tanggap
ko ang panalo at pag-upo ni rodrigo duterte bilang susunod na pangulo ng
pilipinas. di ko siya binoto pero panahon na nga upang makipagtulungan at
suportahan ang sana'y mabubuting mga gagawin ng bagong presidente.
di
niya nakuha ang aking boto sa maraming rason. una riyan ang kawalan nito ng malinaw na plano sa ekonomiya at
edukasyon. sang-ayon akong kailangang linisin ang lipunan sa pamamagitan ng
kamay na bakal na pagpapatupad ng batas at maayos na pagliligpit sa mga wala na
talagang balak gumawa ng mabuti. ngunit ang panguluhan ay ibang usapan, malayo
ito sa maliit na sakop ng pamumuno sa isang lokal na yunit ng gobyerno. ang
pagiging pangulo ay humihingi ng komprehensibong plano, matamang pagsisiyasat
at di bara-barang gawi. sayang ang mga nasimulan ng administrasyong aquino sa
paglago ng ekonomiya at paglaban sa katiwalian kung di magpaplano ng mahusay
ang susunod na administrasyon. pangalawa, di ko nakitaan ng anumang bahid ng
lamak ang gawi at pinagsasabi ni duterte sa kabuuan ng kampanya. puro biradang
magpapatimbwang sa kalaban ang sinabi nito sa mga debate… ito ang mga pampopulistang
hirit na nagpalapit sa kanya sa masa. hindi biro ang usaping pambansa kaya di
ito dapat gawing biro at idaan sa mga biradang gustong-gusto ng kanyang mga
tagasuporta. tila di naman siya seryoso dahil nga di naman di niya rin
inakalang mananalo siya. at pangatlo, bunga ng inspirasyong pang-action star ni
duterte, dumami ang walang galang lalo na sa social media. dahil nga sa ehemplong
pangkalye at di masyadong naglilimi-limi, lalong dumami ang basher sa social
media. tila binigyang-sindi nito ang pagdanak ng maruming lenggwahe at
pambabastos ng marami maging ang mga maituturing na modereyt. sabi nga ng isang
taxi driver, maraming bata sa loob lamang ng isang taon ay naging pabalang na
kung sumagot. sa social media o anumang huntahan, lalong naglipana ang mga
hirit na wala sa hulog at di naman talaga tumatalakay sa mga isyu. "kung
ayaw mo, eh di barilin mo!; di ka pinipilit, p#*@^* @$^ naman o!" pinalakas
ng kampanya ni duterte ang maling pagtingin ng mga pilipino sa pulitika – di mo
kailangang tumalakay ng isyu, bigyan mo lamang sila ng mga one-liner hirit at
magpokus ka sa showmanship, magtapon ng nakatatawang mga hirit magkaminsan, ok
ka na.
sangkaterba
na ang nagtatanggol sa kanya na di daw dapat iturong akawntabol ang higit 15
milyong bumoto kay duterte sa sandaling dumanak ang dugo sa pilipinas o
pumalpak ang kabuhayan ng bansa o kung anumang kapalpakan ang mangyari. mahaba-haba
ang pagtatalo rito sa facebook pero para sa akin, walang dapat ikabahala ang
mga bumoto kay duterte tungkol dito. buong pahimakas nilang idineklara sa
anumang porma ang pagsuporta kay mayor digong. kung positibo silang may
magagawa nga ang higit dalawang dekada nang alkalde ng lungsod ng davao para sa
pilipinas, di rin dapat mangimi sa pagtayo sa kanilang pinili. siyempre, sila
ang nagluklok dito, may pananagutan sila sa kabuuan ng 60% ng populasyong di
sumuporta kay duterte. naroon na tayo, iginagalang ang hatol ng nakararami…
demokrasya nga kasi. pero di ito iba sa paninisi kay noynoy na maski yata init
ng panahon ay nasisi na sa kanya.
nais
kong magtagumpay si duterte sa kanyang mga mabubuting adhikain. tagumpay ito ng
buong bansa kung saka-sakali, lalo na sa pagsasaayos ng kapulisan at
kasundaluhan para sa kapayapaan at kaayusan. lalong magiging kaaya-aya ang
bansa sa mga mamumuhunan. ngunit kaakibat nito ay mas higit na pangangailangang
bantayan ang kanyang bawat galaw. dahil nga harabas ang kanyang istilo, mataas ang
prababilidad na magbitiw ito ng mga pananalitang di dapat o kumilos na di ayon
sa batas at proseso. kailangang suriin ang kanyang bawat desisyon, lalo na kung
tunay talaga itong pambansa o dahil magbabayad na rin siya ng utang na loob sa
mga taong tumustos sa kanyang kampanya. di pa batid ng marami pero marami ang
bali-balitang ang grupo ni gloria macapagal-arroyo ang namuhunan kay duterte.
ang unang signal nito ay base sa kung sinu-sino ang iuupo niya bilang miyembro
ng kanyang gabinete. sabi niya, iuupo niya ang pinakamahuhusay lalo na sa
larangan ng ekonomiya at pananalapi at itutuloy ang mga magandang ginawa ni aquino.
ang biro nga niya ay kokopyahin niya ang mga plano ng mga nakatunggaling sina
mar roxas at grace poe para sa ekonomiya.
magkakaalaman
din naman sa paglakad ng panahon, bibigyan ko siya ng pagkakataon at ako'y
naghihintay na masurpresa sa mga mabuting maaaring idulot ng bagong presidente rodrigo
duterte.
magandang buhay, pilipinas!
No comments:
Post a Comment