Monday, February 9, 2015

jupiter ascending


bitin daw kasi ang birdman. tumalon lang basta si riggan mula sa bintana ng ospital at tumingin sa baba si sam. tumingala ito at ngumiti. tapos na. kaya ayun, biglang napabalikwas at kara-karakang bumili ng tiket para manood ng jupiter ascending. dapat ay sa 4d pa kami nina ces at james pero dahil nanghinayang sa 450 pesos, sa regular na lang. buti na lang talaga kundi sayang talaga ang pera… pamasahe ko na ‘yun para sa dalawang araw.

ok naman sana ang intergalaktikong tema ng jupiter ascending. isang makulay na talakay ng hinaharap ng uniberso kung saan isang makapangyarihang pamilya ang nagmamay-ari sa mga planeta kasama na ang mundo. may lahok itong pang-aapi ng mga makapangyariha’t mayaman at may bahid ng kapitalismo dahil sa “pag-aani” ng mga taong “raw material” para sa produktong nagpapabata sa mga nilalang ng ibang mga planeta. may drama ng pamilya dahil naglilinis na lang ng mga bahay-bahay ang pamilya ni jupiter at “she hates her life” dahil dito. magaling ang mga biswal nito. malawakang pagsabog, nakatutulirong mga action sequences at pati ang paglalarawan ng epikong daigdig ng mga abrasax na tila hinaluan ng mala-star wars o tolkien na lapit. ok din ang scifi na ideya ng mga sundalong may hinugpungan ng DNA ng mga hayop at maging ang “reincarnation” ng mga gene ng isang tao.
  
lahat ito’y punto ng isang pelikulang malaki ang potensyal. pero hindi. malalaking pagsabog, mga karakter na tumitigidig sa elaboreyt na mga kostyum at magagandang biswal… ‘yun lang ang naiwan sa pelikula. sayang ang potensyal nito. terible ang mga linya at pagkakasulat nito at lalo na ang direksyon. ginawa nitong katawa-tawa ang mga dekalibreng mga aktor tulad ni eddie redmayne. di naman kailangang ganoon siya magsalita at parang isang malnourished na tinedyer nang sawatain siya ni jupiter. mas ok siguro kung hindi si mila kunis ang jupiter jones. oo nga’t may kemistri sila ni channing pero natabunan ito ng dami ng kabaduyan sa pagitan nila. bigla na lang din nawala ang magkapatid na kalique at titus sa eksena at nasayang din ang mas maganda sanang tunggalian sa pagitan ng magkakapatid. maaari pa itong palabukin ala tolkien. sa rangya ng mundo ng mga abrasax, napakadali palang wasakin ng kanilang portipikasyon! sabi nila’y ilandaang taon na silang nabubuhay at pinangangalagaan ang kanilang negosyo pero isang pagsabog ng isang nagpapakabayaning caine lang pala ang wawasak dito.

dapat yata ay mas pinagtuunan na lang ng mga wachowski ang pag-iibigan ng mga magulang ni jupiter jones at ginawa itong sentro ng kuwento kaysa background lamang. bukod kasi rito at sa magandang biswal, wala nang magandang punto ang pelikula. lalasingin ka lamang nito sa biswal pero bibigyan ka ng matinding sakit ng ulo dahil sa tunggak na salaysay. di naman ito “umascend”… bumagsak nga agad. bagsak.  

No comments: