ay sus! ang
"inapi at patuloy na inaapi" ay heto na naman sa kanyang katangi-tanging palabas.
kagila-gilalas, kamangha-mangha at talaga namang puno ito ng pait, pagmamataas
at katunggakan ng pag-uugali.
kumbinsido
na talaga ako. sa pagsapit ng tag-ulan, simula na ng kadiliman ng mula rito. sa
tuwing mamumuo ang masamang panahon sa banda ng dagat pasipiko, siya na ring
simula ng panggagaliti nito, kapara ng mabilis na pag-ikot ng malalakas na
hanging magdadala ng ulan. sa sandaling magdala ng pag-uulan ang habagat, heto
na naman ang di na natapos na isyu mula sa kanyang pusali. kapag nagsisimula na
ang pagbaha sa maraming lugar sa luzon, masama na ulit ang birada nito sa mga
tao sa iyong paligid… ay hindi pala sa lahat, sa iilang mga indibidwal lamang,
'yung sa tingin nito ay may utang na loob sa kanya.
naitanong na
kaya nito sa kanyang sarili kung bakit lagi siyang nasa gitna ng awayan, samaan
ng loob at paghihiwa-hiwalay ng mga magkakaugnay? sumingit man lang ba maski
minsan sa kanyang kukote na usisain ang sarili, magmuni-muni kung ano ang mali
sa kanyang sarili? sa kanyang gabi-gabing paghimbing, sumagi man lang ba sa kanyang
isip na baka siya ang problema kaya't sa maraming pagkakaton sa loob ng maraming
taon, lagi itong may nakakasamaan ng loob? di kaya ito nagtataka kung bakit tila
karaniwan na ang pagkakaroon nito ng bagong kagalit o katampuhan o kaaway?
bakit ba
kasi pakiramdam mo ay kinakalaban ka ng iba? bakit lagi mong
pinangangalandakang tama ka at mali ang iba? bakit pakiramdam mo ay may
karapatan kang magmataas? bakit buong pahimakas mong dinidemanda na umayon sa
iyo ang lahat? bakit? hindi ka ba talaga napapagod sa iyong gawa-gawang mga
hilahil?
nais ng
maraming unawain ang iyong disposisyon. pero hindi ito sa lahat ng pagkakataon.
tandaan mo, lahat ay may hangganan. 'ika nga, ang pasensya ay nauubos din. sige
ka, baka di makapagpigil ang iba, baka ibuhos sa iyo ang galit at di mo kayanin
kapag winasak ka ng mga masasakit na salita mula sa mga ito! di ba nga, minsan
mo nang hindi kinaya? kapag napuno na ang salop, baka lalong di mo kayanin ang
pagtutulad sa iyo sa mga mabalasik na personalidad na iyong kinamumuhian! ito
na yata ang isa sa pinakamasakit na maaaring sabihin sa iyo dahil muhing-muhi
ka sa mga ito pero tila nagiging ikaw na ang mga ito base sa iyong inaasal at
iginagawi nitong mga nakaraang panahon.
iyong
pakatandaan, hindi ka ispesyal, hindi lang ikaw ang anak ng diyos at hindi mo
dapat pagmataasan ang iba, maski pa naungutan ka ng mga ito magkaminsan. hindi
porke may utang na loob sa iyo, kailangan ka na nilang ilagay sa pedestal at
ipagbunying parang isang bayani. hindi maaaring ipilit na ikaw ang ayunan,
intindihin at bigyan ng atensyon. wala kang monopoliya sa pagiging tama… sa
totoo lang, maraming beses ka nang pumalpak. huwag na bastos ang pagsasalita
kahit pa may punto ka, anumang mabuti kapag sinabi ng pabalagbag ay nagiging
masama at umaasim. tanggapin mong sa bawat gulo o awayang iyong kinasangkutan,
may mali ka rin sa mga ito at sa mga sitwasyong ito, anumang sinabi o ginawa
mo, maaaring reaksyon lamang ng ibang partido ang ikinasama mo ng loob. at
saka, walang umaapi sa iyo. ikaw nga itong nagmamalabis.
hindi
puwedeng laging tungkol sa iyo, hindi lang ikaw ang karakter sa mundong ibabaw.
sana'y maunawaan mong ang lahat ay nasa gitna ng ibang porma ng unos, ang iba
nga ay may mas matinding pinagdaraanan. kung wala kang matinding suliranin,
itigil mo ang kangunguynguy, pagpapabrika ng mga isyu, paglalagay ng malisya sa
mga bagay-bagay at pag-akap sa mga negatibong asersyon. huwag mong hayaang
tuluyan kang ulaulin ng balighong emosyon.
dapat kang
matuto sa kamalian ng iyong mga kinamumuhian at iwasan ang mga ito. di tulad
nila, may panahon ka pa upang baguhin ang iyong sarili. gusto ng marami na muli
mong matagpuan ang iyong dating sarili… 'yung walang dawag ang emosyon, 'yung
walang bahid ng malisya ang bawat salita, 'yung walang pagmamataas sa bawat
gawi, 'yung walang pangungunsensya, 'yung walang kabalintunaan, 'yung walang
dramang pabiktima, 'yung dating magiliw at puno ng positibong pagtingin sa mga
bagay, 'yung dating ikaw.
No comments:
Post a Comment