Wednesday, August 24, 2016

kontra droga

nandoon na tayo. matindi ang problema ng bansa sa iligal na droga. napakaraming buhay ang nasisira dahil sa droga. kaya nga kailangang pigilin ang lalo pa nitong paglaganap. kailangang paigtingin ang kampanya laban dito. ngunit ang paglaban sa droga ay higit sa kaliwa't kanang pagpatay sa mga pinaghihinalaang tulak at gumagamit nito. hindi ito ang tunay na kasagutan sa problemang ito.

may epekto nga siguro ang pananakot bunga ng pagpatay sa mga tulak ng droga at kanilang mga kasabwat. bumubuo ito ng takot sa sambayanan at maaaring pumigil sa operasyon ng mga nagtutulak. ngunit ito ay panandalian lamang. nakita na ito sa maraming ehemplo sa maraming bansa. hindi nareresolba ng pagpatay sa kung sinu-sino ang suliranin sa droga. una, hindi naman sigurado ang death squad ni duterte sa bawat isang kaso ng droga at pagtutulak nito. wala namang matibay na batayan ang intelensya kundi ang mga sabi-sabi. kaya nga't magpahanggang ngayon ay wala namang nalalambat o napapatay na malalaking tao sa likod ng malakihang operasyon ng droga sa bansa. ang biktima ng death squad ni duterte ay pawang mga mahihirap, 'yung mga tinatawag na runner o dakilang mga tagatakbo. maliliit na mamamayang maaari ring iniligpit ng mga punong kawatan upang di sila nito maikanta. kung puro ganito ang "mapapatay" ni duterte at kanyang kanang kamay na si bato, paano mong masosolusyunang tunay ang problema? 

 
pangalawa, hindi naman malinis ang hanay ng kapulisan. naglagay ka nga ng bato bilang pinuno ng mga pulis, ngunit hindi naman nito hawak sa leeg ang kapulisan. puro papogi rin ang isang ito dahil batid niyang malalim ang sabwatan ng maraming pulis at malalaking isda na sa tuwi-tuwina'y nagbibigay ng protection money sa mga pulis. maaaring sa davao ay kontrolado ni bato, ngunit ibang usapan ang maynila at buong bansa. muli, ito ang dahilan kung bakit lahat na lang ng napatay ng death squad ni duterte ay pawang mga nanlaban, pinabulagta sa kalsada at pawang mahihirap. paano nga namang kakantiin ng mga pulis ang malalaking isda kung pasuwelduhan sila ng mga ito? siyempre dahil nga narito na raw ang pagbabago, kailangan nilang magligpit ng kung sinu-sino lamang upang may maipapogi sa kanilang nagpapapoging pinuno.

pangatlo, maging sa mga alkalde, kongresista at iba't ibang mga pulitiko, marami ang sangkot sa droga. kung hindi man sila mismo ang tulak ng droga, sila ang mga dakilang protektor ng mga ito. dahil mahusay si duterte sa pamamahiya sa mga tao sa publiko, ang unang hakbang nito ay pangalanan ang mga sangkot sa droga. mula sa mga alkalde hanggang sa mga huwes, buong giting nitong pinangangalandakan ang mga pangalan ng diumano'y sangkot sa droga sa kanyang madaling-araw na mga presscon. ngunit ang tanong, ano na nga bang nangyari sa mga pulitikong ito? may imbestigasyon bang nagaganap? o pasabog lang ito ni duterte upang masabing may ginagawa siyang hakbang bukod sa pamamahiya? ang malungkot, nakalimutan na ang mga napahiyang mga alkalde, nabaon na sa limot. bakit? dahil gumana na ang kaperahan. iba ang himig ng pera at dagling palalabnawin nito ang galaw ng death squad ni duterte at ni duterte mismo. ito rin ang dahilan kung bakit walang mga tsino, nigerian o mga dayuhang bumubulagta sa kalsada. ito 'yung mga nagtitimpla mismo at gumagawa ng droga sa loob ng ilang mga inuupahang bahay sa loob at labas ng metro manila.

lahat nga ng napatay ng death squad ni duterte ay nanlaban kuno. ngunit, ang katotohanan sa maraming kaso ay nakalugmok na ang mga ito at tinuluyang patayin. kahit na nga nakataas na ang mga kamay at sumusuko na, pinatay pa rin ito ng kanyang mga galamay. ang higit na masaklap dito, hindi lahat ng napatay sa giyera ni duterte sa droga ay tunay na mga sangkot sa droga o maski man lamang gumagamit. napakarami na ng mga ulat ng nadamay lamang pero wala pa ring awang iniligpit. ito nga ba ang pagbabagong tinatawag ni duterte?

sang-ayon ako sa pagsawata sa droga. ngunit dapat maintindihan ni duterte ang mga aral sa mga bansang nag-all out sa pagpatay sa mga pinaghihinalaang tulak ng droga. hindi ang walang habas na pagpatay ang solusyon. binibigyang lisensya lamang nito ang extra judicial killings at pagpatay nang walang walang pananagutan sa batas. sa kalakaran ngayon, kapag nabaril ang isang tao, ang kongklusyon ng marami ay sangkot ito sa droga. hindi rin sapat na ipahiya ang mga sangkot. kailangan itong litisin at ikulong. o ang panawagan nga ng iba, patayin din! hindi kasi maaaring sa giyerang ito ay pawang mahihirap lamang ang nangangamatay. hindi nito mareresolba ang problema.

nangangailangan ng istratehiko, malawakan at komprehensibong plano ang paglaban sa droga. ang ugat ng pagkapit sa patalim ng maraming mahihirap na sangkot sa droga ay walang iba kundi kahirapan at kawalan ng pag-asa. kaysa pagpapatayin mo lang lahat ng tao, kailangang paigtingin ang mga hakbang upang labanan ang kahirapan. ito ay sa pamamagitan ng programang pangkabuhayan, para sa SMEs, para sa turismo at pagsupil sa katiwalian sa pamamahala dahil ito ang kumikitil sa kabuhayan ng mga magsasaka.

kailangan ding maging matibay ang edukasyon ng mga kabataan. kaysa gastusin mo ang biglang pinataas na badyet sa office of the president, idagdag mo ito sa pagtatayo ng mga gusaling pang-edukasyon at para sa mga teksbuk. sa pamamagitan ng pagkakaroon ng karunungan at pagtitimo ng "premium" sa mga kabataan, maililihis sila sa mundo ng iligal na droga. kasama na rito ang pokus sa pagtuturo sa kabataan tungkol sa droga at epekto nito sa isang tao. siyempre, isang mahalagang bahagi rin nito ay pagpapausbong sa mga susunod na tagapagbandila ng pilipinas sa larangan ng palakasan. sa mga bansang may matibay na pundasyon pang-isports, mas mababa ang suliranin sa droga. ilagak din ang pagpapatibay ng larangan ng arte at literatura dahil di naman ng bata ay nasa isports ang hilig.

kailangan ding resolbahin ang pagsasaayos ng hustisya sa bansa, lalo na sa mga korte sa mga lalawigan at paglilinis sa hanay ng mga pulis. sa mabilis at episyenteng pagbaba ng mga desisyon, pagbibigay ng katarungan sa biktima at maysala at walang bahid ng kurapsyon na kapulisan, bababa rin ang suliranin sa droga. may tatakbuhan kasi ang mamamayan. sa ngayon, matindi ang problema sa mga ito, lalo na sa mga pulis. kaya naman ganoon na lang din ang katiwalian sa gobyerno at kapulisan dahil alam nilang anupamang paraan ay maaaring magpatagal sa kanilang sakdal at sa kalaunan ay malimutan na ang mga kaso nila. kung maisasaayos ito, maaari nang ipataw ang parusang bitay sa mga malalaking isdang tulak ng droga, kasama na ang napakaraming dayuhang gumagawa ng droga dito mismo sa bansa. at higit na mahalaga, papanagutin din ang mga pulis na palpak ang intelelensya na maging mga inosente ay pinatay din – lahat sila ay mag pananagutan sa batas. kaakibat nito ang dapat na pagpapatuloy ni duterte ng pagsupil sa kurapsyon. malaon na ang nasimulan dito at higit na makatutulong ito sa paglaban sa droga.

kailan kaya maiiisip ni duterte na ang simpleng pananakot at pagpatay ay di solusyon? sa takbo ng mga pangyayari at panlalait nito sa mga kumukwestyon sa kanyang mga kwestyonableng mga hakbang, tila hindi niya ito batid. oo nga naman, sangkatutak naman ang kanyang mga dutertards o ang kanyang mga pikitmatang tagasunod na palagian ang palakpak at paswit maski mali at saliwa na sa batas ang pinagsasasabi at inaasal ng kanilang idolo. sige lang sila sa susog at gatong. pero sa isang banda, para ring sige-sige lang si duterte at wala itong pakialam sa mga opinyong ng ibang mamamayan. dahil ba alam din ni digong na di siya tatagal sa puwesto kaya kailangan na niyang maghasik ng kanyang kamandag habang siya ay nandiyan pa? hmmmm…


anu't anuman, hindi puwede ang pamatay na isang bagsak lamang. hindi maaari ang pang-action star na mga hirit o pagpapahiya lamang. malalim ang suliranin. hindi puwedeng puro papogi. hindi puwedeng basta lang padanakin ang dugo. hindi puwedeng 'pag may kritiko ay ipapahiya ito at 'pag marami na ang nababahala ay sasabihing "joke lang" ang mga pahayag. hindi maaaring bara-bara ang hakbang. pag-isipan mo namang mabuti, digong. pakiusap lang.

Saturday, August 20, 2016

Bellarocca

Once in this island.
Bellarocca, Marinduque.
Sometime ago. 


Monas

National Monument.
Jakarta, Indonesia.
July 2016.


Bali

Bali Villa.
Balesin Island, Polilio.
April 2016.




Sambawan

Volcanic beauty.
Sambawan, Maripipi.
Biliran Island.
January 2016.


difficult

di talaga lilipas ang isang buong kwarter kapag walang isyu ang isang ito. di yata ito mabubuhay kapag di siya nakapaghasik ng lagim sa himpapawid. di ito makahihinga kapag di siya humukay ng sing-itim niyang mga isyu.

sa totoo lang, nakaaawa ang isang ito. kapag nabanggit ang kanyang pangalan, may kung anu-anong mga reaksyon. lahat ay negatibo. may natatawa dahil sa kanyang mga antik at pagpapalapad ng papel. may mga umiismid dahil sa kagaspangan ng kanyang balat at pag-uugali. may nagkikibit-balikat at tila walang pakialam pero halatang walang gana sa kanya. may napipilitang magbigay ng opinyon pero nauuwi rin ito sa katatawanang dahil sa kanyang mga kapintasan, lalo na sa pisikal. may mga di masyadong nagkokomento pero hanggang sa mga tao sa ibang lupain ay umaabot ang mga maaanghang na balita tungkol sa kanya. lahat nga ay negatibo.


wala rin kasi siyang itinanim na maganda. lalo na sa kabataan. magreklamo… ito kasi ang lagi niyang ginagawa. mamuna nang mamuna at pansinin ang lahat. ipilit ang sarili sa mga bagay-bagay dahil iniisip niyang kanya ito. at gumawa ng mga bagay na di talaga magpapabango sa kanya sa ibang tao. ni wala na nga halos ang may nais makipag-usap sa kanya. para na rin siyang aninong dumating at umalis nang ganun-ganun lang.

nagbago na kasi ang panahon. lumipas na ang mga sandaling may sawsaw sa mga bagay-bagay. nakailang palit na rin ng mga tao at sa bawat salin nito ay nadaragdagan ng mga bagong karakter na di uubra ang nakagawiang pag-uumasim.

ang kailangan nitong gawin ay magsimula ulit. makidaupang-palad nang walang halong ere.
          'wag isabuhay ang tawag sa iyo dahil ito ay may kaakibat na negatibong konotasyon.
          'wag mag-umasim. dapat ay tamang timpla lamang.
          'wag laging nakaangil at humanap ng mali sa iba. dapat ay may tamang lagihay sa pananalita.
          'wag magreklamo nang magreklamo. dapat ay maging isa sa pag-iisip ng mga solusyon.
          'wag gumawa ng isyu. dapat ay maging mabuting kasambahay at matutong lumugar.

malay natin at mabawi ang bantayog ng nakaraan. kailangang muling magpabango ng pangalan sa pagiging mabait. 'yung tunay na kabaitan ha… di 'yung bait-baitan lamang. lalo ka lang mapupulaan kapag bait-baitan ang epek.

Wednesday, August 17, 2016

hindi bayani

hindi bayani si ferdinand marcos. tuldok at walang pasubali. at dahil hindi siya bayani, hindi dapat ilagak ang bangkay nito sa pambansang libingan ng mga bayani.

saan ka nakakita ng isang mandarambong at diktador na ituturing na bayani at bibigyan pa ng gliterating dapat lamang sa mararangal na anak ng bayan? saang bansa ka makakakita ng isang diktador na nagpayaman sa sarili at nagkamal ng kaban-kabang yaman ng bayan at ihahanay sa mga bayaning nagbuwis ng buhay sa pangalawang digmaang pandaigdig? saan ka nakakita ng isang pangulong pinabrika ang sariling kasaysayan upang manalo sa panguluhan, nanatili sa puwesto sa pamamagitan ng pagsikil sa karapatang pantao ng isang buong bansa at malalagak kasama ng mga alagad ng sining na kanyang kinitlan ng kabuhayan sa ilalim ng kanyang rehimen?

sa pilipinas lamang. ito ang masaklap na sagot. sa bayang sinilangan ng mga dakilang tao at ngayon ay pinamumunuan ng isang action star na nagbabayad ng utang na loob sa mga nagbigay ng salapi sa kanyang kandidatura… ito ang malungkot na katotohanan. siyempre ang lahat ng ito, sampu ng biglaang pagpapawalang-sala kay gloria arroyo, ay bahagi ng pailalim na unawaan sa pagitan ni rodrigo duterte at ng pamilyang marcos. kapalit ng perang panggastos sa kanyang pag-iikot sa bansa noong kampanya, ipinangako na nga ni duterte ang langit at lupa sa mga marcos, pati na kay arroyo. ito ang pagbabagong kanyang ipinangako sa mga pikit matang nagsipagboto sa kanya. kaya nga kwidaw ang mga tao sa likod ng kanyang kampanya na madikit sa mga marcos at kay arroyo. nito na lamang lumilitaw ang katotohanang hindi naiiba si duterte sa mga trapo ng bayan – kailangan niyang magbayad ng utang na loob sa kanyang mga kaibigan at isasantabi niya ang sentimyento ng bayan upang mapagbigyan ang mga napangakuan. siyempre, malalim din ang ugnayan ng pamilya ni duterte sa mga marcos dahil ang mga ito ay matagal nang sumuporta kay marcos sa kabuuan ng diktadurya at nakinabang din naman sa rehimeng marcos.

ikinukubli ni duterte ang kanyang pagbabayad ng utang na loob sa mga marcos sa pamamagitan ng pangangalandakan ng pagiging sundalo ni marcos, na kesyo ito raw ay lumaban sa mga hapon. ngunit ang pagiging sundalo ni marcos ay hindi totoo. ito ay kumpletong pabrikasyon. walang katotohanan ang mga datos na tumutukoy sa pagiging sundalo ng matandang marcos.

