dumaan ako sa mcs kagabi upang maghanap ng dvd ng atonement... hehehe! tinatangkilik ko rin ang hanapbuhay ng maliliit nating mga kababayang nais lamang ay magkaroon ng pagkakakitaan. ang anumang diskusyon ukol sa piniratang mga produkto ay sa ibang panahon magaganap!
maganda... mahusay ang pelikulang ito... malinaw ang nais tunguhin... presko ang mga tuluyan... angkop ang inilapat na tunog. bagamat may mga eksenang nakababagot tulad ng paulit-ulit na linya ni cee na "come back to me...", ang pabaliktad na pagsiwalat ng mga sumunod na pangyayari ay mainam na pampukaw-atensyon. karaniwang nakatutulugan ko ang panonood kapag lagpas alas-12 na ako nagsimula, ngunit sadyang magaling ang pagsasapelikula ng obrang ito. higit sa lahat, mahusay ang mga nagsiganap. kapuri-puri maging ang mga karakter na maliliit, lalo na ang mga pangunahing aktor at aktres. karapat-dapat lamang na manomina si saoirse ronan sa oscar sapagkat mahusay niyang nailarawan ang karakter ng isang batang biniyayaan ng maigting (malikot!) na imahinasyon ngunit nakagawa ng malaking pagkakamaling ikinasira ng isang pausbong pa lamang na relasyon. dahil dito, matagumpay na naisiwalat ang mga sumunod pang mga pangyayari. magaling din si james mcavoy, makaka-ugnay ka sa hapis na dinanas niya bunga ng isang tunggak na hatol ng langit, ngunit hinarap ang anumang pagsubok ng buong tatag bagamat sa huli'y iginupo ng sakit na dulot ng pakikidigma. sa last king of the scotland pa lang, hanga na ako sa galing niya.
paano mo haharapin ang isang pagkakamaling nagdulot ng ibayong sakit sa damdamin at sumira ng ugnayan ng magkapatid, magkaibigan at magkaibigan? di ko yatang maaatim na tumandang tulad ni briony ng di man lang gumagawa ng konkretong hakbang upang ituwid ang anumang pagkakamali... mahirap kabakahin ang sariling budhi. bagamat pumanaw na ang mga tuwirang naapektuhan, kahit paano ay mapapanatag ang damdaming ng mga naiwan, lalo na ang ina ni robbie, sa sandaling bawiin ang maling paratang at mapawalang-sala ang anak na nagdanas ng lubusan dahil sa maling akala. sa gayong paraan lamang magiging ganap ang pagbabayad-puri o anumang uri ng pagtitika o pagsisisi.
3 comments:
after a few blog hopping, i found your blog. hope you don't mind my use of english. welcome to the blogging world :D sulat ka ng tungkol sa panliligaw minsan :D
ang tanong lang jan ay...
why now brown cow?
waahahaha! at bakit naman tungkol sa panliligaw, tita c?!
Post a Comment