dumaan ang dalawang bagyo nitong nakaraang tatlong linggo. bumuhos ang nakapagpapabahang ulan at humagupit ang hangin na nagpatumba sa maraming mga istrukturang gawa ng tao. halos buong luzon ang sinalanta nina ondoy at pepeng. sa benguet at ibang karatig-lalawigan, nabaon sa rumagasang putik at lupa ang mga kabahayan, habang ang mga bayan sa pangasinan ay nalubog sa tubig-baha gawa ng pagpapaagos ng tubig sa tatlong dam sa hilagang luzon. wasak ang mga taniman, nagmistulang karagatan ang mga palayan, habang sa kalakhang maynila, gabundok na basura at putik ang iniwan ng kalamidad. walang sinanto ang hagupit.
sa gitna ng unos, umusbong muli ang bayanihan. simpleng mga mamamayan ay nagsipag-ambag sa abot ng kanilang makakaya, naglaan ng oras upang makatulong sa pagrerepak ng mga pantawid gutom. maging ang mga biktima ng nagdaang mga kalamidad gaya ng mga mamamayan ng ginsaugon, leyte, nagbigay-tulong sa milyong nasalanta. magandang halimbawa, lalo na sa mga kabataang di pa nakaranas ng anumang katastropiya.
ngunit sadyang may mga taong pansariling adhikain ang nangingibabaw, maging sa panahon ng kalamidad. oo nga't nakapag-abot ng tulong sa pamamagitan ng ilang supot ng nudels at dalawang maliit na bote ng tubig, subalit kalakip pa rin ng mga pantawid-gutom na ito ang makasariling hilig na itaguyod ang kandidatura sa nalalapit na halalan sa pamamagitan ng pagdidikit ng mga istiker ng kanilang mga sandamukal na mukha't pangalan. gaya na lang ng ginawa ni manny villar. sa dami ng pera ng pinakamayamang senador ng bansa, nakuha pa nilang lagyan ng istiker ang bawat isang pakete ng nudels at bote ng tubig, gayong ang tulong ay higit na kailangan sa lalong madaling panahon sapagkat n'ung kasagsagan ni ondoy, maraming tao ang di pa nahatiran ng anumang tulong sa loob ng tatlong araw.
sabi nga ni jim paredes sa kanyang mga tweet, kung nais mo talagang tumulong... wala nang cheche-burecheng promosyon o anumang mababang uri ng advertisment. ihatid ang anumang tulong nang walang bahid ng pansariling naisin. anu't anuman, pasasalamatan ka ng tao sa anumang tulong na maaari mong ibigay. isang magandang halimbawa ay ang pagbibigay-kawanggawa ng pamunuan ng rebisco sa mga nasalanta sa aming barangay sa novaliches. di na nila pinadaan sa mga ganid na pulitikong-lokal, kundi idineretso na sa mga nangangailangan, nang walang anumang tokata o anunsyo sa radyo, pahayagan at telebisyon. 'wag na sanang dumawdaw sa ngalan ng bayanihan kundi rin lang taos-puso ang pagtulong.