Wednesday, September 6, 2017

maka-marcos

hedlayn ang alok ng pamilyang marcos na ibalik ang ilang mga bareta ng mga ginto sa gobyerno. hindi lahat ng mga ninakaw ng mga ito sa bayan ang ibabalik, kundi iilang mga di na kailangan pa ng mga mandarambong na sina imelda marcos, imee marcos at bongbong marcos. marami na yata silang ginto at kayamanan, hindi na siguro magkasya sa kanilang mga kaban kaya't naisip nilang ibalik na lang ang maliit na bahagdan nito sa pamahalaan. siyempre, tulad ng isang tusong kontrabida sa mga pelikulang disney, ito ay may kapalit… isang maitim na balaking walang ibang makikinabang kundi ang kanilang pamilya lamang.   



upang higit na makumpleto ang piktyur, ugong na ugong din ang pakikipagkasundo umano ni rodrigo duterte sa pamilyang marcos. ang hakbang na ito ng mga marcos ay dulot ng pakikipag-ugnayan ng mga marcos sa presidente. ibabalik daw ng mga marcos ang kaunting pera at dahil sa "kabutihang-loob" ng mga marcos, inalok naman ni duterte ang mga ito ng imunidad at kalayaan mula sa anumang asuntong dekada na ang binibilang. ang hakbang na ito ni duterte ay isang malaking kahibangan at tanging isang adik sa peynkiler lamang ang makaiisip na ito ay mabuti para sa bayan.

paanong maaatim ng isang tunay na pilipino ang katigan ang kabuktutan ng mga marcos at hayaan ang mga itong bumalik sa kapangyarihan at kalimutan ang kanilang mga kasalanan sa bayan? di sapat na ibalik ang kakarampot na ninakaw sa kaban ng bayan. una, aminin nilang nagkamal sila ng salapi at yaman sa loob ng rehimeng marcos. pangalawa, kung tunay nilang nais na makipagkasundo sa gobyerno, huwag na nilang labanan ang lahat ng asunto at ibalik sa bayan nang walang pasubali ang hindi kanila. at higit sa lahat, dapat nilang pagdusahan ang kanilang mga krimen sa bayan, lalo na ang mga kinitlan ng buhay sa mapaniil na palakad ni marcos. humingi ng tawad sa bayan at magpakumbaba. hindi 'yung sila pa ang may ganang magmalaking ipangalandakan sa bayan na walan silang kasalanan.

ngunit ang higit na dapat boljakin dito ay si duterte. malaki ang kanyang utang na loob sa mga marcos. sina imee at bongbong ang nagpaulan ng kuwarta para sa kampanya ni duterte kapalit nga sana ng mga ito: si bongbong ang mauupong bise presidente, ililibing si ferdinand marcos sa libingan ng mga bayani at wala nang anupamang kaso ang ihaharap sa mga marcos, walang bagong paghahabla sa mga ito at kalimutan ang lahat ng nakabinbing mga kaso laban sa demonyitang si imelda marcos. hindi nangyari ang pag-upo ni bongbong ngunit naipilit ang paglalagak sa bangkay sa libingan ng mga bayani. at heto na nga ang ikatlo. upang mapagbigyan ang hiling ng mga marcos, balak ni duterte na buwagin na ang PCGG, ang ahensyang lumalaban sa mga marcos upang mabawi ang mga nakaw na yaman ng mga ito. sa galaw na ito, pinahihina ni duterte ang paghahabol ng gobyerno sa mga marcos. imbis na pananagutin sa batas sa malinaw na mga krimen ng pamilyang marcos, pinalalabnaw pa ngayon ni duterte ang laban ng gobyerno. lalo na ngayong nagpahayag pa ito ng imunidad sa sandaling magbalik ng malinggit na halaga sa bilyun-bilyong dolyar na pinaghati-hati ng mga marcos sa kanilang libu-libong mga akawnt sa iba't ibang mga bangko.


saan ka nakakita ng lider na makabayan kuno ngunit handang kalimutan ang mga krimen kung magbabalik ng kakaunti ang mga mapaniil? saan ka nakakita ng pinunong nakahandang ipagkanulo ang buong bayan, sampu ng mga nangamatay at biktima ng batas militar, upang bayaran lamang ang utang na loob sa isang buktot na pamilya? saan ka nakakita ng presidenteng nag-aaksaya ng panahon upang makibagay sa isang pamilyang marami ang utang sa bayan at handa pang pawalang-sala ang mga ito sa pag-aakalang nag-aalok ito ng kabutihang-loob?

hindi mabuti ang nais ni duterte. wala siyang pinagkaiba sa mga trapo ng maruming pulitika ng pilipinas. sa pagpanig at pagkiling sa mga naisin ng mga marcos, lalo pang pinalalakas nito ang tunggak na kalakaran na "hindi kailangang magdusa ng isang kriminal" at ligtas sa mahabang galamay ng batas ang mga buktot kapag malakihan at malawakan ang kasalanan ng mga ito. ang kawalan ng kaparusahan sa krimen ng mga marcos noong batas militar ay signal sa mga kabataan na kahit gumawa ng masama ay walang pananagutan sa batas, kung mababaliko mo ang mga batas at proseso at pagsasalitain ang pera. sa pagbabayad ni duterte ng utang na loob kina bongbong, imee at imelda, ipinagwawalang-bahala nito ang pagsusumakit ng milyun-milyong mga lumaban sa rehimen noong edsa 1986. sa pagiging maka-marcos imbis na makabayan, muling kinikitlan ni duterte ng buhay ang mga biktima ng pagmamalabis ng mga marcos, sampu ng mga indibidwal na di na kailanmang nakita pa.

matigas ang mukha ni duterte at buong pahimakas nitong sinasabi ang kanyang pagpanig sa mga marcos. kung sana'y ginamit nito ang tigas ng mukha niya sa mabuting paraan, mas maigi sana… kung buong pagmamalaki niyang sinabi sa mga marcos na "salamat sa kuwarta at suporta noong eleksyon ngunit ang anumang para sa bayan ay para sa bayan at kailangan ninyong ibalik ang lahat ng inyong ninakaw sa bayan." kung sana'y tunay nga siyang iba sa mga trapo at handang ibuwis ang buhay sa tunay at di artipisyal na pagbabago. kung sana'y iniisip nitong mabuti ang mas malaliman, malawak at panghinaharap na epekto sa bansa ng mga delikadong hakbang gaya ng pagpapawalang-sala sa mga marcos, mas kaiga-igaya sana. ngunit hindi. masaya na si duterte na masaya ang mga marcos at masaya ang kanyang mga bulag na tagasunod.

nakalulungkot ang takbo ng mga bagay-bagay. lalong nakalulungkot na ipinagbubunyi pa rin ng mga tagasuporta ni duterte ang balighong presidente.  

No comments: