Thursday, November 1, 2012

kontrabida

madalas kaysa hindi, ang mga kontrabida sa mga teleserye ay sopistikada, magaganda manamit, medyo sosyal, maykaya, maganda ang hilatsa ng mukha at balingkinitan ang katawan. maaaring may kakulangan ng kaunti sa intelekt pero nakokoberan naman ito ng walang kapantay na bilib sa sarili, pagiging tuso’t maparaan at pagkakamal ng tila di nauubos na pera.


pero bakit hindi ganito ang bilyano sa kasalukuyang himpapawid? nanonood naman ako ng piling mga teleserye tulad ng walang hanggan ni coco martin pero parang kulang yata ang inteyk ko nito. hahaha! malayo kasi sa tipikal na buhong ang nagpapahirap sa bida sa maliit ngunit tunay na teleserye. una, hindi ito maganda. sabi nga ni vida, mala-kokey ito. wala rin itong balingkinitang pangangatawan, tila isa itong maliit na pridyider… kuwadrado diretso! lalong di ito sopistikado o medyo sosyal. ngunit sa kabilang banda, sakto naman ito sa pagkakaroon ng mahusay na pag-iisip at abot langit na kumpiyansa sa sarili at talagang tuso’t maparaan.

baka kasi napulumpunan lang ako ng pagiging reysist ni mylene kaya di ko matanggap na pangit nga ang kalaban ng bida sa teleseryeng ito?! kasi naman, walang karapatan ang isang pangit na maging buhong. di ito pasok sa pormula ng isang “modernong” teleserye at tiyak na di aaprubahan ni ma’am charo. saan ka nakakita ng isang walang anumang hitsura at mang-aapi pa ng isang tisay na bida? maaaring simple lang ang hitsura ng bida tulad ni judy ann santos pero ang kontrabida niya ay di puwedeng mala-lolit solis. pagtatawanan at sisiklab ang galit ng mga dayhard pans ng mga teleserye at mga dayday.

kaya dapat humanap ng isang tampalasan na may sinasabi talaga. ‘yung ‘pag tiningnan mo ay may karapatang umiswager ng todo. karapatang magkomento ng mga linyang pangmaputi at gumamit ng mga ismayli sa imeyl. indibidwal na kapag nagmaktol ay maganda pa rin at naiintindihan ang mga sinasabi. hindi ‘yung ang boses at pagsasalita ay parang kagagaling lang sa istrok. tapos gagamit pa ng mga linyang pakiramdam yata ay nabahiran siya ng kagandahan ni kristine hermosa.

por diyos por santo, patawarin po ako. pero kapag pangit ang isang tao, dapat ay maging mabait at madaling pakitunguhan. ang mabuting pag-uugali na lamang kasi ang nalalabing pantubos sa kapangitan. saan pa lulugar kung pangit na nga ang hitsura, pangit pa ang ugali? sabi nga ulit ng apo, “hindi bagay magmasungit ang pangit!”

2 comments:

Joy Mendiola said...

bagay pala akong kontrabida para sa mga katangiang maputi at maganda, hahahaha!

dyoobshvili said...

hahaha! maganda't sosyal dapat ang kontrabida pero yung kontrabida sa opis ay hindi!