nagbagong-bihis ang istasyong tv5 nitong marso lamang. ang himpilang base sa novaliches ay nabili raw ni tony boy cojuangco, kung kaya't nabigyan ito ng panibagong buhay. kasama sa mga bagong programa ay ang face to face ni amy perez. binansagang kauna-unahang talakserye sa telebisyon, lumalabas sa face to face ang dalawang paksyon na may iringan o alitang nagmumula sa pinakawalang kuwentang bagay tulad ng away sa sugal at pagpapa-rebond hanggang sa dibdibang balitaktakan dahil sa agawan ng karelasyon. dalawang beses itong ipinapalabas, una sa umaga at ang pangalawa ay pagkatapos ng kanilang panggabing balita.
nitong mga nakaraang linggo, kasagsagan ng mga traker, madalas ay pasado alas-9 na ang dating ko. kapag nakababagot ang tema sa mga himpilang gaya ng nat geo, discovery o history, o di kaya ay walang palabas na may kinalaman sa tennis, badminton o kaya ay volleyball at nakaiinip ang mga teleserye ng abs-cbn (di ko natatagalan ang mga teleserye ng gma), nauubusan ako ng pagpipilian at nauuwi ito sa pagtitiyaga sa bagong handog ng tv5 - face to face. kakatwa ang mga tema ng awayan: may nagbangayan sa telebisyon dahil sa paw sa tong-its; meron din namang naghiraman ng kalang de-kuryente pero nang isauli ito ay sira na; may nagreklamo dahil sa magdamagang pagbi-videoke ng mga lasenggerang kapitbahay; may nag-away dahil sa kinumpetensiya ng kapitbahay sa pagsa-sari sari store; may maghipag na nagsampalan dahil sa pagsasanlang pinatungan pa ng 50 pesos; may nagreklamo dahil sa pag-aalaga ng baboy at ang umaalingasaw na amoy mula sa mga kulungan ng mga ito; reklamo tungkol sa reyna ng tsismis sa iskinita, at samu't saring pangkaraniwang sanhi ng awayan sa pagitan ng magkakapitbahay, magkakamag-anak o magsising-irog. nakatatawa ang bawat sabong. todo bigay ang bawat paksyon sa pakikipag-butangan sa kaaway. umaatikabo ang murahan at paistaran kahit na tunog lamang ng blip ang maririnig, at nag-uumapaw ang mga mapanlait na mga komento at ang sagutan ay laging umiinog sa kung sino ang sinungaling o higit na nakaiinsulto. madalas ay humahantong sa pisikal na girian o ambahan ng hampasan ng upuan. bagamat may mga taga-awat, malimit pa rin na nagkakatamaan ang mga bisita dahil maliit lamang ang set na kanilang ginagalawan. mala-barangay hall ang bawat eksena dahil nagsisimula ang bawat palabas sa nagrereklamo, kakausapin sandali ni amy at di kalauna'y paghaharap-harapin na ang magkatunggaling pangkat. pagkatapos nito, may mga tagapanood ding binansagang sawsaweros at sawsaweras, na maaaring magpahayag ng pag-sang-ayon sa anumang partido sa pamamagitan ng pagtaas ng puti o pulang plakard. may maliliit ding mga panayam sa mga tagapanood, ngunit sadyang hinaluan ng mga tao sa likod ng palabas ng kaunting bahid ng pagiging akademiko sa pamamagitan ng kanilang trio tagapayo - isang pari, isang sikologo at isang abugado.
lumaki ako sa isang tipikal na barangay, kaya't alam kong nangyayari ang mga ganitong eksena sa pang-araw-araw na buhay ng mga nakatira sa mega-pook urbang gaya ng metro manila. maaaring kakatwa sa mga taong lumaki sa mas marangyang mga lugar pero sa maraming beses, nakita ko na ang ganitong mga pangitain. naging punong barangay pa ang tatay ko, kaya naman sanay na ako sa mga nagbabangayang magkakapitbahay. sa face to face, nakapagtataka kung paano napapapayag ng pamunuan ng palabas ang mga bisita nilang makipag-away sa harap ng kamera, na mapapanood ng milyong pinoy. nagbibigay kaya sila ng komestibles para maengganyo ang mga tao? may karampatang salapi kaya ang buong tapang nilang pagpapakita ng galit at hinanakit sa telebisyon? higit pa rito, dumudulog kaya ang mga kawani sa mga lokal na barangay upang makasagap ng bagong mga reklamo at maipalabas ito? o ang mga taong ito ay bayarang mga aktor na sumusunod sa malaon nang naisulat na iskrip?
bilib ako sa kontrol ng sikmura ni amy perez na pigilin ang tawa sa gitna ng mga kakatwang hirit na gaya ng inggitan sa mas mahal na halaga ng pagpapa-rebond o sangkatutak na murahan at hampasan. bagamat mahihinuha mong paimbabaw ang bawat diskusyon at sadyang hinaluan ng sinematikong lapit upang mas kaiga-igaya, bawat sumbong ay sadyang hinihimay at nilalagyan ng mga palabok na tulad ng mga natapos nang alitan upang makain ng bawat tema ang isang buong oras, lalo na nga't maikli o halos walang komersiyal ang palabas na ito. may mga tagapayo ring tulad ng abugado na minsan ay matatawa ka na lang sa hungkag na pagtaya sa reklamo tulad ng estafa sa halagang 300 pesos! may mga awayang nauuwi sa paghingi ng tawad, mayroon din namang dahil sa patigasan ay walang kinahinatnan.
likas na nga sa mga pinoy na makitsismis sa mga awayan ng kanilang mga kapitbahay. sa paglitaw ng face to face, isang makabagong salida ng tsismisan ang mararanasan ng mga gaya kong manonood. bagamat di ko kilala ang mga taong nagsisipag-bangayan, sa mga karakter na ito ay may mga maaalala kang tao sa mga tipikal na barangay sa pilipinas. mabilis ang pagsikat nito dahil sa kakatwang tema at makatotohanang pakikipagtalakan at maemosyong berbal na basag-ulo. ang bentahe nito ay ang pinaghalong mala-akademikong (kuno) diskusyon at pangkaraniwan at mga paksang halos walang saysay, at mga sanga-sangang palabok sa pangunahing tema. madaling makakuha ng mga taong sa maliit na halaga ay papayag na makipag-away sa harap ng kamera, ngunit kung hindi mapananatili ang domestikong lapit o pamilyaridad sa mga eksena sa totoong buhay, maaaring maging mabilis din ang pangunguluntoy ng dahon ng interes sa palabas na ito.
No comments:
Post a Comment