Monday, July 29, 2013

demona

wala pang isang taon pero tatlo na nga ang napayukod ng maitim na kapangyarihan ng nag-iisang mandragora. matindi talaga ang lasong dala ng mga ugat nito. pupulbusin maging ang pinagtibay ng panahon na kalamnan. lilikidahin nito ang anumang pinagyabong na bilib sa sarili. at lalo’t higit nitong sisimuting gaya ng sa isang dementora ang anumang ligayang nadarama ng sinumang nakapaligid sa kanya.


una na ang tagapagsalaysay. wasiwas ng nakalalasong galamay ang umubos sa maliligayang araw nito. dahil sa balighong kapangyarihan ng demonang si mandragora, nanumbalik ang nakapaparalisang sakit ng ulo. kaakibat nito ang matinding bigat ng batok na tila ba sinementuhan gamit ng dinikdik na bunga ng mandragora. bagamat nanindigan ang tagapagsalaysay na umiba na ng tadhana bago pa man tuluyang maubos ang nalalabing bait, siyempre pa ay malaon nang naitakda ang pananalo ng bungang-ugat sa labanang ito. itinaas man ng tagapagsalaysay ang bandilang puti, nanatili naman itong buhay sa gitna ng di gaanong patag na araruhan.

pangalawa ay ang wala sa oras na pagyukod ng kim chiu. inakala ng tagapagsalaysay na may pag-asa ang kim chiu laban sa demona. ngunit hindi. inabot lamang ng halos anim ba buwan pagkaraang lumayas ang bata sa sixth sense bago tuluyang mapasuko ng bungang-ugat si kim. may kung anong mga paraan ang ginamit ni kim gaya ng kanyang mas matatas na pananalita at higit na matagal na karanasan sa pangangapa. di kinaya ng kutis labanos na si kim ang pinagsamang sandaang porsyento ng kapangayarihan ng mandragora at ng mangungulambo. kahit pa nga tila may lakas din ang wasiwas ng tuwid na tuwid na buhok nito, walang sinabi si kim sa salamangka ng mandrake. tunay ngang hawak na sa leeg ng mandragora ang mangungulambo na parang sinukuban na nito ang dambumbay. dagli-dagling binigyan ng dambumbay si kim ng ultimatum na kundi ito papasakop sa kapangyarihan ng mandragora ay kailangan na niyang tumalon sa bangin. wala nang natitirang opsyon para sa kanya, pinili ni kim na umalpas na lang kaysa nga naman tuluyan siyang lunukin ng mandrake. magsinglebel kasi ang dalawa pero mas pinaboran ng dambumbay ang mandragora kaya ang pagpapasakop ni kim sa mandrake ay nangangahulugan ng pagtigil ng kanyang sariling buhay. hayun, nabubuhay na sa kanyang isla ang kim chiu.

pangatlo ay isang kasama mula sa peninsularo na tumawid ng kipot. wala namang tuwirang labanan sa pagitan nito at ng mandragora. isa nga ito sa mga masugid na tagasunod ni demona. pero may kung anong masamang ihip ng hangin ang dulot ng mandragora. hindi ito maipagkakaila maski na nga nahihiwalay pa sila ng isang kipot. sapat na ang anggi ng lason upang magpasya ang peninsularo na umalpas na rin. wala na rin naman kasing dahilan upang magpatuloy sa pakikibaka kung wala rin namang sinasabing maganda ang mandragora sa iyo, lalo na nga’t iisa na ang likaw ng bituka ng mandragora at dambumbay.

may isang nagpahiwatig na rin ng pagsuko – ang cantonera. ngunit ito ay lumaklak ng antidotang tsaa na tila epektibo sa kasalukuyan laban sa kamandag ni mandragora. ang tanong ay kung hanggang kailan mamamaskarahan nito ang nag-uumigting na pakiramdam na isuka na ng tuluyan ang lason ni mandrake. may mga sinasabi rin ang isa pang mangungulambo na inilikas ng mandragora sa dumi ng subkontinente. ngunit ang tiyan nito kasi ay may tatlong kapulungan kaya’t matindi ang pamatay-bisa ng mga asidong pangtiyan na mukhang tumutunaw sa kamandag. para ngang di ito tinatablan ng mga kulam at kamandag ng mandragora dahil na rin siguro sa katotohanang damo’t dahon lang ang kinakain nito. may imbak na halamang gamot ‘ika nga. panghuli, may isa pang galing sa kapuluan – ang kapuluera. ito ang talagang apektado sa kamandag na dulot ng dila’t panulat ng mandragora. karaming kabalasikan ang isinanambulat ng mandragora tungkol sa kapuluera. sa kasalukuyan, di pa gumuguho ang muog nito. nasasalag pa ang mga birada ng mandragora at kung malusutan man ay may pangontra pa ring dala ng mga takong ng kanyang sapatos. pero mukhang buwan na lang din ang bibilangin at magkakaroon na rin ng pagtutuos. ang tanong na lamang ay kung sino ang susuko? mukhang ito ang bagong battle royale – mandragora laban kay kapuluera.

sino kaya ang susunod na madadaig ng kamandag ng demona? sino ang aalpas? may maglalakas kaya ng loob na pukawin mula sa sinalamangkang himbing ang dambumbay upang malaman nito ang maitim na salamangka ang demona? may kokonjur kaya sa demona? abangan ang susunod na kabanata.

ikaw, tatagal ka ba?

No comments: