Tuesday, July 14, 2015

matalino dapat

"o eh di ikaw na!" "ikaw na ang maraming alam!"


ilan lamang ang mga ito sa palagiang maririnig sa mga pinoy sa tuwing may magpapamalas ng katalinuhan o magbibigay ng opinyon sa mga bagay-bagay. tila ba kasalanan ang maging magaling at matalino o maski ang katumpakan sa mga bibitiwang pangungusap, opinyon man ito o impormasyong galing sa paktwal na batayan. mortal ngang pagkakamali ang pagiging magaling… kung kaya't may konsepto tayo ng "magmagaling" o "maggaling-galingan". nakahihiya na yatang maging matalino o intelektwal sa panahon ngayon.

pero bakit nga ba ganoon ang mga pinoy sa ngayon? para sa akin, bunga ito ng bagong katatawanang dulot ng pagsikat ng mga gaya ni vice ganda at marami pang mga komedyante. sa kanyang pambabarang pagpapatawa, nagkapangalan si vice ganda sa pamamagitan ng paghirit ng "o eh di ikaw na" sa lahat ng pagkakataong maaari niya itong isingit. sinundan pa niya ito ng hirit na gaya ng "o eh di wow", bilang pagpapahayag ng negatibong damdamin (kahit na patawa) sa anumang magaling na sinabi o ginawa ng iba. repleksyon ito ng tinatawag na smart-shaming o ang pagpapahiya sa mga matatalino. siyempre pa, higit na malalim na usapin dito ang tila pagtataas ng kilay ng mga pilipino sa pagiging intelektwal o anumang gawaing nagpapakita ng katalinuhan o pagiging paham sa anumang disiplina.

sabi ng artikulong ito, mauugat ito sa konseptong taal sa mga pinoy, ang kapwa. ugali ng mga pinoy na makibagay o makipagkapwa sa nakararami. dahil sa kolonyalismo, natimo sa isipan ng maraming salinlahi na iwaksi ang anumang impluwensya ng mga mananakop, kasama na ang pagiging intelektwal dahil naging katumbas nito ang pagiging elitista o nakatataas sa lipunan. siyempre mas marami ang mahirap sa lipunan at kapag pumasok ang pakikipagkapwa ng mga pinoy, mag-iiba ang tingin sa sinumang matalino o edukada. kaya ayun, bahagi na ng bagong kulturang pinoy ang pahiyain o gawing katatawanan ang pagiging intelektwal.

maaaring sabihin ng iba na "eh ano naman ngayon". bakit kailangang problemahin ang umiiral na pagtingin sa katalinuhan… katatawanan lang naman ito at di dapat seryosohin ang mga tulad ni vice ganda. pero hindi. ang maling pagtingin sa pagiging intelektwal ay nauuwi sa pagwawalang-bahala ng mga kabataan ngayon na magsunog ng kilay at buong giting na isulong ang punyaging maging matagumpay sa anumang akademikong disiplinang maaari nilang piliin. dahil sa hiyang idudulot na pagiging matalino, tila hindi na "cool" ang umani ng medalya o magkamit ng pinakamataas na gwa sa kasaysayan ng UP. itinutulak nitong maging kampante ang mga estudyante at piliing maging "isa" na lamang sa karaniwan pero kasama ng mga nakararami. kasi nga, mas mahalaga sa mga pinoy ang kapwa at maging bahagi ng higit na malaking pulumpon ng mga tao. kahit na nga ang kapalit nito'y kalimutan ang pagsusumikap na maging magaling o makamit ang pinakamataas na kahusayan o kasanayan. isa rin itong malaking salik kung bakit bibilang pa ng taon bago manalo ng gintong medalya ang pilipinas sa olimpiyada.

sabi nga ni madrazo-sta. romana, pantastiko ang konstrakt ng kapwa. ito ang humuhugpong sa bawat isang pilipino bilang isang lahi. ngunit dapat itong kasangkapanin upang pagyamanin at payabungin ang bawat isa… hindi upang magpalaganap ng tunggak na pagtingin sa isang bagay na positibo tulad ng intelektwalismo at pagsusulong ng pagiging magaling at katalinuhan. dapat na ipagdiwang ang ekselensya at ang akademikong pagsasanay kasabay ng iba't ibang uri ng katalinuhan sa palakasan at arte. ito ang isa sa mga unang dapat na pag-ibayuhin upang maging matagumpay ang pilipinas bilang isang bansa.

No comments: