Sunday, August 18, 2013

the host

dala na rin siguro na wala naman masyadong pagpipilian, kaya ko pinili ang the host. baka kako magandang sci-fi movie, lalo na’t bida si saoirse ronan. pero hindi. walang umaatikabong aksyon o palaisipang iiwan ang the host. isa lamang itong istupidong romansa ng mga tinedyer sa gitna ng nagbabadyang pagsakop ng mga alien. ok din naman ang romance, pero sana katulad man lang ng sa gattaca.
 
maganda sana ang paksa. ‘ika nga, may promise ang premise nito. imadyinin mo na pangalawang klase na lamang ang sangkatauhan sa mundo pagkatapos manaig ng mga body snatchers. tinawag na mga “souls” ang mga nilalang na ito mula sa ibang daigdig na sumapi sa mga katawan ng tao at tuluyang lumukob sa mga ito. kinokontrol nila ang isip, emosyon at buong personalidad ng maykatawan. pero may mga taong nanatiling buhay kahit may soul na nagmamay-ari sa kanyang katawan tulad ng nangyari kay melanie (saoirse ronan), ang host ni wanderer. naririnig ni wanderer ang tinig ni melanie sa kanyang isipan.
  
sobrang mabagal ang pelikula. parang isa lamang itong parada ng mga eksenang hindi umigting at ni hindi nagkaroon ng anumang rurok. happy ending din ang kinauwian. napakaraming seeker pero ‘yun pala “di naman sila ganoon kasama”. katawa-tawa ang maraming eksena lalo na ang tangkang halikan sa pagitan ni wanda at jared. mahuhusay sana ang mga gumanap tulad nina william hurt, diane kruger, frances fisher at ronan. pero lahat sila ay naging biktima ng kawalan ng inspirasyon ng pagsasadula sa istoryang base sa libro ni stephanie mayer. pinilit naman ng epektibong aktres na si ronan (mahusay sa atonement) na higitan ang limitasyon ng kanyang karakter pero sadyang wala nang mahuhugot na anumang tunggalian dito.

tropang keso lang siguro ang mag-eenjoy sa pelikulang ito.

No comments: