may nagbabalik. hindi ito welcome pero nandito na naman ang bigat ng batok at sikip ng dibdib. tulad ng parehong buwan noong 2012, may kung anong bigat ang pakiramdam. tinatanong mo siguro kung bakit? wala nang iba pang rason. nagnanaknak na naman kasi ang bakokang ng lamanlupa. sa nakaraang dalawang linggo, walang puknat ang paghahasik nito ng lagim. di ba aalis na nga 'yung isang piyon, imbis na patapusin niya ang trabaho, inako ng pangit ang lahat. at dahil dito, sa mga maiiwan ikakaskas ang lahat ng negatibo at salangsang na pag-uugali.
walang habas ang pambabastos ng demonyong ito sa karaming palitan ng eletronikong sulat. ang kabutihan lang sa ehersisyong ito ng nakaraang linggo ay unti-unting napansin ng isang mandaragat ang tunay na ugali ng demona. sa mga taga-timog silangan lang kasi niya ginagawa ang magpadala ng mga walang galang at impertinenteng mga pahatid. alam kasi niyang hindi siya sisinuhin ng mga taga-ostralya at maraming beses na rin siyang inereklamo ng mga tao sa lupain ni psy. ayon sa mandaragat, matindi ang kagaspangan ng ugali ng demona at ito ay isang sorpresang di kaaya-aya. di niya siguro kasi binili ang tawag ditong malaking halimaw ng batabyana. pero ngayong siya mismo ang nakabasa sa walang pasubali nitong pambubuldoser sa mga kapanalig, siya na mismo ang tumawag dito bilang isang bully.
mukhang may aabangan tayong bagong yugto sa laro ng ipis peste demonyo at salot. ang tanong, hudyat na ba ito ng pagbabago o isa lang itong yugto na malilimutan din? alalahanin nating nagsasalita rito ang kuwarta. at siyempre, kapag usaping may kinalaman sa kaperahan, maaaring may magparaya. kung gayon, walang magbabago. pero kung dudulog ang mandaragat sa dambumbay sa isang pulong ng mga magsisinglebel, maaaring may mabago. di lang ang mga tulad ng batabyana ang makikinabang dito kundi maging ang mga mismong piyon ng mandragora ay makararamdam din ng ginhawa.
isang linggong bigat pa. bagamat inihahanda na ang sarili sa matinding istres sa 4 na araw ng huling linggo ng agosto, umaasa pa ring sana'y mabawasan ang siphayo.'wag sanang ganoon katindi. pakiusap lang.
No comments:
Post a Comment