Thursday, May 3, 2018

kotse

wala akong kotse o anumang sasakyan. at sa hinaba-haba ng panahon, wala akong balak na bumili nito. una, di naman ako nagmamaneho. kahit na nga mabilis lang daw matutong magmaneho ngayon… at lalong mas mabilis kumuha ng lisensya, di pa rin ako naeengganyo. pangalawa, may ibang pinagkakagastusan kasi. daming bayarin. mula sa bahay, sa upa, sa seguro, sa pang-araw-araw na gastusin at kung anu-ano pa. at sabi nga ng maraming may sariling kotse, lalabas lang ang pera sa sandaling magkaroon ka ng sasakyan. hindi ito kailanman magmamahal, bagkus bagsak agad ang halaga nito sa sandaling mapasaiyo na ang susi nito. siyempre ang dagdag na gastos at problema kung saan mo ipa-park ang iyong sasakyan. mahal ang parking sa makati! pangatlo, di rin talaga ako nahilig sa sasakyan. ewan ko ba. marami ang tumitingin sa pagkakaroon ng sasakyan bilang senyal ng pag-asenso ng buhay. may iilan pa ngang buong pahimakas itong pinangangalandakan sa madla. may iba rin siyempreng hilig ang pagkakaroon ng kotse. ito ‘yung mga tipong tila isang anak o alaga ang tingin sa kotse. pero hindi ako.


at huli, di ako kumbinsidong kailangan ko ng sasakyan. nang magkatrabaho ako, ang una kong ginawa ay lumapit sa trabaho. lumipat ako ng tirahan sa makati upang umiwas sa mahabang biyahe paroo’t parito. dahil malapit na ang bahay sa trabaho, di na kailangan pa ng sariling sasakyan. nilalakad nga lang magkaminsan ang distansya ng bahay sa opisina. bilang isang makatizen, malapit ako sa mga bagay-bagay sa aking tirahan. madaling makakuha ng taksi, isang traysikel at mararating mo ang sakayan ng bus at dyip, kaunting lakad at malapit na agad ako sa mga kailangang puntahan. dagdag mo pa ang paglitaw ng grab at uber (noong mayroon pa nito). dahil sa mga opsyong ito ay nagkaroon ng alternatibo at gumaan ang presyur ng araw-araw na paglalakbay. mahal nga lang madalas kaysa hindi pero nagkaroon ng ibang paraan upang makarating sa opisina o saan mang bahagi ng kamaynilaan. alam ko rin ang hinaing ng mga may sasakyan dulot ng matinding trapiko sa metro manila, kaya naman mas maigi pa ring ikaw ay isang simpleng pasahero lamang.

ngunit siyempre sumasagi rin sa aking isipan magkaminsan ang pagbili ng kotse. naiimadyin ko ang ginhawa’t sayang dulot ng pagkakaroon ng sariling sasakyan sa mga panahong gaya ng kapaskuhan o may mahabang wikend o di kaya kapag may kitaan kasama ng mga kaibigan. sa tuwing sasapit ang kapaskuhan, di magkamayaw ang mga tao sa kamaynilaan, agawan ng taksi at nitong mga nakaraang taon, abot langit ang mahal ng grab at uber. sa tuwing uuwi ako ng novaliches, sangkatutak ang mga dala ko pero kailangang makipagsiksikan sa mrt, pumila sa uv express at magkaminsan ay mag-backride sa traysikel. sa mga ganitong panahon, naiisip kong magkaroon ng kotse. iba rin siguro ang pakiramdam na isasalansan mo na lamang ang lahat ng iyong iuuwing regalo o pagkain at maaari mo pang dagdagan ang mga ito kapag dumaan sa mall.        

kapag may mahabang wikend naman, iba rin kung may kotse ako. mabilis akong makapaglalamyerda sa kung saan ko man naisin. nito lamang huwebes santo, kung may sasakyan ako, higit na madali ang pag-ikot sa mga bayan ng laguna upang mag-visita iglesia. bagamat di naman mahirap ang pagsakay-sakay sa laguna, mas madali pa rin ang naging biyahe sa mga bayan kung sarili mo ang sasakyan. pumunta rin kami sa pampanga nitong abril lang. mas mahirap ang paroo’t parito sa probinsiyang ito kaya kung may sasakyan sana ako, di na kami pasalin-salin ng dyip patungong mexico o guagua galing ng san fernando. siyempre kung may kotse ako, mas madali lang din lumarga basta-basta. di ko na kailangan pang pumunta at magbakasakali sa mga istasyon ng bus upang maging chance passenger tulad ng biyahe ko sa quirino at nueva vizcaya. bahagi naman talaga ang pagsakay sa bus o komyut sa abentura at sa kabuuan ng paglalakbay sa mga lalawigan at ng galak na marating ang mga ito. pero ibayong ginhawa siguro kung may sasakyan ako dahil hawak ko ang oras kung kailan ko gustong umalis at umuwi.


sa puntong ito, nag-iisip pa rin ako. nagtitimbang ng mga bagay-bagay… sa magandang idudulot ng pagkakaroon ng sariling sasakyan kumpara sa gastos at isyung kaakibat ng pag-aari nito. ginhawa laban sa gastusin, larga kung kailan maisipan laban sa problema ng parking, di na kailangan pang mag-mrt o bus laban sa isyu ng coding, ura-uradang alis laban sa bayarin at di na nakadepende sa grab o taksi laban sa bayaring ukol sa seguro at pagmementena ng sasakyan. karaming isipin, karaming bagay na dapat isaalang-alang. parehong may bigat at pareho ring may drobak. haaaayyy…

sabihan kita ‘pag nakapagpasya na ako. sa ngayon, umpisa muna akong mag-book ng grab dahil aalis na ako patungong greenbelt.   

No comments: