isang tao, ang kongklusyon ng marami ay
sangkot ito sa droga. hindi rin sapat na ipahiya ang mga sangkot. kailangan
itong litisin at ikulong. o ang panawagan nga ng iba, patayin din! hindi kasi
maaaring sa giyerang ito ay pawang mahihirap lamang ang nangangamatay. hindi
nito mareresolba ang problema.
nangangailangan
ng istratehiko, malawakan at komprehensibong plano ang paglaban sa droga. ang
ugat ng pagkapit sa patalim ng maraming mahihirap na sangkot sa droga ay walang
iba kundi kahirapan at kawalan ng pag-asa. kaysa pagpapatayin mo lang lahat ng
tao, kailangang paigtingin ang mga hakbang upang labanan ang kahirapan. ito ay
sa pamamagitan ng programang pangkabuhayan, para sa SMEs, para sa turismo at
pagsupil sa katiwalian sa pamamahala dahil ito ang kumikitil sa kabuhayan ng
mga magsasaka.
kailangan
ding maging matibay ang edukasyon ng mga kabataan. kaysa gastusin mo ang
biglang pinataas na badyet sa office of the president, idagdag mo ito sa
pagtatayo ng mga gusaling pang-edukasyon at para sa mga teksbuk. sa pamamagitan
ng pagkakaroon ng karunungan at pagtitimo ng "premium" sa mga
kabataan, maililihis sila sa mundo ng iligal na droga. kasama na rito ang pokus
sa pagtuturo sa kabataan tungkol sa droga at epekto nito sa isang tao.
siyempre, isang mahalagang bahagi rin nito ay pagpapausbong sa mga susunod na
tagapagbandila ng pilipinas sa larangan ng palakasan. sa mga bansang may
matibay na pundasyon pang-isports, mas mababa ang suliranin sa droga. ilagak
din ang pagpapatibay ng larangan ng arte at literatura dahil di naman ng bata
ay nasa isports ang hilig.
kailangan
ding resolbahin ang pagsasaayos ng hustisya sa bansa, lalo na sa mga korte sa
mga lalawigan at paglilinis sa hanay ng mga pulis. sa mabilis at episyenteng pagbaba
ng mga desisyon, pagbibigay ng katarungan sa biktima at maysala at walang bahid
ng kurapsyon na kapulisan, bababa rin ang suliranin sa droga. may tatakbuhan
kasi ang mamamayan. sa ngayon, matindi ang problema sa mga ito, lalo na sa mga
pulis. kaya naman ganoon na lang din ang katiwalian sa gobyerno at kapulisan dahil
alam nilang anupamang paraan ay maaaring magpatagal sa kanilang sakdal at sa
kalaunan ay malimutan na ang mga kaso nila. kung maisasaayos ito, maaari nang
ipataw ang parusang bitay sa mga malalaking isdang tulak ng droga, kasama na
ang napakaraming dayuhang gumagawa ng droga dito mismo sa bansa. at higit na
mahalaga, papanagutin din ang mga pulis na palpak ang intelelensya na maging
mga inosente ay pinatay din – lahat sila ay mag pananagutan sa batas. kaakibat
nito ang dapat na pagpapatuloy ni duterte ng pagsupil sa kurapsyon. malaon na
ang nasimulan dito at higit na makatutulong ito sa paglaban sa droga.
kailan
kaya maiiisip ni duterte na ang simpleng pananakot at pagpatay ay di solusyon?
sa takbo ng mga pangyayari at panlalait nito sa mga kumukwestyon sa kanyang mga
kwestyonableng mga hakbang, tila hindi niya ito batid. oo nga naman,
sangkatutak naman ang kanyang mga dutertards o ang kanyang mga pikitmatang
tagasunod na palagian ang palakpak at paswit maski mali at saliwa na sa batas
ang pinagsasasabi at inaasal ng kanilang idolo. sige lang sila sa susog at
gatong. pero sa isang banda, para ring sige-sige lang si duterte at wala itong
pakialam sa mga opinyong ng ibang mamamayan. dahil ba alam din ni digong na di
siya tatagal sa puwesto kaya kailangan na niyang maghasik ng kanyang kamandag
habang siya ay nandiyan pa? hmmmm…
anu't anuman, hindi puwede ang pamatay na isang bagsak lamang. hindi maaari ang pang-action star na mga hirit o pagpapahiya lamang. malalim ang suliranin. hindi puwedeng puro papogi. hindi puwedeng basta lang padanakin ang dugo. hindi puwedeng 'pag may kritiko ay ipapahiya ito at 'pag marami na ang nababahala ay sasabihing "joke lang" ang mga pahayag. hindi maaaring bara-bara ang hakbang. pag-isipan mo namang mabuti, digong. pakiusap lang.