Friday, January 24, 2014

supervillain

may ilang buwan ding nanahimik ang demona. nahimbing yata sa piling ng mga sumasamba sa araw. natutulog din pala ito?! o puwede rin namang nag-ipon lang ng lakas. o di kaya ay tumuklas ng bagong kapangyarihan. maaari ring muling nagkarga ng pampalakas para lalong maging potento ang kanyang kamandag.

kung anuman ang ginawa ng lamanlupa nitong nakaraang buwan ay subok ang bisa. dalawang piyon na naman ang tuluyan nang humandusay at naulaol. dalawang linggo lang halos ang itinagal ng dalawang ito pero di kinaya ang mabigat na atake ng mandragora. gaya ng mga naunang nagsialpas, tiyak na nilukuban ang mga ito ng di maipaliwanag na dilim. nanakit ang kanilang mga kalamnan. nanginig ang kanilang mga tuhod hanggang sa di na makatayo. matatapos ito sa paninikip ng dibdib at pagbigat ng batok. sa puntong ito, karamihan ng mga napailalim sa demona ay may isang kahihinatnan lang – madaliang alpas. kung di nila gagawin ito, tuluyan silang mawawalan ng malay at pagkagising nila ay swisaydal na sila! kahit na nga may sangkalupaan at kipot na naghihiwalay sa dalawang piyon at sa mandragora, nahagupit pa rin sila ng galamay ng lamanlupa!

iilan lang naman ang nakahanap ng antidoto sa kamandag ng mandragora di ba? sa kasawiang-palad, di lahat ay mayroon nito. lalo na nga kung bago ang piyon. pero nito lang nakaraang linggo, malakas ang ugong na isang establisadong piyon ang nakatakdang magpaalam na rin bago pa man ito tuluyang magpatiwakal. nasa gitnang lebel na ang babaing ito kaya nakagugulat na malaman na suko na rin pala ito. sa katotohanan, umalpas na ito dati. ang rason ay ang kamandag ng mandragora. bumalik ito matapos malinlang ng demona na nagbalatkayo bilang isang refrigerator. napabalik naman ang ga-tingting na piyon at napapayag nga nito na gawin siyang panggitnang lebel. lumipas ang mga buwan, tila maayos naman ang tunguhan nilang dalawa. hanggang nito ngang dulo ng nagdaang taon. tumaas yata masyado ang lebel ng demonisasyon ng demona, mukhang nawawalan ng puwersa ang tingting. ang balita ay di ito makalunok at laging nabibilaukan dahil pinuntirya ng demona ang lalamunan ng tingting. bukod sa lalo itong namamayat, nagmumukha itong hukluban dahil sa sa pagsipsip ng demona sa kanyang tuwa’t galak. ang siste, nagsimulang gumalugad ang tingting ng ibang lupain. dumating na nga ito sa pangalawang raun ng panayaman.

pero tulad ng sa isang malebolenteng supervillain, nasagap ng demona ang balitang ito. di ko alam kung may palantir din ito o dala ng mga ispiritung lagi niyang kausap, nalaman at dagli-dagling umaksyon ang demona. kaagad nitong ginamit ang makamandag niyang mga salita upang wasakin ang buong pagkatao ng tingting! walang awa nitong pinangalandakan sa ibang pangkat na walang anumang dunong ang tingting. kesyo puro pera lang ang habol nito at di mapagtitiwalaan sa anumang bagay lalo na sa pagiging lider sa pag-iisip. siyempre pa, gumana na naman ang isa pang katutubong kakayahan ng demona – ang pang-iislander at paninirang-puri. dahil dito, di na nga kinunsidera ang tingting sa bagong posisyon doon sa kabilang pangkat. tagumpay muli ang demona! nagbigay na ng palugit ang tingting pero totoo sa pagiging lamanlupa, sinagot lamang nito ang tingting na, “bakit di ka pa lumayas ngayon?”

sabi nga ng mga taga-quezon, “ay kainaman” ang panget na ito! nakukuha niya ang anumang gustuhin dahil nga hawak niya sa leeg ang dambumbay. bagamat maykapangyarihan din ang dambumbay, hinahayaan lang nitong mangwasak ng buhay ang lamanlupa kapalit ng pag-aakyat nito ng kaperahan sa kaban ng bayan. siyempre magrereklamo pa ba naman ang dambumbay kung puro ++$ ang inihahatid ng demona? pinsalang kolateral na lamang ang mga gaya ng dalawang piyon at tingting sa mas malawak na layong panatilihin ang kita. sa paningin ng dambumbay, hangga’t positibo ang akyat ng salapi, wala siyang pakialam kung ilang piyon pa ang magpatiwakal bunga ng kasamaan ng demona.

ang tanong, ano nga kaya ang nagpapalakas sa mandragora? kung si popeye ay kumukuha ng lakas mula sa spinach, ang mandragora kaya? medyo mahirap tukuyin kung anong pagkain ito. pero ang malinaw ay lalo itong lumalakas kapag may napayuyuko. lumalakas ito mula sa paghigop ng kasiyahan ng ibang nilalang. nakupo! mukhang ito na nga. namana nga ng mandragora ang kakayahan ng mga dementor na higupin ang anumang tuwa at galak ng ibang tao. sipsipin ito at kapag nahigop na niya ang lahat ng ito, pinapanumbalik nito ang lakas at sigla ng demona. maaari rin namang pinatutuka ng dambumbay ang mandragora ng maysalamangkang butil na lalong nagpapaigting sa dahas ng demona.

sa bagong yugtong ito, ano pa nga kaya ang burak na ibubuga ng demona sa mga darating na panahon? ating abangan.

No comments: