bagamat nagkumahog hanggang sa huling sandali ang kampo ni p-noy at binay na maisalba pa ang tatlong pinoy sa kamatayan, natuloy din ang hatol na bitay kina sally ordinario - villanueva, ramon credo at elizabeth batain sa china.
magkakahiwalay na nahuli ang 3 noong 2008 pagkatapos subukang magpuslit ng di bababa sa 4 na kilo ng heroin. ibinaba ng mababang hukuman ang hatol na bitay at nakatakda sana itong maganap noong pebrero 20 at 21. ngunit napakiusapan pa ni binay at naantala ang pagpatay hanggang sa ituloy na nga ito tanghali ng araw na ito. malungkot na katapusan ng buhay ng 3 OFW na nais lamang maghatid ng ikabubuhay sa mga naiwan sa pilipinas. higit na malungkot dahil halos 70 pa ang nahatulang mamatay sa china at naghihintay lamang ng promulgasyon ng kani-kanilang bitay sa loob ng 2 taon. wala pa rito ang ilan daang nahaharap din sa bitay sa mga bansa sa gitnang silangan at maging sa mga kapitbahay nating malaysia at singapore.
kapit sa patalim ang ginawa ng 3. sa laki ng bayad kapag pumayag kang maging mulo ng droga, marami ang napipilitang makipagsapalaran sa bentahan at pagpupuslit ng droga, isang malaking industriyang kontrolado ng mga gang na pandaigdigan ang operasyon. sa kasamaang-palad, marami sa galamay ng mga ito ang mauugat na rin sa pilipinas. may mga rekruter na gumaganyak sa mga lalawi-lalawigan, tulad na nga lang ni sally villanueva, at nangangako ng isang bagsak na malaking bayad kapalit ng pagpuslit ng kilu-kilong droga sa mga bansang tulad ng china. maaaring di nga batid ni sally ang laman ng maletang ipinasa sa kanya ng kanyang rekruter, ngunit responsibilidad pa rin niyang tiyakin na di siya ipapahamak ng kanyang dapat sana'y pagmamagandaang-loob lamang. sa isang banda, di rin maiaalis sa isipan ng marami na magduda sa tunay na intensyon ng 3, lalo na nga't sabi sa telebisyon, matagal na ring may koneksyon si ramon credo sa kalakarang ito.
ginawa na raw ng pamahalaan ang lahat ng magagawa upang mapababa ang sintensya sa panghabambuhay na pagkakakulong. ngunit sadyang mahigpit ang china sa mga kasalanang ito. di tulad ng kalakaran sa pilipinas, matulin ang takbo ng hustisya sa kanila at ipatutupad kapagdaka ang anumang hatol na ibinaba ng hukuman. walang magagawa ang pilipinas kundi igalang ang desisyon ngunit dapat ay siniguro ng ating mga kinatawan na may mahusay na representasyon ang 3 sa hukuman ng china. dahil ayon kay atty. roque, maaari pa sanang nagkaroon ng pagkakataon ang pilipinas na hilingin sa international court of justice na pahabain pa ang proseso ng paglilitis at baka naiwasan ang pagbitay sa 3.
dahil nabitay na ang 3, wala na ngang bawian ito. ngunit dapat na pagtuunan ng pansin ng mga tao ni p-noy ang paghuli at dapat ay matulin ding pagbitay sa mga iligal na rekruter na patuloy na umeengganyo at nagkakapera mula sa mga gaya nila sally, ramon at elizabeth. ang walang habas na labas-masok sa bansa ng mga miyembro ng mga global na kartel ng droga ay dapat ding maiging bantayan. marami na ang nagkukuta rito, may kung anu-anong lahi tulad ng nigerian, chinese o malaysian, at halos lantaran na ang pagrerekrut dahil na rin batid ng mga ito na di mahigpit ang mga kinauukulan sa pilipinas at talamak ang kurapsyon sa hanay ng mga tagapagpatupad ng batas.
madaling magsaboy ng sisi sa pamahalaan na kesyo ganito dapat ang ginawa at di ganoon. ngunit tungkulin pa rin ng bawat indibidwal na mabuting limiin ang bawat desisyon dahil sa huli, ikaw ang maykatawan at tanging ikaw lamang ang maaaring magpasya para sa iyo. sang-ayon ako na biktima ang 3 ng higit na malawak at pambansang isyu ng kahirapan at kawalan ng pagkakataong umasenso sa sariling bansa. ngunit di natin dapat limutin ang tunggak na naisin ng karamihan ng mga pinoy na makasilo ng isang malaking suwerte sa isang buga lamang ng hininga. marami sa mga pinoy ay may di maipaliwanag na katapangang sumuong sa anumang iligal na gawain dahil sa isip nga nila ay ginagawa nila ito para sa kanilang mga pamilya. nabubulid ang mga taong gaya nila sally, ramon at elizabeth na maging mulo ng droga dahil wala na silang makitang anumang pagkakataon sa loob ng pilipinas na maaaring mag-ahon sa kanila at sa kani-kanilang mga pamilya sa kahirapan. ngunit marami rin sa mga pinoy ang nais lamang ay maging biglang-yaman at dagling lilimot sa anumang katuwiran ng pagpapasya. responsibilidad ng pamahalaan, ayon kay tunying, ang maglaan ng pantay-pantay na pagkakataon sa lahat ng mamamayan ng bansa na umasenso. tama 'yun. ngunit tungkulin naman ng bawat mamamayan na ayusin ang kanilang sarili, mag-aral nang mabuti, magtiyaga at di maghanap lamang ng proseso upang maging biglang-yaman at magsumikap na di maging pabigat sa mga kasapi ng pamilya nilang nagsisipagtrabaho. ang anumang pag-unlad ay dapat ugatin sa pagbabago ng pag-iisip at gawi, di sa pagbato ng sisi.