Friday, November 18, 2016

hindi bayani si marcos

sa mga sandaling ito, nakahimlay na nga ang mga labi ng diktador na si ferdinand marcos sa libingan ng mga bayani. nanaig na nga ang matagal na nilang balakin, ang tuluyang makabalik at muling maging makapangyarihan sa bansang isinadlak ng diktador sa kahirapan at pinagnakawan ng kanilang pamilya, sampu ng kanilang mga kroni.

tulad ng isang akyat-bahay gang, pailalim at bigla-biglang inilipad ang bangkay mula batac, ilocos norte patungong taguig. inilagak daw ito sa libingang medyo malayo sa ibang mga presidente. ni walang pasabi ang mga ito at sadyang inilihim ang paglilibing dahil daw nais ito ng pamilyang marcos. tulad ng ibang mga inilibing dito, binigyan ito ng 21-gun salute. ngunit di gaya ng sa mga tunay na bayani, patago itong isinakatuparan… gaya rin ng isang magnanakaw. tulad ng isang mandarambong, kumuha ito ng kasakapat sa katauhan ni rodrigo duterte, upang magawa na ang matagal nang naisin nina imelda, imee at bongbong – ang makabalik sa kapangyarihan at muling gawing tanga ang sambayanan. pinilit itong ikubli sa mata ng publiko at pikit-matang sumunod ang mga alipores ni duterte.

pagbabayad ng utang na loob. ito ang puno't dulo nito. kapalit ng pinansyal na tulong sa kampanya at sa kanyang pamilyang loyalista ng mga marcos noon pa man, isa ito sa mga unang ipinag-utos ni duterte. kung nanalo pa si bongbong, kumpleto na ang barter. pero di ito nanalo kaya ang kahilingang ilagak ang matandang marcos ang inuna ni duterte. oo nga't inayunan ng korte suprema ang paglilibing ngunit ang pag-ayon na ito ay sinuma bilang "dahil nais ito ng nakaupong pangulo at ayon sa batas, wala itong nilalabag na anuman". hindi ito mangyayari kung ang nakaupong pangulo ay di hitik ng utang na loob sa mga marcos.

ito ang hindi naisip ng mga bumoto kay duterte. hindi ito iba sa mga tradisyunal na pulitiko. sa itinatakbo ng mga bagay-bagay, higit pang mas magiging delikado ang mga hakbang nito dahil nakabaon ito sa utang na loob sa mga tao sa likod ng kanyang kampanya at pagkapanalo. bukod sa ngayong makapangyarihan nang muli na mga marcos, nariyan pa ang nagnanais ding muling pumaimbulog na sina gloria macapagal-arroyo at balikod nitong asawa, at maging ang natalong si manny villar. lahat ng ito'y nais na muling kumubra sa bayan at si digong, bilang isang "action star" ay "di bumabali ng sariling salita"… maging ang sambayanan at inang bayan ang nakataya.

kung magagawang dedmahin ni duterte ang mga pang-aabuso ng rehimeng marcos at tuluyang yurakan pang muli ang mga biktima nito, di malayong payagan din nito ang mga buktot na muling maghari.

nanghihilakbot, nanggagalaiti ako sa galit ngunit higit sa lahat, nalulungkot ako sa mga itinatakbo ng mga pangyayari. ngunit gaya rin ng sinabi ko, nawa'y mabagok ang ulo ni digong at baka sakaling magising ito sa katotohanang may magagawa siyang higit na mabuti para sa bansa at hindi rito kasama ang pagbabayad ng utang na loob. sana'y isipin niya ang sambayanan at gamitin ang kamay na bakal at tigas ng mukhang sabihin sa mga tulad nina marcos na "hanggang diyan na lang kayo". sana nga.   


sa ngayon, hahaba na ang pangalan ng pambansang institusyong "libingan ng mga bayani". mula ngayon, ito na ang libingan ng mga bayani at ng isang mandarambong, diktador at mamamatay-tao.

#HindiBayanisiMarcos
#NeverAgain

No comments: