maraming
beses na rin ako nakabiyahe dala ng trabaho at hilig sa paglalakbay. at kada
alis o lipad, di puwedeng walang pasalubong sa mga kapamilya, kaibigan at
kasama sa trabaho. pasalubong nga kasi ay "pang-salubong" sa iyong
pagbabalik pagkatapos mawala sumandali. kaya kahit tatlong araw lang nawala,
titiyakin mo pa ring may madadalang kahit ano para sa mga taong malalapit sa
iyo. ang kahit na anong ito ay maaaring medyo mahal 'pag may perang panggastos
o kaya ay maliliit na mga bagay tulad ng ref magnet o kaya ay pagkaing tulad ng
tsokolate.
sa
bawat alis o lipad, sisiguruhin mong maglaan ng panahong bumili ng kahit ano
para may maipasalubong ka sa mga uuwian mo. kahit na nga di mo makita ang isang
templo o shrine, basta makapunta ka sa bilihan ng pasalubong. siyempre di lang
naman oras ang ilalaan mo kundi ang napakahirap kitaing kuwartang pambili ng
mga ito. nandiyan ang 'wag mo na lang kainin 'yung gusto mong kainin dahil may
bibilhin ka pang pasalubong. o di kaya ay tiisin mong lakarin ang
pagkalayu-layong destinasyon para makatipid sa pamasahe, sa gayon ay may
pambili pa ng pasalubong. di nga kasi pinupulot ang pera kaya kailangang may
maiging badyet. nakakakahiya nga kasing uuwi ka at galing ka sa biyahe tapos
wala ka man lang kahit anong dala bilang pasalubong.
nito
ngang huli kong biyahe sa japan, kahit na nga mahal ang halos lahat na bagay ay
pinilit ko pa ring bumili ng mga kitkat (iba't ibang flavor) bilang
pasalubong. para na ito sa lahat kaya dinamihan ko na. pero siyempre naman,
sa dami ng taong kailangang pasalubungan, di magiging sapat kung bibigyan ng
mas marami sa dalawa ang lahat. ibabadyet mo rin ito para magkasya at mabigyan ang
lahat. ang ideya naman ay maabutan mo lahat bilang patunay na naalala mo sila
at pinaglaanan mo ng panahong pasalubungan sila.
sapat
na 'yun sa aking pananaw. una, di naman nag-abot ng panggastos ang mga ito. pangalawa,
sariling pera ang ginugol ko sa ehersisyong ito. walang ambon sa mga janet
napoles ng lipunan. at panghuli, di na dapat pang magkomento ng kung anu-ano
ang mga nabigyan na. walang tungkulin at di responsibilidad ng bumiyaheng magpamudmod
ng pasalubong. pero dahil bahagi na nga ito ng kultura, sige lang. ngunit dapat
ding tumayo sa tamang kalagyan ang mga pinasalubungan. may kaakibat na social
graces 'pag naabutan ka ng pasalubong. kawalang paggalang ang magkumento ng
"ito lang?", "ay may ganito kami sa bahay eh", "ngumisi
at magsabing kuripot ito", o di kaya ay gumawa ng kakatwang facial
expressions upang ipahayag ang disgusto sa natanggap.
dapat
nilang isiping pahalagahan maging ang dalawang pirasong tsokolate dahil binili
ito ng bumiyahe. maaari namang ginastos na lang ito ng bumiyahe sa ibang bagay
tulad ng mamahaling sushi o ramen. pero hindi. binili pa rin ito, binitbit sa
mahabang lakaran sa japan, buong pagmamahal na isinilid sa masikip na bagahe at
buong galak na iniabot sa pinasalabungan. hindi pa ba sapat ang mga ito upang
makakuha ng kahit impit na ngiti man lang mula sa pinasalubungan?
ang
dapat lang gawin ay magpasalamat at itikom ang matatabil na dila kung di
nalugod sa pasalubong na iniabot ng bumiyahe. magpasalamat dahil naalala ka. magpasalamat
dahil sa maski abut-abot ang gastos at pagod, naisip ka pa ring abutan ng
pasalubong kahit na nga dalawang piraso lamang ito ng tsokolate. itikom ang
matatabil na bunganga bilang paggalang sa bumiyahe at nagpasalubong. buti nga't
binigyan ka pa eh!
sa
maraming pinoy ngayon, tila di na sapat ang baon mong kuwento mula sa lupaing
pinanggalingan bilang pasalubong. dahil nga ba talamak ang kahirapan? o di kaya
senyales ito ng nauubos na tamang asal na panglipunan? o baka naman may mga
maledukada/o lang talaga? kung anu't anuman, nawa'y masumpungan muli nila ang
basikong turo sa asignaturang MGPU – mga gawain sa pagpapabuti ng ugali.