simpleng
kuwentuhan at hapunan lang ang pakay ko sa megamall n'ung gabing 'yun. kikitain
ko sina ate joy at liz, kaunting kain at bigayan ng lucban longganisa galing ng
pahiyas. pero wala na ngang pinipiling lugar ang mga halang ang kaluluwa. maging
sa matao at gwardyadong lugar gaya ng sm megamall, umaatake ang mga salisi
gang. oo nga naman, madaling target ang mga malls sa mga panahong ito. madalas
kaysa hindi, nagiging kampante ang mga tao kapag nasa loob ng mall dahil sa
presensya ng mga guwardiya at mahigpit na pagtse-check sa mga pasukan nito. kung
makakasalisi ang mga buhong na ito, gagawin nila.
sa
gitna ng masayang kuwentuhan sa bar b king, naramdaman kong wala na ang aking
bag sa tabi ng aking tuhod. siyempre, sulak agad ang dugo at adrenaline dulot
ng pangambang nawala nga ang aking bag. paglingon ko sa likod, may payat na
lalaking nakatayo at may hawak na malaking laptop bag. di ko rin alam kung
anong pumasok sa akin pero may tila nagsasabing nasa lalaking 'yun ang aking
bag. agad-agad kong hinablot ang malaki niyang backpack at mabilis kong nakuha
ito. binuksan at sa loob nga nito ay ang memo bag. di na rin siya nakapagsalita
man lang at napansin na ni ate joy at liz ang komosyon at agad na sumigaw si
ate joy ng "magnanakaw!". parang multong naglaho ang lalaki mula sa
loob ng bar b king at tumalilis ito paakyat ng ground floor. parang multo ito
dahil tila di man lang sumayad ang mga paa nito sa sahig sa pagtakbo upang
iwasan ang mga crew ng bar b king at ng buntis na si liz. sabi pa ni liz, di na
rin naka-react maging ang mga guwardiya ng megamall dahil nilundag lang ng
buhong ang mga steps sa harap ng mall at dagling sumakay ng bus sa edsa. may
kasama itong bata na naglaho ring parang bula sa gitna ng taranta.
salamat
at ipinag-adya ako. nabawi ko ang aking bag na wala naman talagang laman bukod
sa pitakang may 900 na pera, salamin, charger at pabango. laking abala lang
talaga kung nawala ito dahil sa dami ng mga mahahalang card na nakalagay sa
aking wallet tulad sss, credit cards, IDs at kung anu-ano pa. bukod sa taranta
at kaunting liglig sa aking pamangking si ate ia, wala namang malalang
nangyari. mahusay din ang mga crew ng bar b king dahil halos lahat ng crew nila
ay humabol sa salisi gang. ang palpak? walang cctv ang mayamang sm megamall sa
kanilang lobby. maging nang i-report namin ito sa kanilang opisina, parang wala
silang balak maglagay ng cctv sa mga common areas ng dambuhalang mall. ewan ko
kung anong lohika mayroon ang pamunuan ng sm pero malaking bagay ang cctv upang
udlutin ang anumang masamang gawain.
buti
na lang at alerto rin ako at di na nakalayo 'yung lalaki. patunay lang ito na
may punto talaga ang lagi-laging paalala ni mylene tungkol sa aming mga bag at
pag-aari kapag nasa matataong lugar. ingat!