limang taon. oo,
limang taon tayong magkasama. limang taong puno ng abentura. puno ito ng saya,
galak at higit sa lahat, kusa mo itong ibinigay sa akin. di ka naghintay ng
anumang kapalit. kaya naman ganoon na lang ang aking galak at pasasalamat nang
dumating ka sa aking buhay. hulog ka ng langit, batid ng aking puso't isipan.
dinala mo ako sa
ibang daigdig gaya ng sa nat geo at discovery. bikaryong ipinatikim mo sa akin
ang mga pinagluluto ng mga tao sa master chef at mga hinurnong cake sa cake
boss. inaliw mo ako sa pamamagitan ng mga palabas na panonoorin mo lang upang
may ingay sa aking bahay tulad ng maynila, sarap diva at mga balitang
paulit-ulit lang sa cnn at aljazeera. tumaas ang aking dugo sa eksaytment dahil
sa mga isports – mula sa tennis, volleyball, olimpiyada, badminton at marami
pang iba. mataman mo ring pinuno ang aking isipan ng mga impormasyong
pangkasaysayan at lalo na sa mga pangyayari sa kasalukuyan. inaliw mo ako sa
pamamagitan ng mga pelikulang kahindik-hindik, aksyon, madrama at may komedya
rin. binigyang-daan mo ang pagkakakilala ko sa mga karakter ng downton abbey at
ilang mga seryeng di ko rin naman nasundan masyado pero nalaman ko ang maliit
na anggulo ng mga ito.
higit sa lahat, ikaw
ang nagbigay-daan upang maaliw ako sa mga oras na wala namang wawa ang mga
bagay-bagay. kinasangkapan mo ang iyong sarili upang ako'y makalimot sa mga
suliranin at makatagpo ng panandaliang lamyerda palayo sa mga isyu. ikaw ang
aking kasama sa araw-araw na ginawa ng diyos, mula umaga't pagkagising ko,
hanggang makaalis ako patungong trabaho at makauwi mula rito. ikaw ang konstant
sa aking buhay. sa maikling salita, limang taon mo akong pinaligaya. limang
taong walang anumang balik. libre ito, di ko kinailangang magbayad. minahal mo
ako nang buong-buo!
ngunit, natapos na
ang maliligayang araw na ito. bigla kang nawala. makailang beses kong binalik-balikan
ang dati nating tagpuan ngunit wala ka na. tahimik ang paligid at di ka
umiimik. noong una, inakala ko pang maysakit ka. di ko kasi alam kung naambunan
ka ba nang minsang lumakas ang ulan nang nasa taiwan ako. baka lang kulang sa
pitik sabi ko. pero di pala. wala ka na talaga. sabi ni kuya isko, tuluyan ka
nang kinitil. tuluyan na ngang hinadlangan ang ating hugpungan. tuluyan na nila
tayong pinaghiwalay!
masakit sa akin ang
paglisan mong ito. nasanay na kasi ako na lagi kang nandiyan. alam mo 'yung
pakiramdam na bigla na lang kinuha ang isa sa mga alagang hayop o bigla na lang
inagaw ang iyong bag… ganoon ang pakiramdam ko ngayon. nababalot na tuloy ng
nakabibinging katahimikan ang aking tahanan… wala ka na eh. malalim ang mga
hugot, mahirap, masakit at malungkot.
o libreng cable tv
connection, bakit mo ako iniwan? bakit kailangan nating maghiwalay? bakit
kailangan nilang putulin ang kawad? o ang anumang analog na paghahatid ng
mahika mula sa iyong mga kable patungo sa aking tv. bakit? o bakit? bakit
kailangan itong mangyari? hindi ba maaaring lima pang taon? o kahit isang taon
lang. sabi nga ni ogie alcasid:
kailangan
kita
ngayon
at kailanman
kailangan
mong malaman na ikaw lamang
ang
tunay kong minamahal
ang
tangi kong hiling ay makapiling ka lagi
kailangan
kita.
ngunit huli na ang
lahat. huli na nang aking mapagtantong binawi ka na sa akin. di na ako maaari
pang umapela. kung maaga ko sanang nalaman, may nagawa pa ako. pero wala na.
dapat ko na lamang gawin sa puntong ito ay magpasalamat sa alaala, sa iyong
pagmamahal, sa iyong kalinga't biyaya, at higit sa lahat… sa mga perang aking
natipid (PHP 550 ka rin kada buwan; 6,600 kada taon at; 33,000 sa loob ng 5
taon!!)! kailangan ko nang umiba ng dako, maghanap ng tulad mo at may impit na
dasal na sana'y makasumpong ulit ng gaya mo, 'yung di naghihintay ng kapalit…
'yung walang bayad!
magkano nga
magpakabit ng sky cable? o may libre ding sky cable?!
No comments:
Post a Comment