nasabi
ko na ba sa iyong nalambat na rin ang dakilang mandaragat? oo, nalambat na ito,
inihagis sa pampang, pinalu-palo at nang wala na itong anupamang lakas ay
inilata't sininsil ang ibabaw at walang awang initsa sa malayong ibayo.
di
ba sabi ko rito ay di magtatagal at may magiging biktima na naman ang
mandragora? ito na nga 'yun. di naman tuwiran ang wasiwas ng lamanlupa sa
mandaragat at di lamang ang mandragora ang may kamay dito. ngunit may malalim
silang iringan ng kapangyarihan sa kahong iyon sa biesi. ni hindi sila
nagsisipag-usukan kasama lamang isa't isa. may kung mutwong disgusto ang bawat
isa at ni wala yatang magandang sinabi ang lamanlupa tungkol sa mandaragat. at
siyempre landmark ang kanilang labanan ukol sa benomo ng lamanlupa kung saan
isinaksak ng mandaragat sa baga ng lamanlupa ang salaping galing sa i panget
death skwad. siyempre kinampihan ng dambumbay ang lamanlupa ngunit alam ng
lahat na nag-iipon lamang ng kamandag at lipi ng maiiitim na kakampon ang
lamanlupa upang tuluyang mapatalsik ang mandaragat. at sa malas ng mandaragat,
natagpuan ito ng lamanlupa.
op
kors, nariyan na ang dambumbay. malaki pa rin ang salaping nakasandig sa maitim
na balikat ng lamanlupa kaya todo pakain pa rin ang dambumbay ng panggawa ng
kamandag. kahit na nga patuloy ang pag-alpas ng mga tao sa pangkat nito, sige
pa rin ang suporta. dama rin ng karamihan na di naman din gusto ng dambumbay
ang istayl ng mandaragat. kumuha pa ito ng isang di naman gaanong mahusay, isang
fulpol, upang kanilang maging grima wormtongue. ibinenta ng isang tindera ang
fulpol na ito sa isang kliyente ngunit di naman napahanga ng fulpol ang
kliyente kahit na nga nagpaka-diva ito. wala naman yatang malalim na
kabuwisitan ito sa mandaragat pero di malayong nagbibitiw din ito ng hampas ng
tanga ngunit makamandag ding dila. ang kataka-taka pa rito, biglang laki ang
papel nito sa eyisi. hay naku, gudlak.
narekrut
ng trio ng kaitiman ang dalawa pang bagong karakter sa ululang ito. ang una ay
isang maysakit kunong sriv… ang kanyang patalastas ay sinira umano ng
mandaragat ang kanyang mabangong karera. wala raw itong kakuwenta-kuwentang
lider at ni walang gulugod. ang sriv ay isang matayog na kalipi ng dambumbay at
mukhang kaapu-apuhan ng kontrabida ng da king. sinuportahan pa ito ng isa pa,
ang tapayang eps, na isang pinaghalong kapog mula sa peninsulang sumalpok sa
singkaasyahan at ng kitid na iyon. ayon sa epal at pa-cool na ito, wala raw
alam ang mandaragat kundi umoo sa pinakamakapangyarihang mambabarang, ang
pinuno ng mga nazgul na may alingawngaw at ni walang anumang kapangyarihang
lumaban sa buspulpol, ang rasputin ng mambabarang.
at
ayon sa tapayang eps, ang lahat ng ito ay naitaga sa bato rito sa maynila. sa
kalagitnaan ng inumang ang bizniz ang magbabayad, napagdesisyunan ng
mambabarang na alisan ng dingas ang kandila ng mandaragat. base raw ito sa
pinagsama-samang kamandag ng mga nazgul, sampu ng lamanlupa, fulpol at sriv.
isama mo pa ang butiking pasay. siyempre, di isinama ng tapayang eps ang
kanyang sarili pero alam naman ng lahat na malason din ang bawat salitang
lumalabas sa mala-ahas na bunganga nito. isa siya sa dahilan kung bakit
sinawata ng pakuba nang mambabarang ang dakilang mandaragat. una, wagas ang
pagrereklamo nito ukol sa mandaragat. pangalawa, may matindi siyang ambisyong
kunin ang trono nito at pamunuan ang kabuuang eyisi. at huli, may angking
talino ito sa panggagayuma sa mambabarang. di gaya ng sa lamanlupa na direkta,
gamit nito ang benomong tago ang kaitiman. nakukubli ang kanyang lason sa
pagreresaykel ng mga tinuran ng iba at paghuli-hulihin ito upang maging kanya
at sa huli ay naghahatid lamang siya ng balita.
at
siyempre, nakipag-usap ang mambabarang sa lahat ng mga karakter na ito sa pamamagitan
ng kanyang itim na bolang kristal. mula rito, mabilis ang pagkilos ng mga uruk
hai at sa isang dagli, nagpaalam na nga ang mandaragat. malungkot ang paglisan
nito lalo na nga't nahatak naman ang mga lamandagat at naibenta ang mga ito sa
merkado sa huling sandali. pero dahil nalukuban na nga ang mambabarang ng
pinagsama-samang lason ng maraming kanazgulan, wala nang magagawa. nag-byers na
ang mandaragat.
marami pa ang mangyayari. marami pa ang magiging biktima ng pinalakas at pinatinding konseho ng mga nazgul. kailangan ng marami na maging handa sa anupamang posibilidad... madawag ang landas, naglipana ang kademonyohan, mapanganib ang daraanan. maging mapagmatyag, matutong huwag maglagay ng lahat ng kaitlogan sa iisang pugad. higit sa lahat, huwag mag-atubiling pumailanlang at maghanap o gumawa ng sariling kaharian.
No comments:
Post a Comment