Friday, November 30, 2012

baboy



ayon kay george bernard shaw, ang pakikipagtalo o pakikipagkumpetensya sa isang amo ay parang pakikipag-wrestling sa isang baboy. habang kinakapitan ng putik ang lahat ng bahagi ng iyong katawan at nanggigitata sa dumi, aliw na aliw ang baboy sa pagbubunong ito. ito rin ang linyang-dunong na hatid ng aming tagasuri ng merkado ng suplays.

eksakto ang linyang ito ni shaw upang ilarawan ang pagka-amo ng lamanlupa. walang humpay ang pagdududa, panghahamon at pagtutol nito sa mga lahat ng mga bagay. kagaya ng isang baboy sa putikan, ramdam ang pagkalugod nito sa pakikipagbuno sa lahat ng mga kapangkat. di ako magtataka kung isa-isang magsialisan ang mga taong ito sa nalalapit na mga araw.

sinabi ko na ngang di na ako ang dapat pang maghatid ng presentasyon sa disyembre. una, di na ako ang makikita nila sa susunod na raun kung kaya’t wala nang malaking rason kung bakit kailangan ko pang gawin ito. pangalawa, niliwanag ko rin na ang prosesong ito ang isa sa nagpabigat ng aking pakiramdam at nagpatanda sa akin ng dalawang dekada noong setyembre. pangatlo, ni hindi ko nga naramdaman na may magandang idinulot sa akin ang pagpe-present sa kliyente dahil puro pabalat-bunga lang naman ang mga pahatid na nakarating sa akin. kinlaro ko rin na sa sandaling magpasya akong umalis sa pangkat na ito, ang hahalili sa posisyong ito na dapat ang gumawa nito.

pero hindi. sang-ayon sa klasikong lamanlupa, ipinipilit pa rin nito na gawin ko ito sa disyembre. kesyo di pa raw handa ang napili niyang gumawa nito sa marso at magkaiba raw ang aming istilo sa pagpe-present kung kaya’t kailangang gawin ko pa ito sa huling pagkakataon. may mga pambobola pang komportable raw sa akin ang mga bumili ng datos kaya dapat pang muling danasin ang matinding istres.
  
ang lahat ng ito’y bunga ng panggigipit at pamimilit dahil nakapagpasya na ang lamanlupa. oo nga pala. di pa nalalayo ang mga galamay ng mandragora. may kamandag pang maaaring lumason sa mga araw ng disyembre dahil sa kanya.

makikipagmatigasan ba ako? o bibigyang-daan ko pang muli ang ibayong istres? 

dalangin ko lang na sana’y may magandang balita ang pagdating ng marinero sa pangalawang linggo.

No comments: