nakaalpas
na nga si hetty kitty. at tuluyan na ring nagpaalam ang tingting. pero ilan na
nga ba ang kumaripas ng takbo o tuluyang inutas ng mandragrora? halina at
tayo'y maglista't magbilang!
sa
simula, napatalsik ng mandragora ang isang puti-puting mula sa ilalim banda
roon. akala kasi nito ay uubra ang kanyang tuwid na ingles sa ingles ng "isang
kakaistrok lamang" ni mandragora. ang di niya alam, binibigyan ng
dambumday ang mandragora ng isteding suplay ng maitim na tinta kaya lalo itong
lumalakas.
sinong
makalilimot sa labanang kim chiu at mandragora?! epiko ito, biblikal sa lawak
at laki ng tunggalian. sa isang banda, naroon si kim chiu… maputing malakrema,
may mahabang sayd bangs na patulis, tahimik ngunit may angkin ding
kapangyarihan lalo na nga't galing kay uncle sam ang ingles nito at matagal na
sa kaharian. ito pa nga ang nagsilbing freddie roach sa dating bagitong si
mandragora. itinuro ni kim chiu ang lahat ng kanyang alam sa pagmahika sa
tambilangan at infernes, naging malapit din naman sila. nag-iba ang ihip ng
hangin nang pumusisyon ang mandragora upang maging pinuno ng lipi at ito ang
simula ng kanilang bitsihan (bitch to bitch!). walang patumangga si mandragora
sa pagpukol ng maiitim na bato kay kim chiu habang lumalaban naman si kim chiu
ng wasiwas ng kanyang bangs para salagin ang lasong galing sa lamanlupa. sa
huli, ang pinagsamang lakas ng mandragora at dambumbay ang tuluyang nagpasadsad
sa lipad ng bangs ni kim chiu.
at
kumawala nga rin ang tagapagsalaysay. matanda para sa drama at lason. pero
kaiba siguro sa lahat, nakipag-usap pa kuno ang mandragora sa mandaragat upang
di nga ito umalis. pero sadyang wala na itong panahon upang makipagpataasan ng
ihi kaya umalpas din ito.
di
rin kinaya ng pangparangpang ang mga kalmot ng mandragora. nagpakampi agad ito
sa mandaragat. palitan ng mga makamandag na orasyon ang magkabilang panig
hanggang dumating na nga sa pakikipagtuos ng mandaragat sa dambumbay. ang
kinahinatnan? pinutol na ang anumang manipis na ugnayang namamagitan sa kanila.
nag-byers ang i panget death squad sa eyisi.
siyempre
umalpas din ang dopey mula sa galamay ng mandragora. wala naman silang awayan
pero kung anu-anong kasamaan din ang pinagsasasabi ng mandragora tungkol sa
kanya kaya umiba ito ng landas.
isa
sa mga todo-todong nilason ng mandragora ay ang batabyana. abot-langit ang
pahirap na dinanas nito sa mga kamay ng mandragora at umabot na nga sa pag-iwas
ng batabyanang dumalaw sa peninsulang kaharian ng dementora. sa huli, nautas
din ito kahit na nga hindi ang mandragora ang direktang nagdulot nito.
may
isa pang akala ng tagapagsalaysay ay tatagal… mayroon kasi itong antidotong
yari sa mga dahun-dahong kapag dinawdaw sa mainit na tubig ay tila pumapawi ng
lason. awa ng diyos, ilang buwan lang din ang binilang at tuluyan na rin itong
nagpaalam. matindi talaga ang kamandag ng mandragora, buti na lang di nito
itinuloy ang pagtalon mula sa tuktok ng bilding kung hindi kausap na rin siya
ng mandragora tuwing gabi.
sinundan
ito ng isang uyuyuy. puno ng enerhiya at mukhang magugustuhan ng mandragora
dahil mahilig ito sa mga singkit na medyo malaki ang katawan. ngunit wala pang
tatlong pagpapalit ng mukha ng buwan, nabalitaan na lang ng marami na tumawid
na ito ng kaharian. matalino't maparaan, mabuti ito para sa kanya.
isa
pang gumawa ng matinding ingay ay ang bitsihang mandragora at gruvi-gruvingatchi! magkaidaran halos ang dalawa, parehong may sapat na karanasan kaya
maganda ang laban sa simula, magsinglakas kasi. ang kaibahan siyempre ay nasa
trono ang mandragora at si atchi ay may mahaba at tuwid na tuwid na buhok
lamang. daming nadamay sa usaping ito. mula sa pinakamataas na umaawaw, ang
palaging walang alam na si iskulbus, ang dambumbay, ang pinakamataas na piyon,
at ang mandaragat. ayaw pumayag ng mandragora sa gusto ni atchi, labanan sila
ng suka, dura at plema. sinubukang pumagitna ng sangkatandaan at sinabing
magpalambat na lamang si atchi sa mandaragat. pero malinaw ang sabwatan sa
taas… di nila kayang bitiwan ang mandragora kaya ayun, tumalsik si atchi tulad
nina puti-puti at kim chiu. lagapak sa lupa ang mga balikat nina hetty kitty at
krung dahil wala nang panangga sa kamandag ng mandragora.
sumunod
na nga si hetty kitty. aalis na sana ito at handa nang magpatiwakal. buti na
lamang ay nakasulubong niya sa kakahuyan ang reyna ng pasay sa tondo. nailigtas
siya sa agarang kamatayan at nito lamang nakalipas na linggo ay tuluyan nang
nagkaroon ng bagong buhay dahil muli siyang ipinanganak.
ang
pinakahuli ay ang muling paglisan ng tingting. umalis na nga ito dati at
bumalik dahil nalansi ng mandragora. kamakailan lamang ay bumuo ito ng kanyang
pamilya kaya siguro naisip niyang di na makakalusugan ang pananatili sa mundong
puno ng pait at siphayo, ang mundo ng mandragora. mabuti ang pag-alis habang
maaga pa… mahirap na dahil baka maging kamukha na niya ang kapangitan!
napakarami
at lahat ay halos magkakatulad ang pinagdaanan. wala pa riyan ang sangkaterbang
mga pangalan ng mga naunang kunin ng kumunoy… ang nasa taas ay sa nakalipas na
2 taon pa lang. ang inaabangan ngayon ay mauutas din kaya ang carinderia girl o
tatagal itong gaya ng dakilang piyong mataas? mukhang di naman nakikipag-usap
si carinderia girl sa piyong mataas tungkol sa sikreto ng huli kung paano nito
natatagalan ang kamandag ng kanyang ninang. malamang kung anu-anong matatamis
na pangako ang binitiwan ng mandragora pero dalangin ng maraming sana'y
makatagpo ng bagong kaharian ang piyong mataas.
mukha
namang nag-eenjoy pa si krung at sapat pa ang anghang na panangga sa pait ng
mandragora. pero tila bibigay na rin ang kapwa nitong si tomyum. sana nama'y
'wag siyang matulak muli sa mundo ng mga tableta. nariyan pa rin naman ang
nagbebenta ng dibidi at bilib ang tagapagsalaysay sa tibay ng sikmura nito
kahit gayon na lamang ang pagdura nito sa kanyang pagkatao. may pangangailangan
kasi at maaaring lumalakas ito dahil sa samu't saring dahon. o baka naman sanay
na kasi siya sa baktirya kaya natatagalan niya ang mandragora.
di
magtatagal at tiyak na may bago na namang sisibat at masisibat ng nag-iisang
demona. kailan kaya darating ang katniss everdeen ng kuwentong ito? abangan!
No comments:
Post a Comment