sa simula nito, bumalik sa france ang tanyag na kompositor at konduktor na si pierre morhange nang mamatay ang kanyang ina. sa burol, dumating ang kanyang kababata't kaklase na si pépinot, tangan ang talaarawan ng kanilang yumaong guro na si clément mathieu (gérard jugnot), at sa pagbasa rito, sinariwa nila ang kanilang karanasan sa fond de l' etang (bottom of the well). enero ng 1949 nang magsimulang magtrabaho si mathieu sa paaralang pangaserahang ito para sa mga ulila't lisyang mga batang lalaki. batas-militar ang istilo ng pamamalakad ng mabagsik na si rachin (françois berléand), ang direktor ng eskwelahan at marahas ang parusang ipinapataw sa sinumang estudyanteng nahuling nagkamali. nagpasyang turuan ni mathieu ang mga bata kung paano kumanta sa isang koro at mula rito, natuklasan niya ang potensyal sa pagkanta ni pierre (jean-baptiste maunier). naging malapit din sa puso ni mathieu ang batang si pépinot (maxence perrin), na kada sabado ay naghihintay sa pagbisita ng kanyang ama ngunit sa kalauna'y nalaman din na namatay sa digmaan ang parehong magulang. mula sa di mabagsik at di palalong paraan ni mathieu, nabago ang buhay ng mga batang lalaki at ilan sa kanyang mga katrabaho.
tagumpay ang pelikulang ito dahil di nito sinubukang maging higit na engrande. walang bahid ng pang-uukilkil sa konsensya o mang-impluwensya ng manonood. sa loob ng maikling panahon, nagawa ni mathieu na matupad ang kanyang taimtim na balakin - makabuo ng isang koro na aawit ng kanyang mga komposisyon. sa prosesong ito, hinaplos ng musika't pakikipagkapwa ang mga kabataang ito at muling bumalik si mathieu sa buhay ng pagtuturo at musika. naging matagumpay din si morhange. ngunit ito'y inilarawang walang bahid ng pilit na mga eksena ng gahiganteng punyagi or mala-hollywood na kadramahan. sa kabila ng payak na talakay, may malagihay na haplos-puso ang les choristes, dala na rin ng selestiyal na musikang inilapat dito. nakaeengganyo ang mga tauhan ng pelikula. panot, medyo mataba ngunit larawan ng butihing ama ang mathieu ni gérard jugnot. ang mga batang nagsiganap naman ay pawang mahuhusay lalo na si jean-baptiste maunier at maxence perrin. mahusay ang direksyon at kapani-paniwala ang halos lahat ng eksena.
hatid ng les choristes ang mensaheng ang kabutihan, pagiging bukas-palad at ang regalo ng musika ay may mahiwagang kapangyarihang bumago ng buhay ng sinumang tao.