una
pa lang pumutok ang pangalang leni robredo noong agosto 2012, alam ko nang
magiging malaki ang kanyang papel sa pulitikang pambansa. namatay ang kanyang
asawang si jesse robredo at dahil nga rito'y natuon ang atensyon sa simpleng
maybahay na ito. sumunod dito ay pagkahirang sa kanya bilang tagapamuno ng
partido liberal sa camarines sur. noong 2013, inilampaso niya si nelly
villafuerte, matriarch ng makapangyarihang pamilya villafuerte, sa
pagkakongresista ng ikatlong distrito ng lalawigan. mula rito, buong giting
itong nagtrabaho at nagtulak ng mga mahahalagang panukalang batas. kasama rito
ang freedom of information bill, full disclosure act, people empowerment, tax incentives
management and transparency act, anti-dynasty bill, healthy beverage options
act, at marami pang iba. bukod pa ito sa pagsusulong ng usapin tungkol sa
pagsugpo sa kahirapan at pagkakaroon ng transparency sa bawat kontratang
papasukin ng anumang ahensya ng gobyerno. ang lahat ng ito ay kanyang
ginampanan habang mag-isang itinataguyod ang kanyang tatlong anak sa matuwid at
simpleng pamumuhay. nagba-bus lamang ito pauwi sa naga mula sa maynila tuwing
katapusan ng buong linggong pagtatrabaho sa kongreso. hindi ito nasilaw sa
marangyang gawi ng karamihan sa kabarong mambabatas. kaya naman, nang makita ko
siya sa event ng rappler, batid ko agad na iboboto ko ito sakaling tumakbo ito
sa mas mataas na posisyon.
hindi
napapayag ng mga taga-liberal na maging bise presidente ni mar roxas si grace
poe dahil pinili nitong magpabola kay chiz escudero at mga kakampi nito. nagkumahog
ang mga makadilaw upang may maitambal kay roxas at kanilang napili ang
kongresista mula sa camarines sur. di sigurado si leni. wala siyang salapi at
makinarya at masyado pa raw maaga para tumakbo sa pambansang posisyon. kapag
iniwan niya ang kanyang puwesto sa kongreso, tiyak din babalik ito sa kamay ng
dinastiyang villfuerte (hindi naman ito nangyari). at siyempre, nangungulelat
siya sa survey. ni wala ito sa top 10. kaya naman mauunawaan ang kanyang
agam-agam. pero sa taimtim na dasal ay tinanggap naman ni leni ang hamon ng
pagtakbo bilang pangalawang pangulo. kabi-kabila ang batikos sa kanya ng mga
maka-marcos. kesyo tuta ito ni noynoy aquino at roxas, na wala raw itong alam
sa pamamalakad, na isa lamang itong biyudang tulad ni cory aquino at marami
pang iba.
sa
gitna ng mga debate, wala naman talagang maipukol kay leni. paano mo naman kasi
pipintasan ang isang abugado ng mahihirap at inaapi at dumarayo pa sa liblib na
mga pook upang tulungan ang mga nasa laylayan ng lipunan? paanong pabubulaanan
ng kanyang kalaban ang kanyang rekord tungkol sa pagsupil sa mga mapang-abuso
at pakikipaglaban sa mga sinisiil? paano mong titirahin ang walang luho nitong
paninilbihan sa bayan o ang kanyang tahimik ngunit maprinsipyong pagkatao? paano
babarenuhin ang mabini ngunit matatag nitong tindig? di tulad ni chiz, di ito
isang pulitikal na paru-parong kung saan-saan dumarapo depende sa ihip ng
hangin. di tulad ni alan peter cayetano at antonio trillanes, di kinailangan ni
leni na maging kontrobersyal at palagiang umapir sa midya upang masabing may
ginagawa. di tulad ni gringo honasan, wala itong kailangang ipaliwanag sa
kanyang nakaraan. at lalong di tulad ni bongbong marcos, walang bahid ng
katiwalian si leni. wala itong nais kamkamin, bawiin o paghigantihan. wala
itong pangalang kailangan niyang linisin sa pamamagitan ng pag-akyat sa
pangalawang pinakamataas na puwesto sa bansa. walang nais si leni kundi
maglingkod sa bayan… walang labis, walang kulang.
sa
gitna ng bilangan, pinaugong ng mga troll ni marcos na may dayaang nangyari
dahil sa pagpapalit ng smartmatic ng code para itama ang mga apelyidong may ñ. lumalamang
kasi si marcos sa unang bugso ng quick count ng ppcrv. ngunit sa pangatlong
araw kung kailan nagsipasok na ang mga boto mula sa balwarte ni leni tulad ng
kabikulan, kabisayaan at malaking bahagi ng mindanao, naungusan na ni gng. robredo
ang anak ni imelda. sa pagsasara ng bilangan ng ppcrv, lamang si leni ng higit
220,000 boto kay bongbong. tugma sa inaasahan, di tumigil ang mga kampon ni
marcos at si bongbong mismo sa pagsasabing may nangyaring dayaan. ang rurok
nito ay ang paghaharap umano ng 3 pekeng saksing mula sa quezon na may
pandarayang ginawa sa kanilang lugar. lahat ng ito upang pigilan ang
pagproklama kay leni bilang halal na pangalawang pangulo. ngunit di nagtagumpay
ang mga talusirang makamarcos. tinalo ni leni si bongbong sa margin na 263,473
boto at uupo ito bilang bise presidente sa hunyo 30. sinabi niya sa dalawang
debate ng mga kandidato: the last man standing is a woman. at ito nga ang
nangyari.
bagamat
di naging mabisa ang huling punyagi ng mga taga-LP para kay roxas, pumanig ang
maraming undecided kay robredo. bukod sa kanyang taal na tagasuportang tulad
ko, marami ang sa huling pagkakataon ay bumoto para kay leni. ang higit na
bahagdan ng botong ito ay mula sa mga may malilinaw na pag-iisip na di na dapat
na muling makabalik ang mga marcos sa poder. ang 14,418,817 botong nakuha ni
leni ay para sa tunay na paglilingkod, 'yung serbisyong walang hinihintay na
kapalit. ito ang serbisyong umiimbita sa mga mamamayan upang makilahok at
makisangkot sa mga usapin… hindi upang mangalap ng boto at kakampi para sa
susunod na eleksyon, kundi dahil ito ang nararapat. dahil sa paglalahukan at
pagtutulungan, mas nagiging epektibo ang bawat galaw ng gobyerno, tulad ng
nakita natin sa naga city.
tila
walang balak ang papasok na presidenteng si duterte na bigyang puwang si leni
sa kanyang gabinete. mas pinapaboran kasi ng "hulog ng langit" na si
duterte na di masaktan ang isa sa kanyang mga pinansyer – bongbong marcos. halata
naman ang kanilang sabwatan sa umpisa pa lang. kung kay duterte nga naman
tatambal si marcos, mapapansin ng karamihan ang kanilang tunay na plano. kaya
kailangan ng mga dummy na tulad ni miriam santiago at cayetano. sinabi rin
naman ni duterte na kailangan niyang magbayad ng utang na loob sa mga tumulong
sa kanya kaya di isasali si leni sa pamamalakad ng anumang ahensya. ok lang
ito. di naman nito malilimitahan ang kakayahan ni leni na isulong ang kanyang
mga plano. di kawalan ang kakitiran ng pag-iisip ng uupong pangulo sa paggawa
ng mabuti, lalo na nga't tunay na mabuting tao ang gagawa nito sa katauhan ni
VP leni.
ang
mahalaga ay isang marangal, malinis at mabuting tao ang uupo bilang pangalawang
pangulo. ngayon pa lang, kung kailan sinabi niyang di siya mag-oopisina sa
coconut palace dahil sa laki ng gastos dito, damang-dama na ng marami kung
anong klaseng panunungkulan ang aasahan kay VP leni – tapat, mapagpakumbaba, di
magarbo, simple, taos-puso, tunay na serbisyo, makatao, makadiyos,
makakalikasan at tunay na makabansa.
mabuhay ka, VP leni robredo!
No comments:
Post a Comment