di
kalayuan sa matandang lungsod ng timbuktu, mali, naninirahan ang bedouing pastol
na si kidane kasama ang kanyang maybahay, anak na babae at ang kanilang 12
taong gulang na tagapastol. sa mismong kabayanan, naghahari ang mga jihadista
na nagbabawal sa anumang tawanan, musika, paninigarilyo at maging soccer. sa
bawat araw ay maraming di makatarungang hatol ang mala-juntang namumuno at
sinumang mangahas na sumalungat ay tiyak na mauutas. 80 latigo para sa isang
babaing nakipagkantahan sa kanyang sariling bahay at 40 latigo para sa isang
naglalaro ng soccer. maging ang tindera ng isda ay may parusa dahil sa kawalan
ng ng guwantes. sa kanilang paghahari, pilit nilang binubura ang kultura sa
pamamagitan ng pagbaril sa mga iskultura. sa kawalan ng katarungan, ang pamilya
na nga lang yata ni kidane ang nananatili sa bahaging iyon ng mali.
dahil
nasa gilid lamang ng timbuktu, payapa ang pamumuhay ni kidane at ng kanyang
pamilya hanggang mapatay niya ang isang mangingisda dahil sa sigalot tungkol sa
kanyang pastulan para sa mga baka at baklad na gamit naman ng mangingisda. hinuli
si kidane at ipiniit, nahatulang mamatay at nadamay pa ang kanyang maybahay. sa
huli, ang paunang eksenang ukol sa gazelle at kung paanong di ito dapat barilin
agad at hayaang mapagod hanggang mamatay ay tungkol sa pala sa anak ni kidane
na si toya.
sa
pambukas na montahe pa lang ng timbuktu, pundamentalismong base sa relihiyon
ang direktang mensahe nito. saktong kontrast ang natural na ganda ng timbuktu
sa dinaranas na kalupitan ng mga nananahan dito. tagumpay ang pelikula sa
paghahanay ng estetikong yumi at kawalang dangal ng mga naghahari. mula sa
arkitekturang malaon nang bahagi ng dangal ng mali hanggang sa kagandahan ng
kalupaan nito at sa hambing-hambing na kulay ng disyerto at ilog, pawang
hinayang at hinagpis ang madarama ng manonood sa tunggaliang ito. sa paglalahad
ng tila di magkakaugnay na mga montaheng ito at pagsentro sa kinahinatnan ni
kidane at kanyang pamilya, nahaylayt kung paanong ang hibla ng komunidad ay
nalalason ng tunggak na pagtanggap sa radikal na paraan ng pananampalataya. oo
nga't sumentro ang pelikula sa mga biktimang tulad ni kidane at iba pa, balanse
ang atake nito sa paglalahad ng humanidad maging ng mga jihadista. sa likod ng
bulag na pagsunod sa namumuno, na maaaring dala ng ibang salik tulad ng
pagkakaroon ng kapangyarihan o pangkalahatang paraan upang mabuhay at
manatiling buhay, di tuluyang nakukubli ng mga ito ang taal na hilig sa musika
at palakasan – mga bagay na nagpapatotoo sa ating pang-araw-araw na humanidad.
sa sunod-sunod na mga hanay ng karahasan at kawalan ng katarungan ay isang mahusay na tuluyang kuwento ng halaga ng pamilya, kung ano ang maaaring isugal ng bawat isa para sa kapakanan ng mga mahal sa buhay at ang masaklap na epekto ng tuwirang pagwasak sa lipunan sa ngalan ng radikalismo. mabigat ang pakiramdam na iiwan nito sa manonood dahil batid nating ito'y nangyayari sa maraming bahagi ng mundo sa ngayon. maraming biktima ng radikal na interpretasyon ng islam, kahit na nga ang tunay na islam ay tungkol sa pagkakapantay-pantay, humanidad at paggalang sa kapwa't buhay ng bawat isa.
No comments:
Post a Comment