big deal sa nova high
ang UP... ito ang natanim sa aking isip noong nasa pablik pa ako. kasi naman ay
may isang buong blackboard (nile-letteringan gamit ang iba't ibang kulay ng tsok)
sa pasukan ng marcos bldg ang nilalaan dito kada enero o pebrero upang ianunsyo
kung sino ang mga mapapalad na tagapablik ang nakapasa sa UPCAT. tanda ko pa
nang makita namin ang nagdaramihang mga pangalan ng sinundan naming batch na
nakapasa rito. kaya n'ung kami na ang nasa fourth year, isa ito sa mga unang
pinag-isipan ng bawat isa sa IV-1. salamat kay ma'am eligia barawed, di na namin
kailangan pang pumunta sa diliman upang makakuha ng application form (di pa uso
ang pagda-download)… isa-isa na itong pinamahagi sa kung sino ang nais kumuha
ng exam. libre kapag nasa top 10 ka noong third year pero 300 pesos ang
babayaran kapag wala ka rito.
kagaya ng maraming
bata, di ko alam kung ano ang kukunin ko. kailangan mo siyempre ng dalawang
choice ng campus at dalawang choice ng kurso kada campus. alala ko pa nang
minsang sabihin sa amin ni ma'am norma pacaigue na wala naman ang tagumpay sa
buhay sa piniling kurso kundi nasa tao, kung magpupursige o magbubulakbol
lamang ito. ang sabi niya at ng ilan pa naming mga guro tulad nina ma'am
erlinda berdin, ma'am senen centeno at ma'am rebecca gimelo, isulat mo ang
kursong sa tingin mo ay malapit sa iyong puso at nais mong pagpursigihan, nang
sa gayon ay di ka mag-aksaya ng panahon pagdating ng araw na nasa kolehiyo ka
na. tangan ang mga salitang ito… pinili ko ang UP diliman bilang unang choice,
history at geography ang mga kurso at UP manila (physical therapy at
occupational therapy). ipinasa ang kinumpletong application form kay ma'am
barawed. sabi niya, maagang dumating sa iyong schedule, magdala ng 2 mongol
pencil number 2 at meryenda… di raw maaaring lumabas sa gitna ng pagsusulit. dapat
din daw na maging mabilis sa pagsagot dahil maikli lamang ang palugit sa bawat
asignatura. sabi pa nila ma'am, basahin ang tanong ng 2 ulit… kung di mo pa rin
naunawaan, huwag manghula. mas maigi raw na lagpasan ito dahil right minus
wrong ang UPCAT. salamat sa aming mga guro (kasama na si ma'am linda valeza) na isinabay pa sa review ng NSAT ang
aming libreng review para sa UPCAT.
dumating ang araw na
'yun ng agosto… ang araw ng pagsusulit. hapon ng sabado ang aking schedule… ni
isa sa aking mga kaklase ay wala akong kasama sa silid na 'yun sa school of
economics. kabado't pakiramdam ko ay mangangamote ako sa exam. pinaiwan lahat
ng gamit sa harap ng silid, umupo ako sa aking seat at nagsimula na nga ang
exam. di ko na maalala pero nauna ang language proficiency at reading comprehension
bago ang mga tanong sa science. maaari pang lumabas upang mag-cr pero di ako
lumabas. kaya ayun, n'ung matematika na… naiihi na ako at di na puwedeng
lumabas. grabe ang pagpipigil ko kaya ni hindi ko masyadong binabasa ang mga
tanong… sagot na lang ng sagot upang matapos na itong kalbaryong ang tawag ay
UPCAT. pagkatapos ng 5 oras, natapos din.
tandang-tanda ko nang
sabihin ng mga proctor na maaari nang kunin ang mga gamit, ang unang pumasok sa
aking isipan ay kailangan kong mag-exam sa ibang unibersidad dahil siguradong
di ako pasado sa UPCAT. inisip ko na agad ang UST at kung kailan ang simula ng
pagkuha ng entrance exam dito. nagkita kami ng aking mga kaklase at nagsimulang
lumakad papuntang academic oval. namasyal ng kaunti at nagsimulang lumakad
papuntang pook dagohoy dahil makikitulog kami kina ma'am barawed. kinabukasan
ay umalis na rin kami pero di agad umuwi, kundi sumakay ng dyip, bumaba sa
philcoa at sumakay ng bus pa-baclaran. nag-sm megamall kami ni sherralyn at
bing, nagsimba pa at nanood ng sana maulit muli bago pa umuwi. pagdating ko sa
bahay, medyo napagalitan ako dahil di man lang daw ako tumawag para sabihing di
ako uuwi. nang dumating ang lunes at pagkatapos ng flag ceremony napagalitan pa ako ni ma'am berdin dahil di nga ako umuwi n'ung sabado. tumawag pala sa
kanila si ate joy para hanapin ako pero buti na lang at nandoon si ma'am barawed
upang ako'y bak-apan.
disyembre ng taong
'yun, nag-exam ako sa UST. kumbinsido akong di ako nakapasa sa UP kaya nasa
isip ko na ang españa ang magiging lugar ko sa loob ng 4 na taon. pero bago ko
pa nalaman na nakapasa ako sa UST ay dumating na ang pinakamalaking balita sa
akin ng huling mga buwan ko sa pablik – nakapasa ako sa UP!! si christine bote
pa ang nagsabi sa akin, dumalaw daw sila sa UP diliman.
pebrero ay dumating
na nga ang makapal na sobre galing sa UP registrar. kumpleto ito ng lahat ng
kailangan ko bilang papasok na freshman, mula sa congratulatory letter, mapa ng
UP diliman, mga hakbang paano mag-enrol, papeles para sa pag-aapply ng STPAF, may pamaypay pa yata at marami
pang iba. bago pa kami gumradweyt sa novaliches high school, nakadalawang beses
pa kaming dalaw sa UP diliman sa mga rasong di ko na maalala. ang hudyat na
ako'y papasok na nga sa UP ay nang kami nina herbert, lawrence at wally ay
magpa-medical na sa UP diliman infirmary. isa itong malaking pribelehiyo, iilan lamang sa mga estudyante sa pilipinas ang nakapasa sa UPCAT, nakapasok sa UP diliman
at nakatapos ng kurso.
at sabi nga nila… the
rest was history. nag-UP ako, 4 na taon plus 1 summer… at natapos. kumbinasyon ito
marahil ng suwerte, tadhana at matinding punyaging mag-aral at ayusin ang
sarili. tiyak na malaking kaibahan kung hindi ako nakapasa sa UP pero
ipinag-adya na makapasok ako sa UP. kung kaya naman di ko sinayang ang
pagkakataong ito upang pagyabungin ang aking kasanayan at matuto di lamang ng
mga basiko at lahat ng impormasyon ukol sa aking kurso kundi kung paanong
maging mabuting indibidwal para sa sarili, sa aking pamilya at sa bansa. salamat
UP… UP naming mahal.