Friday, August 14, 2015

tiktik

minsan sa isang kalupaan, may isang tiktik na dumapo. dapo lamang ang ginawa nito dahil di naman kalakihan. ngunit ang di batid ng marami, ang pagdapo pala nito ay may hatid na lagim! lagim na di naman masusukat sa dipa ng pakpak nito. lagim itong umulaol sa ligayang mayroon ang ibang mga indibidwal!

una na ang binibining linang. tila dinapuan ito ng birulenteng baktirya't biroso at pumalya ang natural na panlaban ng katawan sa sipon at ubo. bagsak ang katawan, hagok sa ubo, sangkatutak ang plema. kahit na nga mukhang kinundisyon naman niya ang kanyang sarili sa pagkakasakit, di siya handa sa matinding sakit ng katawang dulot ng tiktik. pangalawa ay ang grupo ng mga taga-cavite na sa araw-araw ay hatid-hatid ng toyota. isa-isa silang tinipon ng tiktik at isa-isa rin silang nawalan ng gana sa buhay… para bang tulad ng dementora ay naubos nito ang tuwang nananalaytay sa kanilang mga ugat. may isa pang grupo ang naulaulan ng tuwa at ang isa pa nga ay humanap ng ligaya sa tulong ng alak!

matindi ang ipong lakas ng tiktik. sa likod ng pinaarte nitong pananalita ay may nakatagong dilang matulis… dilang sa anupamang panahon o sandali ay handang humaba upang sipsipin ang tuwa sa kanyang mga nasasakupan. dahil kakapiranggot lamang, di rin maririnig ang pagdapo nito sa mga sanga. bagay na lalo pang nakapagpalakas sa kanyang kapangyarihang mangwasak ng araw ng maraming tao. delikado ang mga buntis sa tiktik na ito at dapat iwasan sa anupamang sitwasyon.
 
panalangin ngayon ng mga nalagiman… huwag na sanang pumarito pa ang ihip ng hanging nagdala sa tiktik. payo ko naman… maghanda ng maraming bawang, ipunin ang mga lumang palaspas at magtabi ng walis tingting. sa gayon, maski paano'y may pangharang at pangontra sa lakas ng tiktik.   

No comments: