Sunday, December 18, 2016

hiyas

diyamante o anumang mamahaling bato o mineral. ito ang isa sa pinakamatatagal nang pinag-aawayan ng mga tao sa kasaysayan ng sangsinukob. ito at mg bagay na pinalamutian ng mga ito ang unang isinusukbit sa mga nakawan, digmaan at maraming sigalot sa pagitan ng mga tao. nakakabit sa mga ito ang kapangyarihan, karangyaan, kayamanan, kapalaluan at karangalan. 'pag nabanggit na ang mamahaling batong gaya ng diyamante, sapiro, rubi, opal o ang mga presyosong metal gaya ng ginto at pilak, umiigpaw na ang dugo ng marami dahil sa halaga ng mga ito. pinamamana pa ang mga ito sa salinlahing di na mabibilang. ginagamit ang mga ito bilang adorno ng mga karakter na may kinalaman sa relihiyon at upang bigyang ringal ang mga hari't reyna ng mga monarkiya. maging sa sinaunang pilipinas, may bigat, bukod sa literal na onsa o kilo, ang mga ito sa buhay ng sangkatauhan.

kaya naman sinusuong ninuman ang anumang unos, baha o anumang kalamidad makamit lamang ang anumang hiyas. tatawirin ang anumang mapanganib na sangandaan upang makaumit maski ng maliit na butil ng mga ito. sasagasa sa anumang bulto ng mga tao, masayaran lang ang mga palad ng presyosong bato o metal. buong tiyagang maghihintay sa pagsapit ng takdang panahon upang mahinog ang mga ito. lulubog sa anumang kumunoy kung ito lamang ang paraan upang makapagmina nito. tatawagin ang lahat ng santo upang humingi ng katakut-takot na buwenas at biyaya, nang sa gayon, makaani ng nakakubling uslak. lulunukin ang anumang dangal sa sarili upang matantusan lamang ng mga ito. kesehodang gumastos pa ng higit sa nararapat dahil ang iniisip ay ang balik nitong kaperahan sa sandaling tumaas pang lalo ang presyo sa merkado. handa ring isakripisyo ang buhay kung kinakailangan dahil di matatawaran ang pagkakamal ng mga mamahaling hiyas.


sa huli, di maikakaila ang halaga ng anumang hiyas sa tao. oo nga't may mga taong di mahilig sa anumang alahas, pero ang halina ng mga ito ay tila isang unibersal na nang-aakot sa kaloob-loobang kalamnan ng mga kaapu-apuhan ni adan at eba… "angkinin mo ako, mag-may-ari ka ng isa sa amin, gastusin mo ang pera mo sa isang piraso ng alahas at ikaw ay lulukuban ng ibayong ligaya".

wala akong ni isa mang piraso ng anumang mamagaling bato. isang singsing at kuwintas (nawala pa ang pendant), pero ako'y masaya. 

ikaw, anong hiyas mayroon ka?

No comments: