sabi ni freedictionary, ang commotion ay, "an agitated disturbance". komosyon ay may kinalaman sa di kailangang ingay at nakabubulahaw na mga pagkilos o anumang dagliang aktibidades. mukhang napapadalas ang mga komosyon sa kabilang ibayo at ito ay hindi indikasyon ng malusog na pakikitrabaho sa pagitan ng mga taong bumubuo ng kanilang pangkat. maaaring dulot ng simpleng di pagkakasundo sa walang kapararakang bagay o di kaya dahil sa malalimang salungatan ng mga personalidad at iba pang mga isyu. sa magkaparehong bagay, dapat itong tingnan nang maigi habang maaga upang magawaan ng paraan bago pa man mauwi sa pagkabalam ng mga trabaho o tuluyang pagkabigo ng eksperimentong ito. mabigat sa pakiramdam ang maging saksi sa mga komosyong tulad ng naganap kaninang umaga. ang mas nakalulungkot, maaari namang hindi ito naganap kung may harmoniya sa pagitan ng mga nag-uumpugang paksyon.
sa isang tanggapan o anumang organisasyon, di maiiwasan ang anumang pagtatalo o mainitang deliberasyon. ngunit dapat pa ring mamayani ang pagka-propesyunal. hindi dapat itapon palabas ng bintana ang anumang buti ng pag-aasal na itinuro noong unang pumasok sa paaralan. kaakibat nito ang paggalang sa bawat miyembro ng iyong pangkat, pagpapakumbaba, pagkakaroon ng mahabang pang-unawa at higit sa lahat, hindi pabalang na pananalita at matalinong pagpili ng mga salita. alam ng lahat na anumang buti ng balakin ninuman, kapag ito ay sinabi sa balahurang paraan, naglalaho ang anumang sustansya nito at nauuwi lamang sa walang wawang baliktaktakan.
sana ay masumpungan nila ang harmoniya, masaya at maiging pagsasamahan sa lalong madaling panahon.
No comments:
Post a Comment