Wednesday, August 5, 2015

birthday

kaarawan ko nga kahapon… masaya ang atmospera, sangkatutak na mga pagbati sa facebook, instagram, skype, outlook at sa messenger. pati na rin sa text at tawag sa viber at whatsapp. bertdey kainan sa kanteen, mabilis na hapunan sa bonchon at dumating ang mga kaibigang gaya ni my at emma para sa inuman sa rue bourbon. pantastiko! masaya ang kalbo. punung-puno ng pasasalamat sa pagbati ng mga tao sa aydisi, ng aking mga kaibigan at siyempre ng aking pamilya. ang saya-saya!

ngunit ang kaarawan ko ay di naman talaga tungkol sa akin. ang kaarawan ninuman ay di nga raw dapat na ipagdiwang dahil ito ay anibersaryo ng iyong pagsulpot sa mundong ibabaw. sabi ni kuya allan, ang kaarawan natin ay petsa ng ating pagsilang. ngunit ang dapat bigyang pagdakila ay walang iba kung hindi ang ating mga ina. silang mga kababaihang walang takot na sumuong sa mapanganib na proseso ng pagdadalang-tao sa loob ng siyam na buwan upang maghanda sa takdang araw ng pagluluwal sa isang sanggol (o higit pa para sa iba). at sa araw mismo ng pagsilang, ang kanilang mga sariling buhay ang nakataya.

 
kaya sa araw ng aking kapanganakan… walang hanggang pasasalamat, mama! para sa iyong sakripisyo, walang takot na harapin ang bingit ng kamatayan upang ako ay isilang, ibayong sakit ng katawan, kakaibang pananampalataya at walang kaparis at nag-uumapaw na pagmamahal sa isang supling na gaya ko… salamat, salamat. siyempre di naman natatapos ang kanyang pagiging ina sa pagluwal lamang sa akin kundi sa bawat araw na kami'y nagkasama sa mundo at batid kong maski sa lahat ng araw pagkatapos ng kanyang paglisan ay di siya nawalay sa aking tabi. maraming salamat at mahal na mahal kita. :)

No comments: