Monday, August 31, 2015

UPCAT

big deal sa nova high ang UP... ito ang natanim sa aking isip noong nasa pablik pa ako. kasi naman ay may isang buong blackboard (nile-letteringan gamit ang iba't ibang kulay ng tsok) sa pasukan ng marcos bldg ang nilalaan dito kada enero o pebrero upang ianunsyo kung sino ang mga mapapalad na tagapablik ang nakapasa sa UPCAT. tanda ko pa nang makita namin ang nagdaramihang mga pangalan ng sinundan naming batch na nakapasa rito. kaya n'ung kami na ang nasa fourth year, isa ito sa mga unang pinag-isipan ng bawat isa sa IV-1. salamat kay ma'am eligia barawed, di na namin kailangan pang pumunta sa diliman upang makakuha ng application form (di pa uso ang pagda-download)… isa-isa na itong pinamahagi sa kung sino ang nais kumuha ng exam. libre kapag nasa top 10 ka noong third year pero 300 pesos ang babayaran kapag wala ka rito.

kagaya ng maraming bata, di ko alam kung ano ang kukunin ko. kailangan mo siyempre ng dalawang choice ng campus at dalawang choice ng kurso kada campus. alala ko pa nang minsang sabihin sa amin ni ma'am norma pacaigue na wala naman ang tagumpay sa buhay sa piniling kurso kundi nasa tao, kung magpupursige o magbubulakbol lamang ito. ang sabi niya at ng ilan pa naming mga guro tulad nina ma'am erlinda berdin, ma'am senen centeno at ma'am rebecca gimelo, isulat mo ang kursong sa tingin mo ay malapit sa iyong puso at nais mong pagpursigihan, nang sa gayon ay di ka mag-aksaya ng panahon pagdating ng araw na nasa kolehiyo ka na. tangan ang mga salitang ito… pinili ko ang UP diliman bilang unang choice, history at geography ang mga kurso at UP manila (physical therapy at occupational therapy). ipinasa ang kinumpletong application form kay ma'am barawed. sabi niya, maagang dumating sa iyong schedule, magdala ng 2 mongol pencil number 2 at meryenda… di raw maaaring lumabas sa gitna ng pagsusulit. dapat din daw na maging mabilis sa pagsagot dahil maikli lamang ang palugit sa bawat asignatura. sabi pa nila ma'am, basahin ang tanong ng 2 ulit… kung di mo pa rin naunawaan, huwag manghula. mas maigi raw na lagpasan ito dahil right minus wrong ang UPCAT. salamat sa aming mga guro (kasama na si ma'am linda valeza) na isinabay pa sa review ng NSAT ang aming libreng review para sa UPCAT.

dumating ang araw na 'yun ng agosto… ang araw ng pagsusulit. hapon ng sabado ang aking schedule… ni isa sa aking mga kaklase ay wala akong kasama sa silid na 'yun sa school of economics. kabado't pakiramdam ko ay mangangamote ako sa exam. pinaiwan lahat ng gamit sa harap ng silid, umupo ako sa aking seat at nagsimula na nga ang exam. di ko na maalala pero nauna ang language proficiency at reading comprehension bago ang mga tanong sa science. maaari pang lumabas upang mag-cr pero di ako lumabas. kaya ayun, n'ung matematika na… naiihi na ako at di na puwedeng lumabas. grabe ang pagpipigil ko kaya ni hindi ko masyadong binabasa ang mga tanong… sagot na lang ng sagot upang matapos na itong kalbaryong ang tawag ay UPCAT. pagkatapos ng 5 oras, natapos din.

tandang-tanda ko nang sabihin ng mga proctor na maaari nang kunin ang mga gamit, ang unang pumasok sa aking isipan ay kailangan kong mag-exam sa ibang unibersidad dahil siguradong di ako pasado sa UPCAT. inisip ko na agad ang UST at kung kailan ang simula ng pagkuha ng entrance exam dito. nagkita kami ng aking mga kaklase at nagsimulang lumakad papuntang academic oval. namasyal ng kaunti at nagsimulang lumakad papuntang pook dagohoy dahil makikitulog kami kina ma'am barawed. kinabukasan ay umalis na rin kami pero di agad umuwi, kundi sumakay ng dyip, bumaba sa philcoa at sumakay ng bus pa-baclaran. nag-sm megamall kami ni sherralyn at bing, nagsimba pa at nanood ng sana maulit muli bago pa umuwi. pagdating ko sa bahay, medyo napagalitan ako dahil di man lang daw ako tumawag para sabihing di ako uuwi. nang dumating ang lunes at pagkatapos ng flag ceremony napagalitan pa ako ni ma'am berdin dahil di nga ako umuwi n'ung sabado. tumawag pala sa kanila si ate joy para hanapin ako pero buti na lang at nandoon si ma'am barawed upang ako'y bak-apan.

disyembre ng taong 'yun, nag-exam ako sa UST. kumbinsido akong di ako nakapasa sa UP kaya nasa isip ko na ang espaƱa ang magiging lugar ko sa loob ng 4 na taon. pero bago ko pa nalaman na nakapasa ako sa UST ay dumating na ang pinakamalaking balita sa akin ng huling mga buwan ko sa pablik – nakapasa ako sa UP!! si christine bote pa ang nagsabi sa akin, dumalaw daw sila sa UP diliman.
pebrero ay dumating na nga ang makapal na sobre galing sa UP registrar. kumpleto ito ng lahat ng kailangan ko bilang papasok na freshman, mula sa congratulatory letter, mapa ng UP diliman, mga hakbang paano mag-enrol, papeles para sa pag-aapply ng STPAF, may pamaypay pa yata at marami pang iba. bago pa kami gumradweyt sa novaliches high school, nakadalawang beses pa kaming dalaw sa UP diliman sa mga rasong di ko na maalala. ang hudyat na ako'y papasok na nga sa UP ay nang kami nina herbert, lawrence at wally ay magpa-medical na sa UP diliman infirmary. isa itong malaking pribelehiyo, iilan lamang sa mga estudyante sa pilipinas ang nakapasa sa UPCAT, nakapasok sa UP diliman at nakatapos ng kurso.

at sabi nga nila… the rest was history. nag-UP ako, 4 na taon plus 1 summer… at natapos. kumbinasyon ito marahil ng suwerte, tadhana at matinding punyaging mag-aral at ayusin ang sarili. tiyak na malaking kaibahan kung hindi ako nakapasa sa UP pero ipinag-adya na makapasok ako sa UP. kung kaya naman di ko sinayang ang pagkakataong ito upang pagyabungin ang aking kasanayan at matuto di lamang ng mga basiko at lahat ng impormasyon ukol sa aking kurso kundi kung paanong maging mabuting indibidwal para sa sarili, sa aking pamilya at sa bansa. salamat UP… UP naming mahal.   

Calaguas

august 2015. that's a wrap. 

Calaguas on my mind. 

Saturday, August 29, 2015

rainbow

There's a rainbow always after the rain.


Tuesday, August 25, 2015

nike

andre agassi and pete sampras, tennisdom's two of the greats, in one landmark commercial... nyc tennis on the street!


Friday, August 21, 2015

numero

gusto mo ng numero di ba? o 'wag ka na magkaila. lahat ng tao ay humaling sa bilang. ikaw at ako ay tutok sa numero. oras at petsa, numero sa resibo at mga bayarin, numero ng mga telepono, tambilangan sa selfon, himpilan sa telebisyon, asignatura sa kolehiyo, grado sa mga sabjek, kung magkano na lang ang laman ng iyong pitaka, takal ng arina kapag nagluluto ng keyk, pati na ang kumbinasyon sa ilang mga padlak… lahat ay may kinalaman sa numero. at lahat ng tao ay di maiiwasan ang bilang at numero sa kanilang buhay.


malaking bahagi ito ng buhay ng tao. maski na nga ang mga sinaunang tao'y di ligtas sa bilang. kailangan mong bumilang, magbilang at mabilang. lalo na ngayon sa modernong panahon… tambilangan ay natural na tendensya ng mga kaanak-anakan ni abraham. walang ligtas dito, maski na nga bibili ka lang ng milk tea, tatanungin ka pa rin kung ilang bahagdan ng yelo, tamis at dami ng pearl o jello.

kaya 'wag kang mahiya sa bilang mo. ang iyong edad ay tanda ng eksperyensya, nang pinagsama-samang karanasang bumuo sa iyong pagkatao. sa dami ng iyong pinagdaanan at pagdaraanan pa… naging mabuway man magkaminsan, ang higit na mahalaga ay nakatayo pa rin. natuto at naging higit na matibay at matapang na kabakahin ang hamon ng buhay. kung ilang beses kang nadapa, kung ilang beses kang nagkamali, kung ilang beses kang nabigo… ang mga bilang na ito'y walang bigat dahil ang mahalaga'y kung ilang beses mo ring pinulot ang bawat piraso at muling nagsimulang bumilang ng mabubuting pagkakataong muling maging matagumpay.
   
dapat mong ipagbunyi ang numerong mahalaga sa iyong buhay. maging may kinalaman man ito sa bilang ng mga parangal na iyong natanggap, medalyang naisabit sa iyong leeg nang ika'y nag-aaral pa o bilang ng bituin sa tsapa sa iyong balikat. lahat ng ito'y nakamit dahil sa sariling punyagi at tagumpay mula sa pagsusumikap at di pagtapak sa sinuman ay dapat lamang ikarangal at angkining walang pag-iimbot.

marami ring maliliit na tuwa na kapag tinipon ay masusuma sa totalmenteng nakikita sa bilang. marami ang may koleksyon ng kung anu-ano, maging laruan man ito, manika, kotse o followers sa facebook at instagram. base pa rin sa numero, di pa rin ligtas sa numero. kaya nga may guinness book of world records at kung anu-anong naglipanang batayang tulad ng ISO o ranking upang matukoy kung aling kumpanya ang dapat pagkatiwalaan o kung sinong manlalaro ang higit sa iba.
  
at sa pamamagitan ng numero, natutukoy ang mga milyahe… ang mga sandaling may natumbok na estado ang bawat indibidwal. maylstown ang tawag dito… tagal ng taon sa puwesto o trono, dami ng apo, taong binilang ng isang palabas sa telebisyon, ang pelikulang may pinakamalaking kita, dami ng bumoto, maging bilang ng tikid o dami ng palasong tumumbok sa puso ninuman. tumbok na tumbok at ito'y higit sa 100.

sabi nga ni serena williams, lahat ng tao'y nais pataasin ang kani-kanilang numero. maging masaya't ikarangal, ipagbunyi ang numero, pataasin pa ito't linangin ang dapat linangin.

ikaw, anong numero mo?

corner

cause whenever you are here
all my worries disappear
don't know why, i don't know why.

lilipas na nga ang yugto… o isang yugtong puno
ng nag-uumapaw na kiligkig at tuwa.
over na ang paglagi sa corner. ang yugto'y tapos na.

you give me something i can't explain
and i can't get you out my mind
i guess it's not much more i really need to say.


jamming na o kaysaya't nag-uumapaw
ang mabuting vibo sa lagi-lagi.
maraming pagkakataong tulad nito
ang ekstra-ekstrang nagpadagundong ng puso
at sumandaling kinaluguran, ngunit tapos na.
         
you make me feel good, like a melody
you make me feel good, it's alright
you make me feel good, you're my medicine
you make me feel good, it's alright.

lumundo man at yao na, olrayti pa rin naman
at nunuot pa rin ang pagkakatao't
tiyak na magkakadaupang-palad pa rin.
over pa rin ang kagalakan,
cake pa rin ang pagsasaluhan.

you make me feel good, like a melody
you make me feel good, it's alright
you make me feel good, you're my medicine
you make me feel good, it's alright.

jjampong anghang pa rin ang alapaap
kapag nagkita at tawanan. malalasap pa rin ang melodiya,
eengganyo pa rin ang kuliglig, susulak pa rin ang damdamin.

Wednesday, August 19, 2015

postcard

postcard from Bantayan. happy wednesday!


Tuesday, August 18, 2015

Bacuit Bay

the beauty of el nido's bacuit bay in palawan.


sta. cruz

isang taon na nga ang lumipas nang unang makasagupa ang fuente. isang taong puno ng pinaghalu-halong harina, kaba, ligaya, nipa, sulukan, onsa, ngislak, lomi, klabhaws, zeama, nuca at pasabog na mga imahe. 

ika-27 ng hulyo… tambilangan. bumilang din ng ilang palitan ng teksto. ang pinakamalaking tanong, syur daw ba ito. marami kasing manlolokong naglipana. kailangang maging tiyak na hindi mahuhulog sa kung anong patibong. umokey naman. napagsang-ayunan at sumige na nga sa banda ng malaking tulay. unang kita ay bahag ang buntot. may angking kasimplehan at pagiging tagalalawigan. pumayag ding maispatan ng plash. sulak ang dapat sumulak. nasundan ito ng pangalawang tagpo ng sumunod na buwan. mas maigi ito, mas komportable at nakapagpalagayan na nga ng loob. masayang agosto! dumalawa nga at muling natuwa sa pagsugal. maulang setyembre ang bumulaga pero di ito naging balakid sa dalawang oturum. umiigi, lalo pang umiigi. isang kongklabe noong oktubre at nasundan pa ng dalawang umhlangano noong buwan ng kapaskuhan. masaya ang bawat tagpo. may pag-igting at pagtaas ng lebel. marami na ring tawanan at higit ang nucahan. siyempre dumami pang lalo ang koleksyon na pang-album in sining.

ngunit biglang naglaho. oo, parang bula. nawalang parang si jennifer o si bulak. enero ng taong kasalukuyan, may nagpaalam sa fuente. dahil dito, nagtago. sa sta. cruz, kung saan pamilyar ang enbiro, humanap ng kapayapaan mula sa panibagong dagok. unti-unting pinulot ang mga piraso ng sarili hanggang sa maaari na muling tumayo sa dalawang paa. hulyo na ng muling masagap ng radar ang font. at dagli nga ang tambilangan. una'y di pa sigurado pero habang nasa pinakamatandang bancaria ay tumilaok ang telepono. como estas… nasaan… maaari ba, ito ang mga tanong. atire para cima! tumaas ang faniriana!

at heto na nga ang pagbabalik ng sta. cruz. wala nang kainan ngayon. harinahan at mas ardente ang bawat galaw at lalo na ang mga opus! pagsilang ng araw sa maulang buwan, naabot ang novena. di na raw magpapa-plash… delikado raw kasi. pero nang nasa sesyon na ay dagli ring sumang-ayon. nagtrabaho ang gawa ng ricoh at umestalido ng marami-raming imahe. ardente rin ang nip. higit ding matindi ang dalawang de servir ng natural na qaymaq. rio ou mar ang modus nito kaya kailangang ipagsalikop nang maigi ang gura. o zeama… masagana't umaapaw. sa huli, sumampu na nga sa fuente. higit na maganda ang pigura… mas lumawak ang piept, vartos ang kalamnan at lalong humawig na sa alr. intense ang esclamazione, dalawang servire ng sugo!

tunay ngang matatawag ang mga kabunyian sa paradiso. una, malalim na ang hugpungan. ang fuenteng di gaanong bungisngis ay higit na marami nang naboboka sa kahit anong bagay. ardente at intenso na nga ang mga kaganapan. higit sa lahat, may tiwala sa bawat partido at la amicizia ang nasa pagitan. kaya naman, nawa'y manatili may magandang agos ang fuente at patuloy ang pag-ariba nito. sa sta. cruz ang pasasalamat. santa, santa, 'wag mo sanang pabigatin ang krus at manatiling kaiga-igaya ang hugpungan. nawa'y maging laging bayang magiliw, maganda ang panahon, asul ang monad, mala-cristiano ronaldo ang tirada at paapawin pang lalo ang ngislak.

mauulit pa.          

Friday, August 14, 2015

tiktik

minsan sa isang kalupaan, may isang tiktik na dumapo. dapo lamang ang ginawa nito dahil di naman kalakihan. ngunit ang di batid ng marami, ang pagdapo pala nito ay may hatid na lagim! lagim na di naman masusukat sa dipa ng pakpak nito. lagim itong umulaol sa ligayang mayroon ang ibang mga indibidwal!

una na ang binibining linang. tila dinapuan ito ng birulenteng baktirya't biroso at pumalya ang natural na panlaban ng katawan sa sipon at ubo. bagsak ang katawan, hagok sa ubo, sangkatutak ang plema. kahit na nga mukhang kinundisyon naman niya ang kanyang sarili sa pagkakasakit, di siya handa sa matinding sakit ng katawang dulot ng tiktik. pangalawa ay ang grupo ng mga taga-cavite na sa araw-araw ay hatid-hatid ng toyota. isa-isa silang tinipon ng tiktik at isa-isa rin silang nawalan ng gana sa buhay… para bang tulad ng dementora ay naubos nito ang tuwang nananalaytay sa kanilang mga ugat. may isa pang grupo ang naulaulan ng tuwa at ang isa pa nga ay humanap ng ligaya sa tulong ng alak!

matindi ang ipong lakas ng tiktik. sa likod ng pinaarte nitong pananalita ay may nakatagong dilang matulis… dilang sa anupamang panahon o sandali ay handang humaba upang sipsipin ang tuwa sa kanyang mga nasasakupan. dahil kakapiranggot lamang, di rin maririnig ang pagdapo nito sa mga sanga. bagay na lalo pang nakapagpalakas sa kanyang kapangyarihang mangwasak ng araw ng maraming tao. delikado ang mga buntis sa tiktik na ito at dapat iwasan sa anupamang sitwasyon.
 
panalangin ngayon ng mga nalagiman… huwag na sanang pumarito pa ang ihip ng hanging nagdala sa tiktik. payo ko naman… maghanda ng maraming bawang, ipunin ang mga lumang palaspas at magtabi ng walis tingting. sa gayon, maski paano'y may pangharang at pangontra sa lakas ng tiktik.   

Monday, August 10, 2015

laugh and let go

laugh when you can.
apologize when you should.
let go of what you can't change.


Friday, August 7, 2015

conyo

ten conyo-mandments. happy friday!

Thursday, August 6, 2015

papa

today is Papa's birthday. what better way to celebrate his birthday by saying it thru one of the famous quotes by english poet and author, alfred tennyson, who was also born on 6th of august. happy birthday, pa! 


No man ever got very high by pulling other people down. 
The intelligent merchant does not knock his competitors. 
The sensible worker does not work those who work with him. 
Don't knock your friends. 
Don't knock your enemies. 
Don't knock yourself. 


Wednesday, August 5, 2015

birthday

kaarawan ko nga kahapon… masaya ang atmospera, sangkatutak na mga pagbati sa facebook, instagram, skype, outlook at sa messenger. pati na rin sa text at tawag sa viber at whatsapp. bertdey kainan sa kanteen, mabilis na hapunan sa bonchon at dumating ang mga kaibigang gaya ni my at emma para sa inuman sa rue bourbon. pantastiko! masaya ang kalbo. punung-puno ng pasasalamat sa pagbati ng mga tao sa aydisi, ng aking mga kaibigan at siyempre ng aking pamilya. ang saya-saya!

ngunit ang kaarawan ko ay di naman talaga tungkol sa akin. ang kaarawan ninuman ay di nga raw dapat na ipagdiwang dahil ito ay anibersaryo ng iyong pagsulpot sa mundong ibabaw. sabi ni kuya allan, ang kaarawan natin ay petsa ng ating pagsilang. ngunit ang dapat bigyang pagdakila ay walang iba kung hindi ang ating mga ina. silang mga kababaihang walang takot na sumuong sa mapanganib na proseso ng pagdadalang-tao sa loob ng siyam na buwan upang maghanda sa takdang araw ng pagluluwal sa isang sanggol (o higit pa para sa iba). at sa araw mismo ng pagsilang, ang kanilang mga sariling buhay ang nakataya.

 
kaya sa araw ng aking kapanganakan… walang hanggang pasasalamat, mama! para sa iyong sakripisyo, walang takot na harapin ang bingit ng kamatayan upang ako ay isilang, ibayong sakit ng katawan, kakaibang pananampalataya at walang kaparis at nag-uumapaw na pagmamahal sa isang supling na gaya ko… salamat, salamat. siyempre di naman natatapos ang kanyang pagiging ina sa pagluwal lamang sa akin kundi sa bawat araw na kami'y nagkasama sa mundo at batid kong maski sa lahat ng araw pagkatapos ng kanyang paglisan ay di siya nawalay sa aking tabi. maraming salamat at mahal na mahal kita. :)

ang saya

hagok man buong araw
sumisinga nga
may laban man sa plema
o pagod na dulot ng gawain
o di kaya ay dala ng trapik  

may peste man sa email
umuubo pa ng todo
may mga bullshit
o di umayon sa gusto
o sadyang di lang maganda ang araw.

sa sandaling masayarang ng radar
masamyo ang presensya
madamang nasa himpapawid na
o malamang nariyan
o sa oras ng kainan.

nag-iiba ang timpla
bumubuka ang liwayway
tumatayog ang araw
nawawala ang dalit
natatalo ang karimlan.

wala pa ang tuwiran ha
simpleng wasiwas lang
o kaunting tanguan
maliliit na chitchat
at lalo na sa masayang salu-salo.

may magandang kabog sa dibdib
may sayang dulot
may kiliting hatid
may dagundong at daluyong
may ligayang dala

ay naku
ay sus
ay ewan na nga ba
ay bahala na
ay ang saya!


Sunday, August 2, 2015