sabi pa ng mga kaalyado (lalo na ng matalinong si manny pacquiao) ni duterte, dapat na raw mag-move on. dapat na raw ibaon sa limot ang nakaraan… kung wala raw pagpapatawad, di raw makatatawid sa bukas ang mga pinoy. ang pagpapatawad ay ibinibigay sa mga taong nagsusumamo't humihingi nito. paano naman patatawarin ang mga marcos kung maski yata balatan ng buhay ang mga ito ay patuloy pa rin nilang pasisinungalingang sila ay nagkamal ng salapi ng bayan. patuloy nilang kakapalan ang apog at ipagsisigawang wala silang kasalanan sa bayan. hindi dapat patawarin ang isang taong di naman humingi ng anumang kapatawaran. kung nais nilang mag-move on ang pilipinas, itulak nilang ilibing na ni imelda ang yumaong asawa sa ilocos. o di kaya ay sumama na sa hukay sina imelda, imee at bongbong.

di man lamang inisip ni digong ang libu-libong taong naglahong parang bula noong panahon ng diktadurya. o ang mga taong ikinulong nang walang kasalanan at pinahirapan ng mga galamay ni marcos. wala pa rito ang pinatay at walang awang inagawan ng karapatang mabuhay at itaguyod ang sariling pamilya. winaldas ni marcos ang kaban ng bayan, pinaghati-hati ang mga ito sa mga kakuntsaba at tuluyang inilugmok ang pilipinas sa kahirapan. higit sa lahat, ang pinakamalaking kasalanan ni marcos sa sambayanan ay ang pagpapalawak ng kurapsyon at katiwalian sa pamamahala. sa ilalim ng kanyang rehimen, naging talamak, tuwiran at kabilaan ang suhulan at pandarambong. dahil kay marcos, palasak na ang paglalagay at dahil nga lahat naman ay nangungurakot, ito ay naging aktibidades ng marami sa gobyerno. ang katiwalian sa pamamahala ay isang krimeng tila walang biktima dahil kay marcos.

ang pagtutol sa paglilibing kay marcos sa libingan ng mga bayani ay hindi isang maliit na bagay at dapat ipagwalang-bahala tulad ng sinasabi ng ilang "marurunong" na senador. hindi ito basta lamang isang libingan. isa itong institusyong itinatangi upang ibantayog ang kontribusyon ng mga magigiting at masining. ang paglilibing kay marcos dito ay isang lalo pang pagyurak sa mga biktima ng diktadurya. sa kahit anumang porma pa tingnan, ang kamay ni marcos ay puno ng dugo ng mga pinagpapatay at pinahirapan sa ilalim ng kanyang makasariling rehimen. dito pa lang, di na dapat pang pagtalunan kung nararapat siyang ilibing dito o hindi.

sana'y mag-isip-isip si duterte. hindi dahil hawak na ang kapangyarihan ay mag-aala donald trump at basta na lamang magpapasya nang walang anumang pagtalima sa boses ng bayan. hindi maaaring iinsultuhin mo ang isang grupo sa pamamagitan ng pabalang na pananalita at manghihingi na lamang ng paumanhin kapag nahimasmasan. 

hindi bayani si marcos. wala itong anumang dangal na dapat maghatis sa kanya sa libingan ng mga bayani. hindi bayani si ferdinand marcos.

Diplomat mist

Diplomat mist.
Diplomat Hotel, Baguio City.
Benguet, Philippines.
July 2016.


Mykonos

Mykonos in the Philippines.
Mykonos Villa, Balesin.
Polilio, Quezon Province.
April 2016.


Nagtipunan

Valley of the dolls.
Nagtipunan, Quirino Province.
June 2016.



Wright Park

It's the Wright kind of love.
Wright Park, Baguio City.
July 2016.


Monday, August 8, 2016