Saturday, August 20, 2016

difficult

di talaga lilipas ang isang buong kwarter kapag walang isyu ang isang ito. di yata ito mabubuhay kapag di siya nakapaghasik ng lagim sa himpapawid. di ito makahihinga kapag di siya humukay ng sing-itim niyang mga isyu.

sa totoo lang, nakaaawa ang isang ito. kapag nabanggit ang kanyang pangalan, may kung anu-anong mga reaksyon. lahat ay negatibo. may natatawa dahil sa kanyang mga antik at pagpapalapad ng papel. may mga umiismid dahil sa kagaspangan ng kanyang balat at pag-uugali. may nagkikibit-balikat at tila walang pakialam pero halatang walang gana sa kanya. may napipilitang magbigay ng opinyon pero nauuwi rin ito sa katatawanang dahil sa kanyang mga kapintasan, lalo na sa pisikal. may mga di masyadong nagkokomento pero hanggang sa mga tao sa ibang lupain ay umaabot ang mga maaanghang na balita tungkol sa kanya. lahat nga ay negatibo.


wala rin kasi siyang itinanim na maganda. lalo na sa kabataan. magreklamo… ito kasi ang lagi niyang ginagawa. mamuna nang mamuna at pansinin ang lahat. ipilit ang sarili sa mga bagay-bagay dahil iniisip niyang kanya ito. at gumawa ng mga bagay na di talaga magpapabango sa kanya sa ibang tao. ni wala na nga halos ang may nais makipag-usap sa kanya. para na rin siyang aninong dumating at umalis nang ganun-ganun lang.

nagbago na kasi ang panahon. lumipas na ang mga sandaling may sawsaw sa mga bagay-bagay. nakailang palit na rin ng mga tao at sa bawat salin nito ay nadaragdagan ng mga bagong karakter na di uubra ang nakagawiang pag-uumasim.

ang kailangan nitong gawin ay magsimula ulit. makidaupang-palad nang walang halong ere.
          'wag isabuhay ang tawag sa iyo dahil ito ay may kaakibat na negatibong konotasyon.
          'wag mag-umasim. dapat ay tamang timpla lamang.
          'wag laging nakaangil at humanap ng mali sa iba. dapat ay may tamang lagihay sa pananalita.
          'wag magreklamo nang magreklamo. dapat ay maging isa sa pag-iisip ng mga solusyon.
          'wag gumawa ng isyu. dapat ay maging mabuting kasambahay at matutong lumugar.

malay natin at mabawi ang bantayog ng nakaraan. kailangang muling magpabango ng pangalan sa pagiging mabait. 'yung tunay na kabaitan ha… di 'yung bait-baitan lamang. lalo ka lang mapupulaan kapag bait-baitan ang epek.

No comments:

Post a Comment