Thursday, January 23, 2014

rec

hilakbot na “first-person” at “shaky cam”ang pambenta ng rec. at ito ay talaga namang tagumpay sa kanyang layuning brutal na manggulat at hilahin ang manonood sa katatakutang lalo lang tumitindi habang papatapos ang pelikula.
 
kukuha lang sana ng ilang clips para sa isang segment ng when you’re asleep, isang reality serye sa telebisyon, ang tambalan ni angela (manuela velasco) at kanyang cameraman na si pablo. sinundan nila ang mga bumbero na reresponde sa isang bilding kung saan may isang matandang babae na na-lock sa kanyang yunit. normal naman ang lahat pagdating nila, nandoon na ang mga pulis at nag-ipun-ipon na ang ibang nangungupahan sa lobi. pero introduksyon lang pala ito sa terror na bumulaga sa mga pulis at sa midya. may kung anong impeksyon ang dumapo sa matandang babae, naging bayolente ito at inatake ang mga pulis at bumbero. sa kuwento ng isang health officer, ginagawang bloodthirsty ng kung anong mabalasik na virus ang mga taong naimpeksyon nito. ang aso ni jennifer, isa sa mga nakatira sa bilding, ay dinala sa beterinaryo dahil sa sakit ngunit pinagkakagat nito ang ibang mga hayop at ito nga ay natunton pabalik sa bilding na ito.

sunod-sunod ang mga nakagat at naimpeksyon hanggang ikwrantin na ang buong gusali. napadpad naman sina manuela at pablo sa penthouse kung saan nila natuklasan na ang lugar pala na ‘yun ay pag-aari ng isang ahente ng vatican na inutusang magsaliksik at mag-isolate sa birulenteng virus. ang virus na ito ay pinaghinalaang bayolohikal na epekto ng pagsapi ng isang demonikong elemento sa isang tao. ito ay napatunayan namang umiiral sa katauhan ni tristana medeiros na ginahasa ng isang grupo ng mga pari. di nagtagumpay ang ahenteng masawata ang virus at ini-lock nito si tristana sa yunit upang mamatay mula sa kagutuman. sa puntong ito, nadaanan ng camera ang dayupay nang si tristana at may hawak itong martilyo. inatake niya si pablo at isinunod si manuela. habang nangyayari ang lahat ng ito, di tumigil ang pagrolyo ng camera.

di mapapakali sa takot ang manonood ng rec. mula sa eksena ng matandang babae hanggang sa hilahin ni tristana sa dilim si manuela, all-out kumbaga ang katatakutan. di naman maiiwan ng matagal ang hilakbot nito sa iyo pero ibang klase ang dadanasing kasindakan sa walang patumangga at in-your-face na takot.  ang isa pang maganda sa rec ay di ito masyadong mahaba. tamang-tama lamang ang mahusay na pagbusiksik nito at may angkop na daloy at bilis. kakaibang sinematikong ekspiryensya na puno ng tensyon at nakapapagod sa mabuting paraan.  

No comments: