Friday, April 8, 2011

piko

piko hasler daw ako... dahil kami ni ate my ang nanalo sa piko. pero di naman talaga hasler, ako lang siguro (at si alice) ang may pinakasariwang memorya sa paglalaro ng piko, habang ang iba'y di naman gaanong nakapaglaro nito noong bata sila. sheltered daw kasi ang karamihan sa mga tao sa opis, hehehe! mga alituntunin ng laro, ayon kay father leo:



1. magkakaron ng 5 team na tigdadalawa - isang mader at isang beybi.

2. sabay ang duweto sa pagtira at paggawa ng bahay. ang pinakamabilis na makagawa ng bahay ang siyang mananalo sa laro.

3. sakaling ma-dead ang beybi, maaari siyang isalba ng mader. kapag na-dead din ang mader, hihinto sila dito at iiwan ang pato kung saan sila huling namatay.

4. para malaman kung sino ang mauunang tumira, palapitan ng pato sa guhit ng over.

piko ang isa sa mga pinakapopular na laro namin ng mga kababata ko noon sa novaliches. tsok at pamato na balat ng saging o bulok na yero lamang ang kailangan, larga na ang laro. madaling mabura ang guhit na gamit ang regular na tsok mula sa eskwelahan, kaya pumupunta pa kami sa tambakan ng mga rejek at sirang lababo o inodoro malapit sa katayan ng baboy upang manguha ng tsok. dahil may maiging mga saydwok at gater sa jazmin street, may sapat na espasyo upang iguhit ang mga linya ng piko. maiging laruin ang piko, di kailangan ng maraming tao. bukod sa mader - beybi, palagiang indibidwal ang laro nito. di rin nagdudulot ng ingay gaya ng sa buntot pagi, patintero o putbol.

maraming bersyon ang piko. may pikong number, may step no, may pikong bahay ('yung may arko sa pinakadulong kahon), may pikong walang over... ngunit ang pinakamadalas naming nilalaro dati ay ang pikong puso. di gaya sa ibang piko, sa pikong puso di tatapak ang tumitira sa kahon na may pato, maging pato niya ito o pato ng kalaban. dahil dito, darating ang pagkakataong mapupuno ang bawat kahon at dagling magkakaroon ng tsansa ang sinumang malayo tumalon na makaungos at madaling magkabahay. kapag wala nang kayang talunin ang malalayong kahon, kailangang maglagay ng tainga, kung saan maaaring tumapak ang sinuman upang makatawid at magbalikbayan. sa pikong puso, madalas na "dead lahat-lahat". ibig sabihin nito, dead ang sinumang kalahok na tumungkod sa pag-abot ng pato, nagpalit-paa, nag-atras kabayo, tumapak sa mga guhit at bahay ng iba at nagkamali sa paghagis ng pato sa tamang kahon at marami pang iba.

sa piko, masusubok ang kahutukan ng mga kalahok sa pag-abot ng pato mula sa malayong mga kahon. masusukat din ang kakayahang tumantiya ng hagis ng pato, lalo na ang matutong kumontrol sa bawat pag-igpaw upang di mawalan ng balanse. higit sa lahat, itinuturo ng piko ang pagkakaroon ng tiyaga, sipag at abilidad upang makamit ang isang layunin - ang magkabahay. pagsusumikapan mo talagang matapos agad ang lahat ng kahon upang makapagbalikbayan na at magkabahay... dahil higit na mahirap para sa mga kalahok na maka-abante kapag wala kang bahay.

2 comments:

Joy Mendiola said...

ang saya namang basahin ng blag mo...kay sarap balikan ng nakaraan, nung di pa uso ang mga kompyuter geyms...sana magkaroon ka na ng panahon na ayusin ang blag ko, katulad ng itsura ng blag mo, yung may malililiit na larawan, gusto ko yan...

dyoobshvili said...

salamat, 'te joy! (",)