Friday, May 13, 2016

magpakailanman


di ko madama ang enerhiyang magsulat ng kahit ano nitong abril. wala ni anuman. maski na nga ang mga regular na larawang pang-instagram. kaya ayun, walang itong laman buong buwan ng abril. ngayon nga, atrese na ng mayo, wala pa rin.

pero di naman nangangahulugang wala na ang dati. oo nga't lumisan si papa, tuloy-tuloy ang takbo ng buhay. anupaman ang mangyari, kailangang magpatuloy.

ilang araw pa lang ang lumipas nang ihatid namin si papa sa kanyang himlayan ay bumiyahe na ako. alam kong, masaya siya para sa akin. alam kong di niya ako pipigilan sa lakad na ito. trabaho nga naman ito at di maaaring ipagwalang-bahala.

pero ewan ko ba. ganoon yata talaga. payapa kaming nakarating sa balesin, maganda at pangmayaman ang paligid at pasilidad, maayos naman ang pagkain at matagumpay ang kaganapan… pero parang di kumpleto ang saya. sa gitna ng tawanan at kasiyahan namin ay may patlang, may pait at kirot. walang sandali na di sumagi si papa sa aking isipan.

ganoon nga siguro talaga. sanayan nga lang sabi ng marami. masasanay ang iyong isipan at sana'y pati ang iyong puso't damdamin. ang mahalaga ay mananatili siya sa amin magpakailanman. :) 


No comments: