Tuesday, December 22, 2015

burak

may paghahati ng sangkalupaan. may biyak sa talampas. may awang sa pagitan ng mga bundok.

may pag-apaw ng ilog sa kanyang sabang. may nag-aalimpuyong bagyo. may di taal na kalma bago ang pagdating nito.

may dilim na muling nagbabadya. may lasong kumakalat sa himpapawid. may panibagong lagim sa dakong ito.

nagbabago na nga ang ihip ng hangin. pagbabagong tumataklob sa anumang liwanag. unti-unti ito, di dagli. ngunit tiyak na isa na namang itong nakauut-ot ng tuwa sa puso ninuman. karimlan ay naririto na naman.

nasa kaharian pa rin ngunit nasa kabilang ibayo… malayo na nga sa landas ang demona. nagkaroon ng liwanag sa pagdating ng mandaragat. subalit nasawata ito. sandali lamang ang kanyang paglagi at di siya nagtagumpay sa pagpapaalpas ng mga maiitim na nilalang sa kaharian. at bunga ng kanyang pagyao, nagkaroon ng kapangyarihan ang isang eps na yari sa burak na nabuo sa tulong ng mambabarang. at ito ang bagong nazgul na nagnanais na maging morgoth.

di tulad ng demona na walang wawa ang atake, ang eps ay unti-unti ang pagsawata sa mga tao. marami na rin itong napayukod sa kanyang maliit na kuweba. di nga lang dama ng marami dahil kubli ito sa mata ng karamihan. ngunit tulad ng demona, taglay din nito ang lason… ang kamandag na kikitil sa buhay ninuman. may angkin itong pangil na nakakubli ngunit maaaring kumagat sa di inaasahang panahon. at higit sa lahat… kung ang demona ay mala-dementor sa pagsimsim sa tuwa ng nais nitong kitlan ng buhay, ang eps naman ay kumikitil sa pamamagitan ng unti-unting pagtaklob sa anumang liwanag at maaaring panggalingan nito. kunwari'y mabait at purong kasiyahan ang dala ngunit ang totoo, wala itong pakialam sa masasagasaan o matatabunan ng kanyang burak kung ang kapalit nito'y dagdag na kapangyarihan mula sa huklubang mambabarang.


halos tatlong siglo ang hinintay nito bago tuluyang alisin ang mantong nagkukubli sa kanyang tunay na katauhan. ngunit nang pakawalan ang kanyang tangang kamandag, todo-bigay ito! walang anumang pasubali. lahat ay damay. walang di masasagasaan. walang di matatakluban. tulad ng kapag nawawalan bigla ng kuryente dala ng unos, damang-dama ang kanyang kamandag… dagli at walang kaabug-abog.
  
ito na nga ang bagong kabanata sa laro ng trono sa banda rito. kung walang salbabidang maihahagis tulad ng galing sa mandaragat… panahon na upang magpatiagos at humanap ng ibang tuyong dalampasiga't kapatagan.  

No comments: