Sunday, December 30, 2012

positivity



patapos na ang 2012, may babaunin ka ba mula rito sa pagharap sa bagong taon?
  
ang sagot dapat ay malaking oo. sabi nga ng mga pang-miss universe na mga sagot, may natututuhan sa lahat ng karanasan, maging pangit man ito o sadyang kalugud-lugod. ubod ng bigat ang istres ng huling kalahati ng 2012 pero dahil dito, mas magiging litaw ang paninindigang tumanggi at isipin ang higit na malaking bentahe para sa sarili. mas wais din dapat sa paggasta ng kuwarta. di maaari ‘yung walang habas na gastos. kung hindi, walang patutunguhan ang mga kinitang salapi.

biyahe at bakasyon. mahalaga ito at dapat na magpatuloy ito sa 2013. di kailangan ‘yung mahal at magastos. ang importante ay may nakita kang bagong lugar, nakatikim ng mga kakaibang putahe, may bagong karanasan at may natuklasan kang bago sa iyong sarili. hiling ko lang, mas marami sana ang biyaheng pamilya ang kasama ngayong 2013. mas masaya ‘yun, lalo na nga’t naglalakihan na ang mga bata sa pamilya.

sa bawat pagpapalit ng taon, mantra na nga sigurong matatawag ang natutuhan ko kay mama. pag-ibig at galak sa buhay at pamumuhay… may unos man o wala, "positivity" ang dapat mamayani. di dapat mangiming magpahayag ng damdamin ngunit dapat ding isaalang-alang ang kalagayan ng iba at manatiling may paggalang sa kapwa. kapag sagana, magsaya at magpasalamat sa biyaya. kapag medyo salat, matutong tumanggap, ‘wag mainggit sa kapwa at lalo pang magsumikap. di dapat mamuhay sa nakaraan, bagkus ay ikalugod kung ano ang mayroon sa ngayon. yakapin ang bawat karanasan at iwaksi ang mga di namang kailangang bagahe. tumawa, magnilay-nilay at magpasalamat.

ikaw, anong babaunin mo mula 2012?

Wednesday, December 26, 2012

lutong bahay

wala na ngang tatalo pa sa sayang dulot ng masarap na pagkain sa noche buena. pagkaing kayu-kayo sa pamilya ang nagsipagluto at pinagsaluhan ng buong pamilya bago magbukasan ng mga regalo. may homemade siomai, meatballs spaghetti, caldereta, mango float at pasta with cream dory and garlic. maligayang pasko!

Sunday, December 23, 2012

panget

Matalino man at magaling, ang panget... panget pa rin! 
--- words of wisdom ng tambalang balahura at balasubas.

Saturday, December 22, 2012

all pinoy

tradisyon na nga sa aydisi pinas ang all-pinoy christmas party. siguro kasi inugat na nga ako rito, kasama nina mam kr at mylene, kaya tuluy-tuloy pa rin ang potluck party kada huling araw ng pasok bago magbakasyon. kaya ayun, kahit madalian ang preparasyon, natuloy pa rin ang mmajj awards. may mga special awards pa rin. ubos-energy ang walang kamatayang payabangan pero lahat ay masaya, lalo na nga't may something balik-alindog pa. 

siyempre, highlight ng buong araw ang sangkatutak na pagkain. mula sa maalamat na caldereta ni tita jo hanggang sa kare-kare ni alon,  spaghetti ni royd, tapsilog ni helli at arms, sisig ni madam elke, pati na ang mango float ni duy at ang leche flan ni ivy, busog ang lahat sa dami ng pagkain at linamnam ng mga ito. idagdag mo pa ang bagoong rice ni emma, becky's brownies ni ate lyn, absolut ni joseph, chips mula kay mam kr at ang pichi-pichi ni alice. ayos ang buto-buto. 


di rin mawawala ang mga regalo para sa lahat. bukod kasi sa kris kringle, nakagawian nang magbigay ng little somethings sa lahat. merry christmas!

Friday, December 21, 2012

apocalypse

'Wag ma-stress sa end of the world. 
Since walang nakaaalam kung kailan ito, ni hindi ito dapat isipin. 
Mas dapat mong isipin ang end of the month... 
dahil siguradong darating ang lahat ng bills at mga bayarin!


Monday, December 17, 2012

sandy hook


sabi ni ma’am aurelia logan, bukod sa maraming salik tungkol sa balita, dapat ito raw ay may tuwirang lapit sa mga mambabasa upang maging epektibo at magkabisa. ngunit ang nakapanlulumong balita ng pagbaril sa 20 bata at 6 pang iba sa newtown, connecticut ay may kung anong kalumbayang epekto sa akin. bukod sa malayo ito sa pilipinas, ni walang tuwirang koneksyon ang connecticut sa mga nagaganap dito. di ko rin kilala ang mga napaslang at wala talagang lapit ito sa katotohanan sa aking kapaligiran. ngunit dahil na rin siguro sa kapangyarihan ng telebisyon at internet at sa katotohanang ang mga halos lahat ng biktima ay pawang mga walang kalaban-labang mga paslit, may masidhing lahid ang balitang ito.

galing ako sa masayang kulturisasyon kasama ng mga bagets sa burgos circle. bago nito, may masayang hapunan din sa café juanita para kina mabel at pam. masaya ang kabuuan ng biyernes para sa akin. pag-uwi ko at pagbukas ng telebisyon, bumungad sa akin ang balitang may nagaganap na namang pamamaril sa isang paaralang elementary sa US. dahil na rin siguro sa kadalasan ng ganitong mga balita, di ko agad ito pinansin. hanggang makita ko ang mga breaking news na hindi bababa sa 18 sa mga di pa tiyak na bilang ng mga biktima ay pawang mga kabataang edad 8 pababa. nagulantang ako at nawala ang antok. tumutok na ako sa CNN at magkaminsang lumipat-lipat sa BBC para sa lahat ng mga detalye. malabo pa ang mga detalye ng parehong organisasyon ngunit pagkalipas lamang ng ilang oras, kumpirmado na ang mga ito. may 28 nasawi, kasama na ang maysala, sa walang habas pamamaril na ito. 20 rito ay mga batang 6-7 taong gulang lamang, kasama na ang ilang mga guro sa sandy hook elementary school at ang ina ni adam lanza, ang maysala.

magkahalong hilakbot, lungkot at panlulumo ang nangibabaw. walang anumang saysay ang pagpatay sa mga indibidwal na ito, lalo na ng mga musmos na nasa paaralan upang mag-aral at matuto. malaon nang sinasabing ang paaralan ay pangalawang tahanan ngunit di ko mapaniwalaang maski sa lugar na ganito ay di na ligtas para sa mga kabataan ngayon. naiimadyin ko na lamang ang pagkadurog ng mga puso ng mga magulang at kapamilya ng mga biktimang ito, lalo na ng mga magulang ng 20 bata.

siyempre sa mga trahedyang ito, uusbong din ang mga usaping gaya ng pagkontrol sa pag-aari ng baril, kaligtasan, epekto ng midya sa mga kabataan at estado ng kalusugan ng pag-iisip ng sambayanan. para sa akin, patunay ito ng kadakilaan ng mga guro. di lamang paghuhulma ng mga isipan ng mga bata ang ginawa ng mga guro sa sandy hook, kundi maging ibuwis ang sariling buhay upang di iligtas ang mga estudyante. di biro ang sakripisyo ng mga gurong ito, maging ng mga gurong nakaligtas na nagsalba sa kani-kanilang mga estudyante sa iba’t ibang paraan.

nawa’y di na ito muling maganap sa anumang panig ng mundo.

Sunday, December 16, 2012

dismay


tambilangan.
sabado.
mga alas-diyes.
maaari.
di sigurado.
maghintay.
kumain.
puwede.
dali-dali.
tungo.
lagpas na.
low batt pa.
‘wag na.
sa susunod.
tambilangan ulit.
araw daw.
ubos-gana.
umaga.
‘gandang umaga.
dedma.
dismaya.
dismaya.

simbang gabi


simula na kagabi ng simbang gabi. sa national shrine of the sacred heart of jesus ako nagsimba. di pa gaanong marami ang tao. siguro kasi sabado nga. madalas kaysa hindi, puno ang simbahang ito kapag linggo, di gaano ‘pag sabado.
 
pasado alas-8 na nang magsimula ang misa. simbang gabi ang panimulang kanta. inabangan ko ang homiliya ng pari, lalo na nga ito ay manggagaling sa kura paroko mismo. sa halos apat na taon ko sa pagsisimba rito, malinaw at direkta sa punto ang mga homiliya nito. walang pabulaklak at palagiang may malinaw na awtlayn. ngunit kakaiba ito kagabi. may mainit-init pa raw na mga pahatid na mensahe ang ating bagong kardinal na si luis antonio tagle at ang tagapangulo ng mga samahan ng mga obispo sa pilipinas. sulat ito tungkol sa walang kamatayang usapin ng RH bill. imbis na tumalakay ng mga bagay na makatutulong sa pang-araw-araw na buhay ng maninimba, binasa lamang ni father ang dalawang sulat. ‘yun na ‘yun para sa homiliya.

muli, ang paglaban ng simbahang katoliko ay balido dahil ito ay kanilang sariling paninindigan. nirerespeto ko ito. ngunit hindi ito dapat maging sentro ng misa lalung-lalo na sa simula ng taunang simbang gabi. may ibang benyu para sa kanilang mga argumento tulad ng pangmadlang midya. ang porum para rito ay hindi sa gitna ng banal na misa. sa ganang akin, sapat na ang pagbibigay-gabay ng mga pari sa pamumuhay na matuwid. ang tuwirang pang-iimpluwensya sa pamamagitan ng pangangasangkapan ng homiliyang ukol lamang sa pagtutol sa RH bill ay kalabisang di na ayon sa panahong kasalukuyan.

hayaan na lang umiral ang proseso ng demokrasya.

Wednesday, December 12, 2012

12-12-12

"how do you celebrate the century's last repeating date?"


... by having cupcakes by piece of cake! salamat, jim and wife! (",) 

Saturday, December 8, 2012

monstrosity


true to its character and to my expectations, the mandrake wildly spewed toxic juice once again. as told, such toxins are like rising magma down a volcano’s chamber… sooner or later it would erupt, letting loose of pent up vileness. of course the instinctive unpleasantness is deeply rooted and won’t be forever kept by endeavored dash of being nice. mandrake’s manufactured goodness just doesn’t last for more than 3 days. this has always been its way. nastiness on mondays, contemptibility on tuesdays, unpleasantness on wednesdays, despicability on thursdays, horribleness on fridays, offensiveness on saturdays and repulsiveness on sundays… monstrosity at its finest.


i’m just hoping that the festive season would be enough to diminish mandrake’s evil yelp.